Sabado, Enero 4, 2014

Ang Roleta

ANG ROLETA
Froilan F. Elizaga

          Pag-uwi ko, masakit ang buo kong katawan. Para akong tinatrangkaso. Nilapag ko muna sa kutson ang pulang kahon ng sapatos na iniabot sa akin ng may-ari ng junkshop na kumupkop kay Lola Esme, saka ako nag-shower. Nilamig ako, kahit lukewarm na ang ipinangligo ko. Hindi na ako nagsabon. Lumabas ako agad ng banyo at nagbihis.

          Gusto ko sanang magtimpla ng kape o gatas na mainit pero wala na palang laman ang mga garapon. Wala na ring cup noodles kaya anumang instant soup. Grabe! Anong buhay ba meron ako? Naitanong ko sa sarili. Sa oras ng pangangailangan ay wala akong madukot. Napakapabaya ko talaga.

          Ginusto kong bumaba upang makabili ng makakain ngunit bigla na lang akong nanginig ng husto. Pakiramdam ko ay inilublob ako sa tubig na nagyeyelo. Kaya, nagkumot na lang ako. Pinilit kong painitin ang katawan ko sa ilalim ng nito. Unti-unti na ring bumigat ang ulo ko na tila hinahataw. Patuloy ding kumakalat ang sakit sa buo kong katawan. Pakiramdam ko ay dinadagan ako ng malalaking tao.

          Gabutil na ang malalamig kong pawis. Hindi pa ako makahinga sa ilalim ng kumot kaya inilabas ko ang ulo ko. Subalit, umikot ang kama ko. Naging roleta ang higaan ko. Nakakahilo.

          Ipinikit ko ang mga mata ko. Umiikot pa rin ako. Nang dumilat ako, mga tila alitaptap ang nakikita ko. Pumikit uli ako.
Nagdilim ang kuwarto ko.

          "Aalis na ako. Bahala ka na sa anak natin." Narinig ko si Julia. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata. Malabo, pero alam ko may saklay na malaking bag ang asawa ko.

          "Bakit?" Naguguluhan ako. Hindi ko alam na may problema kami. "Saan ka pupunta?

          "Di ko alam.. hahanapin ko lang ang sarili.." Tumalikod na siya. Ni walang lumabas na salita sa bibig ko. Gusto ko sanang sabihin na huwag niya kaming iwan ng anak namin, pero hindi ko nabigkas. Hindi rin ako makagalaw at makatayo. Wala akong nagawa. Tiningnan ko ang walong taong gulang na anak ko na nakatulog sa sofa. Naawa ako. Paano na siya? Naisip ko.

          Muling umikot ang paligid ko. Kaya, pinikit kong muli ang mata ko. Maya-maya, narinig kong tinatawag ni Mariah ang kanyang ina. "Daddy, nasaan po si Mama? Nagugutom na po ako. Gusto ko na pong kumain."

          Marahan kong tiningnan ang mukha ng aking anak. Nagugutom na nga siya. "Umalis ang Mommy. Matagal pa siyang babalik.."

          "Ano po? Hindi pa siya babalik?" Pumalahaw ng iyak si Mariah at tumakbo sa kanyang kuwarto. "Mommy! Mommy!"
Unti-unting nawala ang iyak niya habang unti-unti nagdilim uli ang ang paligid ko. Sobrang lamig ng pakiramdam ko. Ikinanginginig ko ito ng husto.

          Kinumutan ako ni Mama ng mas makapal na kumot. "Sabi ko kasi sa'yo, huwag kang magpakapagod masyado. Masyado mong isinusubsob ang sarili ko sa trabaho. Nandyan lang ang trabaho. Pero, ang katawan, kapag bumigay, mahirap ng ibalik sa dati." Tapos, pinunasan niya ang noo at leeg ko ng mainit-init na bimpo. "Ipagluluto kita ng arrozcaldo. Kumain ka ha? Sige na, iwanan na muna kita."

          Medyo nabawasan ang panginginig ko. Inantok ako bigla. Nawala na rin kasi ang roleta sa paningin ko.

          Hindi ko alam kung gaano ako katagal nakatulog. Nagising lang ako dahil kinuhaan ako ng blood pressure ni Lea May, ang nurse kong girlfriend. Hindi siya nagsasalita. Ni hindi niya sinabi sa akin kung ano ang BP ko. Nakita ko lang na may sinusulat siya. Tumingin pa sya sa kanyang wrist watch saka nagmamadaling lumabas.

          Muli kong sinubukang matulog. Nagsisimula na naman kasing umikot ang kisame. Naglalabasan na rin ang maliliit na alitaptap.

          Hindi pa ako nakakatulog, nang biglang nag-amoy basura ang kuwarto ko. Nang idinilat ko ang mga mata ko, nasa harap ko na si Lola Kalakal. Saka lang niya inilapag ang malalaking plastic ng kalakal. May hinalungkat siya pagkatapos.

          "Kainin mo ito, Apo." Idinuldol niya sa akin ang pritong buto ng manok na may konting natirang laman. "Mabait ang Diyos. Binigyan niya tayo ng makakain."

           Alam ko kung saan niya ito napulot. Pero, kahit konting katiting ng pandidiri ay hindi ko naisip. Kinuha ko ang buto ng manok at sinimot ko ang laman. Masarap. Guminhawa ang sikmura ko.

           "Ibebenta ko lang itong mga kalakal ko, ha, para mabilhan kita ng gamot. O heto, ikaw na ang umubos nito. Maghahanap ng lang uli ako ng para sa akin. "Iniabot niya sa akin ang isa pang buto ng piniritong manok. Mas konti ang natirang laman nito.

          Pinagmasdan ko ang painut-inot na paglabas ni Lola Kalakal sa kuwarto habang nabibigatan siya sa mga dalang kalakal, hanggang sa maglaho siya sa pinto. Naiwan ang amoy ng basura.

          Umikot muli ang kama ko. Nakakahilo. Kapag nakapikit ako, nakikita ko ang roletang may black and white na spiral print na umiikot ng mabilis. Kapag dumidilat ako, ang maliliit na alitaptap naman ang pilit lumalapit sa mga mata ko. Nakakahilo talaga. Idagdag pa ang lamig na nararamdaman ko ngunit tila kumukulo naman sa init an g buo kong katawan. Parang binabanat pa ang mga braso, binti, likod at hita. Pasakit din ang sobrang sakit ng ulo ko. Natawag ko tuloy si Julia, ang ina ng anak ko. Siya ang madalas na naghihilot ng katawan ko kapag nasosobrahan ako sa trabaho. Si Mariah, anak inspirasyon ko, ay naalala ko rin. Siya ang dahilan kung bakit ako nagsusumikap.

          "Nurse Lea May, salamat sa pagmamahal at pag-aalaga." Napangiti pa ako sa sobrang kilig niya. "Ikaw ang dahilan kung bakit gusto kong gumaling."

          "Ma, ayoko ng kumain. Tama na po iyon. " Nauyam sa akin si Mama. Wala siyang nagawa kundi tumigil sa psgsubo sa akin ng mainit na lugaw. "Uminom ka na lang ng maraming tubig. Heto o.." Inalalayan niya pa akong bumangon ng bahagya para uminom. "Damihan mo."

          Nalunod ako sa sobrang dami kong nainom. "Tama na, Ma!" Medyo, nainis na ako sa aking ina. Bakit ba niya ipinagpipilitan ang gusto niya? Hindi naman ang mga iyon ang gusto ko.

          Sa inis ko, kinulong ko ang sarili ko sa ilalim ng kumot. Nagpumilit akong matulog sa kabila ng sakit ng katawan at ulo, ng lagnat at panginginig na nararamdaman ko. Mahirap matulog habang umiikot ang higaan, habang pinipilit ang katawan ko, habang niyayakap ako ng malamig na hangin at habang pinupukpok ang ulo ko ng martilyo.

          Nagdedeliryo ako, alam ko. Naawa ako sa sarili ko. Wala man lang kasing mag-aalaga sa akin. Umagos ang masaganang luha ko. Si Lea May sana ang inaasahan ko. Ngunit, nasaan siya? Iniwan niya ako. ipinagpalit niya ako s pangarap niya. Iniwan na rin ako ng una kong asawa. Ang Mama ko lang sana ang walang kondisyong magmamahal at mag-aalaga sa akin, pero matigas ang ulo ko. Ayaw kong makinig sa kanya. Napakataas ng pangarap ko. Akala ko, sa Maynila ko lang makakamit iyon, kaya ayaw kong tumira sa probinsya.

          Nagsisisi ako. Mamamatay ako dahil sa katigasan ng ulo. Sa sobrang dami ng nais kong gawin at tulungan, pati pamilya ko ay napabayaan ko na at pati ang sarili ko ay napapahamak dahil sa prinsipyong pinapanatili ko.

          Tumigil ang pag-ikot ng kisame. Nainitan ako, ngunit may konti pa rin pagkahilo at sakit ng katawan. Wala na ang mga alitaptap. Wala na rin ang roleta.

          Nanatili akong nakahiga pero nailibot ko ang paningin ko sa buong kuwarto ko. Nakita ko nga ang pulang kahon ng sapatos. Naalala ko si Lola Esme at ang misyong dapat kong tapusin. Pagkatapos kung magawa ang pangako ko sa kanya, babalik ako sa probinsya. Ayaw ko ng mag-iisa.

       

         
     

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento