SA TABING-ILOG
Froilan F. Elizaga
Isang araw pagkatapos tahiin ang ulo ko at sementuhin ang kaliwang paa ko, iniuwi na ako ni Lola sa bahay. Hiyang-hiya pa rin ako sa ginawa kong paglayas at pagtakas sa mga pulis. Nagkagastos tuloy siya ng hindi oras. Idagdag pa ang dobleng pag-aalaga sa akin, dahil nahihirapan pa akong maglakad. Maghapon, magdamag lang ako sa kuwarto. Nakakainip. Hindi ko tuloy maiwasang maalala si Papa.
Kumusta na kaya siya? Kailan kaya siya aalis patungong America? Nakakalungkot man na di na kami magkikita bago siya umalis, wala na akong magagawa. Nabigo akong makabalik ng Manila. Muntik ko pa ngang ikamatay ang pangangahas kong makita siya. Kahit ano pa ang mangyari, mahal na mahal ko si Papa. Alam ko, babalik siya. Kailangan naman talaga niyang magpa-therapy upang manumbalik ang dating siya. Kahit hindi na siya makapagturong muli. Ang mahalaga, makasama ko siya. Hangad ko rin lagi na mapatawad na siya ni Mama. At ang pangarap ko talaga ay magsama-sama kaming tatlo bilang isang pamilya.
"Lola, gusto ko pong maglakad-lakad sa labas.." sabi ko kay Lola, habang pinapatong niya sa side table ang almusal ko. "Siguro po ay kaya ko nang maglakad gamit ang saklay na ito."
"A, e..sige.. pero kasama ako. Baka di mo kaya. Aalalayan kita."
"Huwag na po, Lola. Kaya ko na po. Huwag po kayong mag-alala. Hindi na po ako tatakas." Nagtawanan kami.
"Hindi na talaga kasi napapahamak ang batang sutil. Tingnan mo nga iyang nangyari sa'yo.. Hala sige, mag-almusal ka na muna. Babalik ako pagkatapos mong kumain. Hintayin mo ako ha. Hindi ka pwedeng bumaba ng hagdan mag-isa."
"Opo." Tapos, nilantakan ko na ang almusal. Kailangan ko ng magmadali. Sayang ang init na hindi pa nakakasunog.
Inalalayan na ako ni Lola sa pagbaba ng hagdan. Ihahaatid pa nga ako hanggang gate. "Saan ka ba talaga pupunta, Roy? Pwede naman kitang samahan e."
"Maglalakad-lakad lang po ako Lola. Huwag po kayong mag-alala.. "
"Sige, pero wag kang lalayo ng husto. Bumalik ka kaagad. Hindi pa kaya ng binti mo ang matagal na paglalakad."
"Opo. Sige po." Narinig ko pang nag-ingat si Lola.
Nagsisimula na akong maglakad gamit ang saklay. Medyo mahirap pero, sa paunti-unti at maingat na paglakad ay nakakalayo ako sa bahay. Naiisip kong tumungo sa tabing-ilog. Ayon kasi sa kuwento ng Mama ko madalas daw siyang maglaba at maligo sa ilog. Kakaiba raw ang ligayang naibibigay nito sa kanya. Nakakatuwa nga lang dahil kung kelan pa ako nabalian ng paa saka pa ako makakapunta uli doon.
Narating ko na ang ilog. Natatanaw ko na ang malinaw nitong tubig. Naririnig ko na rin ang lagaslas nito. Napakasarap! Tila nalimutan ko ang mga mapapait na alaala. Tama si Mama.
Lalapit pa ako. Gusto kong magtampisaw.
Ang sarap ng tubig. Malamig! Sayang nga lang..hindi ko pwedeng basain ang sementadong paa ko. Magkakasya na lang ako sa pagtanaw sa kapaligiran.
May dumarating na mag-ama. Kasing-edad ko ang batang lalaki. Maliligo sila. Nginitian nila ako bago sila lumusong sa tubig. Nakakahiya naman kung manunuod ako sa kanila habang sila ay lumalangoy kaya lalayo ako. Doon, doon ako uupo sa malaking bato. Matatanaw ko rin sila, pati ang ibang tanawin.
Naiinggit akong makita ang mag-ama habang masayang naliligo sa ilog. Naglalaro sila ng pabilisan ng paglangoy. Ang saya-saya nila. Naaalala ko na naman si Papa. Kelan ko kaya mararanasan ang ganitong kasayang oras? Imposible na siguro. Ngayon pa ba ako mangangarap maging masaya kapiling ang aking ama kung kelan na-stroke siya at nakatakdang umalis ng bansa para magpa-therapy sa Amerika. Ngayon pa ba ako aasang magkakarooon ng masayang oras kasama ang ama gayong pilay ako at malayo pa ang loob sa akin ni Papa. Imposible. Hindi na ako aasa pa. Habambuhay na akong maiinggit sa mga mag-aamang may magandang samahan.
Mali pala si Mama. Hindi naman akong naligayahan sa pagpunta ko dito sa ilog. Lalo lang kasi akong nalulungkot. Kaya uuwi na ako. Mabuti pang manatili na lang ako sa kuwarto ko hanggang tuluyang gumaling.
Kabababa ko lang sa bato, nang may dumating na dalagita. May malaking aluminum na palanggana siyang tangan. Puno ito ng mga labahan. Dumiretso siya sa batuhang bahagi ng ilog at nagsimula siyang magbasa ng mga labahan.
Nahihiwagaan ako sa kanya. Tila may nagsasabi sa akin na puntahan ko ang babae at kausapin.
Pupuntahan ko siya.
"Magandang umaga!" Nakangiti akong bumati sa babae. Hindi naman siya nagulat dahil natanaw na niya ako kanina pa. Kaya lang, hindi siya sumagot. Ngumiti lang din siya at muling nagkusot ng damit. Hindi naman siya natatakot sa akin. "Ang dami mo namang labahin. Hindi ka ba tinutulungan ng iyong mga kapatid? O ng iyong nanay man lang?"
Hinihintay ko siyang sumagot pero nabigo ako. Tiningnan niya lang ako at nagsimula na siyang magsabon.
Hindi mo na ako kikibo. Baka sakaling siya naman ang magtanong sa akin kung bakit ako pakialamero. Pagmamasdan ko na lang siya sa kanyang ginagawa.
Maganda pala siya. Kayumanggi ang kanyang balat pero makinis. Naalala ko tuloy ang crush ko sa paaralan. "Anong pangalan mo?" Tumitig siya sa akin. Nakikita ko ang malamlam niyang mga mata. Nauutal siya. Gusto niyang sumagot sa tanong ko pero walang lumabas sa kanyang bibig.
"Ako nga pala si Roy. Kaw, ano ang pangalan mo? Pwede ba kitang makilala at maging kaibigan?"
"Aah, aah". Sa wakas, nagsalita na siya. Pero, nalulungkot ako. Pipi pala siya. Nagsa-sign language pa siya. Hindi ko maintindihan. Pero, interesado akong unawain. Alam ko, marami siyang nais sabihin. Nakatigin nga siya sa semetadong paa ko. Tila nais niyang itanong kung anong nangyari.
"Sutil kasi ako, kaya ito, nabalian ako ng paa." Nakita kong interesado siyang malaman ang buong pangyayari, tumigil kasi siya sa pagsabon ng damit. "Lumayas ako isang umaga sa bahay ni Lola. Sumakay ako sa likod ng trak para makalayo ako at makarating sa Manila. Kaya lang, muntik ng maaksidente ang trak, dahil sa isang kaskaserong motorista. Nahulog ako at nakita ng driver. Akala ko isasabay na nila ako sa Manila, iyon pala sa presinto ako dinala."
Humagikhik ng napakasarap si Pepita. Pepita na lang ang tawag ko sa kanya kasi di naman niya masabi sa akin ang pangalan niya.
Nakuha ko na ang kiliti niya. Mababaw lang pala ang kaligayahan niya. Ipagpapatuloy ko. "Ayon, pinilit nilang paaminin ako kung sino ako at saan ako nakatira. Nang malaman nila, nakaisip naman ako ng paraan. Nagkunwari akong magbabanyo pero ang ginawa ko ay lumusot ako sa bintanang maliit. Tapos, ito na.." Tumawa din ako para mapatawa ko uli siya. "Ang tanga ko, mataas pala yun!"
Napatawa ko uli siya. Ang ganda niyang tumawa, kahit tinakpan niya ang bibig niya ay halatang totoo ang kanyang ligaya. Kaysarap palang tumawa at makitawa. Para kaming matagal ng magkakilala.
Nagsa-sign language si Pepita. Uunawain ko.
Aaaah. Nauunawaan ko. Sumeryoso ako. "Kasi ganito yun. Nalaman ko last year na ang tatay ko ay ang guro ko nitong Grade six ako. Kung kelan na-stroke siya saka ito inamin sa akin ng mga co-teachers niya. Kaya lang masamang tao ang turing sa kanya ng Mama ko kaya pilit niya akong nilalayo kay Papa. Ipinauwi niya ako dito kay Lola para di ako matunton. Sa kagustuhan ko ngang makasama siya, naging pasaway ako at napahamak." Naluluha na naman ako pero hindi ko pwedeng ipakita ito kay Pepita. Mas lalo siyang malulungkot.
May itinatanong uli si Pepita tungkol sa Mama at Papa ko.
"Hindi naman sila nagsama. Ni-rape daw ni Papa si Mama noon. Inilayo ako ni Mama kaya ngayon lamang kami nagkakilala. Alam mo, nasasaktan ako dahil hindi pa rin matutupad ang pangarap kong mabuo ang pamilya ko. Galit na galit pa rin si Mama kay Papa hanggang ngayon. Siguro nga ay isinumpa niya si Papa kaya siya ngayon ay paralisado.." Lihim kong pupunasan ang malapit nang pumatak na luha sa aking mata. "Kaya naman ako naglayas at nagplanong bumalik sa Manila kasi nabalitaan kong titira na si Papa sa Amerika. Ayokong mangyari iyon na hindi ko man lang siya naalagaan at makitang muli. Mahal na mahal ko siya. " Hindi ko na itatago ang mga luha ko kay Pepita. Hindi ko na kaya. Pasalamat nga ako dahil handa siyang makinig sa akin. Di ko rin naman kasi mailabas ang damdamin ko kay Lola kahit close pa kami.
Medyo kumikislap na rin ang mga mata ni Pepita. Hindi ko lamang pala siya napatawa, napaiyak ko pa siya.
"Sorry ha, napaiyak tuloy kita." Okay lang daw ang senyas ni Pepita. "Wala kasi akong mapagsabihan ng mga ito." Tinantiya ko siya kung gusto pa niyang makinig. Oo. Nakikita kong naghihintay pa siya ng iba. "Kung sakaling mapatawad na ni Mama si Papa, may pagkakataon pang maging isang pamilya kami. At kapag nangyari iyon, ako na siguro ang pinakamasayang bata sa mundo.."
Nagsa-sign uli si Pepita. Sinasabi niyang darating ang araw ay mangyayari ang iniisip ko. Tapos, lumuluha na siya. Tinutukoy na niya ang sarili niya. Mas mapalad daw ako dahil mahal na mahal ako pareho ng mga magulang ko kahit hindi sila magkakasama. Siya daw ay may buo ngang pamilya pero hindi niya ramdam ang pagmamahal sa kanya ng kanyang pamilya, dahil kakaiba siya., pipi siya. Tuluyan na siyang humagulgol at pinagdidiskatahan niyang palu-paluin ng tablang pamalo ang mga sinabong damit. Tila, dugong umagos sa ilog ang mga bula mula sa mga mga damit. Halos, magkandaluray-luray ang mga ito.
Nahahabag ako sa kanya. Alam ko, may pinagdadaanan siya, na mas masakit pa kesa sa nararanasan ko. Napagtanto ko tuloy hindi ako dapat maging rebelde. Mapalad pa nga marahil ako kesa sa kanya.
"Roy! Roy!" Naririnig at natatanaw ko si Lola. "Halika na, uwi na. May naghahanap sa'yo. Dali!"
"Salamat sa'yo kaibigan.. Babalik ako, minsan.. "Nginitian ko si Pepita at nakita kong muli ang magandang niyang ngiti at mukha, kahit namumula ang kanyang mga mata. Kumaway pa siya bago ako tumalikod.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento