KABANATA 1:
Sabi nila ang kindergarten raw ang pinakamahalagang level ng edukasyon, dahil dito nakadepende ang pagkatuto ng isang bata. Dito dapat hinuhubog ang kaisipan ng mga bata dahil ito ang panahong tinatawag na critical stage.
Kaya nga ba nagsulputan ngayon ang mga nursery schools? Dahil akala nila, mas maaga, mas maganda. Asus! Tsismis lang yun.
Pa’no pala ako?
Hindi ko natapos ang isang taon sa kinder. Ni hindi ko nga nakalahati. Kaya naman, hindi ko nakilala ang teacher ko o naging teacher ko, pati kamo mga kaklase ko.
Hindi sa mahina ang memory ko. Wala lang talagang sapat na panahon para makabuo ng memories at experiences.
Mabuti na lang kahit paano ay may naalala ako. Ito ay ang pagkamasigasig kong makakuha ng 100%.
Bakit?
Siyempre, binibili ng erpat ko! Piso bawat isa. Suhol. Parang ganun.
Ang paglagay ng star sa kamay ay di pa uso noon. Or I should say, hindi iyon uso sa amin. O hindi talaga modern ang kindergarten school sa amin. Public lang iyon, na kung saan volunteer lang ang nagtuturo. Umaasa lang sa contributions ng mga magulang.
Masipag naman ako sa pag-aaral. Lagi nga akong may 100% at very good. Kaso di naman ako binabayaran ng sapat ng tatay ko. Kapag apat o limang 100% kasi ang nati-take home ko sa isang araw, ibig sabihin apat o limang piso din iyon. Mabigat sa bulsa. E, ako pa naman kapag may incentive, pursigido ako.
Pero, kahit ganon, sinisipagan ko pa rin. Hindi lang naman kasi sa baon ako pumapasok. Ako ay isang taong may pagpapahalaga sa edukasyon.
Ok na sana ang lahat, kaya lang sinunog ni ama ang bahay naming. Sayang! Ang ganda pa naman niyon. Perpektong halimbawa ng bahay kubo. Ang halaman doon ay sari-sari. Sinunog niya lang, kasi…
Ewan ko! Family problem.
Nahinto tuloy ako ng di oras. Kaya naman, ni pangalan ng teacher ko ay di ko maalala. Pati ang mga mukha ng mga naging classmates ko ay wala akong matandaan.
Salamat sa guro kong di ko kilala, dahil kahit papaano na-retain ang guhit pahilis sa ulo ko. Siguro dapat ko ng pangalanan ang kindergarten teacher ko ng….. Teacher Pahilis.
KABANATA 2:
Yeheey! Grade one na ako! Sa wakas, matututo pa ako ng ibang uri ng mga guhit, maliban sa pahilis. Pero, teka….
Dahil sa pagkawala ng aming tirahan, hindi agad ako naipa-enroll ni ermat. Okey lang! At least, tinanggap pa rin ako ng teacher ko kahit more than three days late na ako. Yun lamang, hiyang-hiya ako habang ini-introduce ako ni Ma’am Lipstick sa harap ng mga kaklase ko.
Ma’am Lipstick na lang ang itatawag ko sa medyo may katandaan ko ng guro dahil masyado mabango ang lipstick niya. At saka nakalimutan ko na ang full name niya. He he!
May memory gap na marahil ako. Akalain n’yong, isa lang ang naalala kong classmate. Siya si J. Burgos. Di ko alam kong pang-ilang J. na siya. Basta, malusog siya. Mayaman ang pamilya. I should say, isa sa mga mayayamang angkan sa bayan namin noon.
Hindi ko siya makakalimutan kasi pinakain niya akong mga lumang tinapay, galing sa bakery nila. Isang lunch break iyon. Isinama niya ako sa building, kung saan sila nakatira at kung saan naroon ang negosyo nilang panaderya.Aywan ko kung bakit sarap na sarap ako sa mga tinapay na iyon? Halos may mga amag na nga iyon. Dahil siguro, wala akong baon noon.
Malayo ang inuuwian kong bahay kaya pinagbabaon ako ni Mama. E, masyado akong punctual. Atat sa pag-aaral at pakikipagkaibigan. Kaya marahil naiwan ko ang baong inihanda ng aking ina. Saved by the bell naman, binusog ako ni Jose, habang nanonood kami ng pelikula sa Betamax.. Pero, imbes na magalit, wag ka, nawili akong kasama siya. Mga rich kids kasi ang mga kaibigan n’ya na naging kaibigan ko na rin. Wala sa akin ang salitang “ilang”. Hindi pa ako noon conscious kung mayaman man sila at ako’y pobre lamang. Ang importante sa akin ay magkaroon ng maraming ka-close.
Kaya naman ang super crush ko ay naging kaibigan ko rin. Madalas kasi kaming magkakasama nina Jose at iba pang di ko alam ang mga pangalan.Pumupunta kami sa house ng barkada namin napakaputi.
Ang gustung-gusto ko ay ang part na may kainan. Accommodating pa naman ang mother ng crush ko. Pamemeryendahin niya kami. Sarap! Pagkaing-mayaman, e.
Tapos, maglalaro kami sa ilalim ng room namin. Stage kasi ang harap ng aming silid-aralan kaya naka-elevate at may ilalim. Buhanginan ang ilalim niyon. Kahit madilim, ginagawang playground ng halos lahat ng pupils ng Bulan South Central School. At kahit pinamamahayan daw ng white lady, madalas kami doon. Naglalaro ng tumbling-an at iba pa. pero ang hindi ko pinapalampas ay ang pangangapa ng mga barya sa buhanginan. Ewan ko lang kung nakakamagkano ako. Basta alam ko, ginagawa kong raket iyon. Madalas kasing wala akong baong pera.
Kawawa pakinggan, pero hindi! Swerte ako sa ina. Asikasong–asikaso ako. Very neat ang buhok ko kapag papasok. Puting-puti ang uniporme. Pinagbabaon na lang ako ng tira-tirang almusal like pandesal, nilagang kamote o pritong saging.
Hindi ako nagrereklamo. Iyon nga lang ay palihim kong kinakain ang baon ko. Iinom ng paunti-unti ng calamansi juice habang nakamasid sa mga maykaya at mayayamang kong kamag-aral. Naiinggit din ako sa kanila kahit paano. Kasi naman, kung hindi sandwiches,chitcheria ang baon nila. Kung di chocolates, mga kendi ang mga nasa bibig nila. Sari-sari. Nakakatakam. Tapos, lalabas pa sila para bumili ng mga paninda ng mga vendors sa gilid ng school. Mga laruan. Bazooka. Cheezum. At kung anu-ano pa.
Oo! Naiinggit ako, pero hanggang doon lang iyon, hindi ako nagnanakaw ng baon nila. Nakikiamot siguro pero never kong pinagnakawan ang mga classmates ko. Kahit ng mga gamit nila ay hindi ko pinag-interesan.
Nagse-self pity lang ako.
Wala man lang akong pencil case. Samantalang sila, pagandahan. Ako? Nilalagay ko lang sa bulsa ng knapsack bag ko ang mga lapis ko. Ang mga pambura nila, ang babango. Iba’t ibang kulay, hugis at anyo. Padamihan sila ng eraser. Samantala ako, kuntento na sa eraser na nasa Mongol ko. Kaya pag pudpod na, laway at daliri na lang ang gingamit ko. Minsan, rubber band o lastik ang ginagamit ko. Itatali ko lang sa dulo ng lapis ko at presto! Eraser na. Try n’yo.
Wala akong sharpener. Samantala sila, iba’t ibang sizes. Marami lang akong lapis. Iba’t ibang sizes din. Kasi pinupulot ko ang mga tinatapon o binabasura nilang maiikling lapis. Palibhasa, mayayaman sila at may pambili hindi nila inuubos.. Pero, favorable sa akin iyon, kasi pag napuputol ang tasa ng lapis ko, may nadudukot akong lapis, kahit maikli na.
Sa pag-uwi ko, saka pa lamang matatasahan ang mga naputtulan ng tasa kong lapis. Pinatatasahan ko ang mga iyon sa aking ama gamit ang kanyang matalim na itak.
Ang crayola ko, single lang. Samantalang sila, may mga gold at silver pa ang mga crayons nila. Nagkasya na ako sa walong kulay na pilian. Kaya nga siguro, igno ako sa ibang kulay.
Gayunpaman, ang karukhaan ko ay hindi hadlang sa pagkatuto. Sa halip, pinagbuti ko na lamang ang performances ko. Madalas akong nakatayo, hindi dahil pinaparusahan ako, kundi dahil nagre-recite ako. Aktibo ako sa klase. Nakuha ko ang atensiyon ni Ma’am Lipstick. Kaya, madalas akong may 100% o very good.
Malas lang kasi hindi na binibili ni ama ang mga one hundred ko. Nauunawaan ko rin naman ang sitwasyon.
Ang mas malas ay ang di ko na nagawang magpaalam sa aking guro, mga kaklase at mga kaibigan nang biglaan kaming nangibang-bayan. It was before kami nag-recognition day. Hindi ko na tuloy nakuha ang third honors ribbon ko. Nalaman lang namin na third ako. Hindi iyon sabi-sabi, a. pangatlo talaga ako.
Hindi na ako nsg-complain. He he!
KABANATA 3
Pagkatapos kong ma-experience ang pagkakaroon ng mga mayayamang kamag-aral, naranasan ko naming makihalubilo sa mga estudyanteng mahihirap na gaya ko..
Sa isang malayong baryo ng isang bayan kami napadpad ng aking pamilya. Tulad noong una, panibagong pakikisama. Panibagong kaibigan. Kamag-aral. Guro. At eskuwelahan.
Ang hirap! Parang laging nagsisimula. Laging bagong salta. Mahirap talaga. Pero, okey lang. Mas nakakasabay ako sa kanila. Alam ko, pare-pareho kaming poor. Wala na ‘yong inggit na nararamdaman ko. Wala naman kasi silang ipagmamalaki o ipagwawagayway. Pare-pareho lang halos kami ng baon. Mais. Kamote. Saging. Bayabas. Santol. At iba pang seasonal na pagkain at prutas.
Minsan nga, umuuwi na lang ako sa bahay ‘pag recesss. Tutal, kaharap lang ng school ko ang house naming pahilis.
Oo! Pahilis! Salamat sa kindergarten teacher ko dahil tinuruan n’ya ako ng guhit-pahilis. Nalaman ko tuloy na ang aming bahay ay nakapahilis. Ewan ko kung bakit dun kami nakatira. Siguro dahil malapit sa iskul. Mabuti na lang, hindi halatang pahilis.
Again, wala akong maalalang classmate ko, ni isa. Gayundin ang pangalan ng guro ko. Ang naalala ko lang ay dalawang nakakahiyang pangyayari sa loob ng silid-aralan. Ayoko na sanang ikuwento pa, pero kailangan dahil hindi makukumpleto ang kuwentong pahilis kung ililihim o ikakahiya ko pa..
Haaaa!
Una…
Recitation sa Math. I have to count from one to one hundred. Dyusme! Hindi ko matapos-tapos. Antagal kong nakatayo sa harapan at pabalik-balik sa 69. Sabi ko. “60, 61, 62, 63, 64, 65, 66, 67, 68, 69, 60, 61, 62………69, 60”. Stop!,sabi ng teacher ko.
Ganun ako magbilang. Hindi ko masabi ang seventy. Nalilito ako. Alam kong mali ako, pero 60 pa rin ang nasasabi ko. Para akong nasa gitna ng kagubatan at pinaglalaruan ng engkantada.
Siguro, nakatatlong ulit ako sa sixty, bago pa napansin ni Ma’am. Sabi niya, “seventy”. Ayun! Natapos ko na ang 100. Inabot din ako ng 60 years sa harapan. Pero sa totoo lang, walang tumawa sa akin. Tatawa ba sila? E, baka sila rin ay mas malala pa ang kabobohan kesa sa akin.
Pangalawa..
Wala munang tatawa. At paumanhin sa mga kumakain..
Natae ako sa shorts ko. Kadiri! Bago pa tuluyang umabot sa tsinelas ko ang daloy ng diarrhea ko, lumabas na ako ng walang paalam. Di ko na nabigkas ang “May I go out, Ma’am?”. Bastos na ako kung bastos. Ayaw ko lang maamoy nila ang matubig kong poopoo. Siguro, may naiwan akong patak-patak doon.
Hindi na ako pumasok kinahapunan.
Kinabukasan, kinausap ako ni Ma’am. Pinayuhan lang naman ako na wag kumain ng kung anu-ano upang hindi masira ang tiyan ko. Pagkatapos nun, parang wala na. Walang-hiya pa ako noon. One day lang ako nag-suffer sa kahihiyan. Pangalawang araw, balewala na. Parang walang nangyari. Mabuti na lang ay walang tumukso sa akin ng “ae ae”. Kung meron man malamang baka Grade one lang ang inabot ko.
Mabuti na rin na hindi iyon nakaapekto sa class standing ko. Pasalamat nga ako kahit fifth honors lang ay nabigyan ako. Sa totoo lang, wala akong appeal sa guro ko. Hindi ko kasi nakuha ang kiliti niya. Hindi ko masyado nagamit ang kukote ko.
Ayoko na sanang umakyat ng stage para lang makuha ang ribbon ko, kasi paalis na kami noong araw na iyon papuntang Maynila. Napilit lang ako ng ina ko. Proud sila, e! Kuntodo asikaso pa ako ni Mama. Binihisan. Sinapatusan. Sinuklayan, para lang sa kapirasong katibayan ng karangalan. Sabagay, once in a lifetime lang ang chance na iyon. At mabuti nga, hindi dishonor ang natanggap ko like “Tataero of the Year”, “Most Hygienic” o “Best in Counting”. Insulto naman, di ba?
Lumarga na kami, pagkaabot ko mismo ng ribbon ko. Nalungkot din ako kahit paano. Masaya kasi sa lugar na iyon. Marami akong childhood memories. Doon ko unang naranasan ang mga pangbukid na paglalaro. Maghapong pagligo sa ilog. Panghuhuli ng hito sa palayan. Pag-akyat ng mga puno. At napakarami pang iba.
Salamat sa lugar na iyon. Kinumpleto niya ang buhay-estudyante at kabataaan ko.Proud ako, kasi kung mayaman kami baka hindi ko naranasan ang mga iyon.
KABANATA 4
Para kaming ligaw na mga daga. Kung saan-saan kami lumulungga. Isang taon lang ang tinatagal namin sa isang lugar. At noong Grade 3 nga ako, sa Tarlac naman ako nakapag-aral.
Matatalaib, Bato Elementary School ang pangalan ng paaralan ko sa Tarlac. Medyo nakakahawig iyon sa Grade one school ko. Karamihang maykaya ang mga kaklase ko, mga nakatira sa subdivision, mga mapuputi ang balat, halatang anak-mayaman. Samantala ako, isang kulay-brown.
Ikinahihiya ko nga sa una ang aking ina. Nagtitinda kasi siya ng ice candy sa school namin. Kaya pag recess hindi ako lumalapit sa kanya kahit gusto kong humingi ng ice candy. Ayoko kasing malaman ng mga crushes kong sina Alpha at Ruth na nanay ko ang isa sa mga nagtitinda doon. Pero nang lumaon, ako mismo ang nagpakilala sa kanila. At ayun! Nakakahingi na ako ng tinda niya. At dahil dun, hindi na rin ako nahihiyang magtinda sa kanila ng yema, mani, tip-top, beans at kung anu-ano pa. Inaangkat ko iyon sa kapitbahay namin.Dagdag kita. Dagdag pogi points sa crushes ko.
Hay! Ang sarap ma-in love.
May malisya na ako noon. Nakakaramdam na ng kung anu-anong kamanyakisan.
Ang saya! Ang sarap ma-in love. Feeling ko noon, binata na ako. May theme song pa ako para sa tatlong babaeng pinagpapantasyahan ko. Sounds funny but it’s true. Paborito ko ang kantang “Si Aida o si Lorna o si Fe”. Nakakarelate kasi ako. Tatlo silang pinagpipilian ko. Si Ruth. Si Alpha. At si Rhodora.
Si Rhodora ay kaklase at kapitbahay ko. Sa magulang niya ako humahango ng mga paninda. Madalas akong nasa bahay nila kaya naging close kami sa isa’t isa.
Si Alpha at si Ruth. Mapuputi sila. Mukhang-mayaman. Pero hindi ako makaporma sa kanila dahil sa inferiorities. Hindi ako nababagay sa kanila. Gayunpaman, labis ko silang hinahangaan.
Ang saya ma-in love.
Pero may sad moment din. Embarrassing din. Eto na naman ako. Pulos ako kahihiyan. At akalain n’yong sa Mathematics na naman ako pumalpak! Pulpol nga marahil ako sa subject na ito.
Hiyang-hiya ako nang iumpog ni Mrs. Imelda Go ang ulo ko sa blackboard. Hindi ko kasi ma-solve ang division problem na 3-digits divided by 2-digits. Antagal ko sa harapan. Erasea ko ng erase. Siguro nainip si Ma’am. Ayun!
Toink!
Napaluha ako nun, hindi sa sakit, kundi sa kahihiyan. Hindi ako makatingin sa mga kaklase ko. Nabawasan yata ang pag-asa ko sa mga crushes ko. Tapos, anlakas pa ng tawanan.
December. Medyo nakalimutan na ng lahat ang nangyari. Hindi na rin ako naiilang at naiinis kay Ma’am.
Merry-making na. First time ko ma-enjoy ang party na iyon, dahil noong Grade 1 and 2 ako, hindi ko pa masyado alam ang, real essence ng selebrasyong iyon. Basta kakain lang ako. Pero noong Grade three ako, superconscious ako sa attire ko. May pinapa-charming-an na kasi.
Kakatwa lang, kasi uso pa noon ang KKB. Kanya-kanya baon. Walang ambagan. Pasarapan na lang ng baon. Ang baon ko noon—spaghetti, fried chicken, Royal at biskwit.
Ang exchange gift namin ay worth P10. Masaya na kahit anong makuha. Sabong pampaligo yata ang nabunot ko noon at isang towel.
Ansarap talagang maging bata!
Hindi ko pa noon alam ang kompetisyon kaya hindi ako conscious sa mga grado ko. Ang alam ko nagpa-participate ako. Nagre-recite. Gumagawa ng assignment. Ng projects. Pinag-iigi ko ang pagsagot sa mga tanong kapag exam.
At nalaman ko na lang na third honor ako. Akalain mo?! Ikinagulat ko iyon, huh. Pero mas ikakagulat ko kung “Best in Mathematics” ako. He he!
Tulad noong Grade 1 ako, hindi ko rin natanggap ang ribbon ko. Kasi, dalawang lingo pa bago ang closing, nasa Maynila na kami.
Sayang!
Sayang! Di ko man lang nasabi kina Ruth, Alpha at Rhodora na crush ko sila.
KABANATA 5
Kung naging mahirap para sa akin ang pagiging ligaw na daga naming mag-anak, naging malungkot naman ako noonmg Grade 4 kasi nagkahiwa-hiwalay kaming mag-anak. Nagtatrabaho ang mga magulang ko. Kami naman ng kuya ko ay ipinagkatiwala sa pangangalaga ng tiyo ko. Lingguhan lang sila kung umuwi. Pero ayos lang! Kasi may kalaro kaming pinsan.
School day..
Pina-enroll ako sa San Juan Elementary School. Sa Cainta, Rizal iyon. Panlimang iskul ko na iyon mula noong kinder ako.. Grabe! Naikot na naming ang Luzon!! Pero okey lang. Mas maganda ang pag-aaral ko noon.
First time. Nagkaroon ako ng mga pangmayamng school supplies. May maganda akong school bag. Bagong sapatos. May job kasi ang parents ko. At dahilan iyon upang magpursige ako.
Hindi ako nagmamayabang, pero talagang naging teacher’s pet ako. Lagi akong pinupuri ng guro ko, na kahit hindi ko na alam ang pangalan ay talagang nagpadagdag sa akin ng self-esteem. Binuhay niya ang intellectual something sa kukote ko. No more kahihiyan! Puro na lang papuri. Halos ako ang nag-excel sa lahat ng subjects. Ang galing ko nga noon sa Math . Sa counting. Divison. Hindi na rin ako nag- diarrhea. Mahusay na rin ako sa reading. At in fairness, napansin na ni Ma’am ang ganda ng penmanship ko.
Kaya ko ngang mag-first honors sa school na ‘yon kaya lang ay napakaimposible.Transferee lang ako. At saka ang masama, hindi ko na natapos ang santaon. Kalahating taon lang ang maturity date ko sa school na iyon. Half a year lang akong naging sikat, dahil unfortunately, kelangan namin umuwi sa Bicol.
Hindi ko alam ang rason. Ang alam ko lang, umiyak ako noon habang nagpapaalamn sa mga librong ipinahiram ng San Juan Elementary School sa akin.
Gustong-gusto kong magtapos doon. Sayang! Wala akong nagawa.
Mabuti na lang napapayag ni Mama si Mrs. Espineda na maipagpatuloy ko ang Grade 4 sa klase niya. Iyon nga lang daw --- hindi ako pwedeng magkahonors. Okey lang.
Kahit dati akong estudyante sa iskul na iyon noong Grade 1 ako, nanibago pa rin ako. Grabeng adjustments ang ginawa ko. Sa lessons. Sa guro. Sa paligid. Sa mga classmates.Mabuti na lang nakahabol at nakapag-adjust ako. Na-close ako sa ibang kaklase ko. Naging active pa rin ako academically kahit salim-pusa lang ako.
Okey lang iyon! Wala rin naman talaga akong naunawaan sa lecture ni Ma’am. Hindi dahil hindi siya magaling magturo, kundi dahil distracted ako. Puro daldalan at laro ang nangyari sa loob ng classroom kahit nagleleksyon. Biruin mo. May naglalaro ng mgapaperdolls. May nag-SOS. May napi-FLAMES. May nagteteks. Marami pang distractions ang nagaganap habang nasa gitna si Ma’am. Minsan pa nga, pinagtatawanan nila ang mata ng aming guro.
Mabuti mabait si Ma’am. Siya lang ang titser ko na hindi nagalit o nagsalita ng masakit, kahit napakakalat ng room. Kahit maingay, sige pa rin ang lecture. Ang ginagawa niya pag naiinis na ay aalis na lang at sasabihing may meeting daw sila. Pero, deep inside, gusto ng magwala.
Naaawa ako sa kanya. Pero, bilib ako sa self-control niya.
KABANATA 6
Sa wakas. Nakabalik na kami sa lupang sarili. Nagtayo kami ng bahay malapit sa sinunog na bahay kubo noon. Pero, that time mas malaki. Hindi na bahay kubo. Medyo mas moderno. Modernong bahay kubo! He he.
Grade 5 na ako. Kasalukauyan ko nang nararanasan ang tinatawag na adolescence o puberty. Conscious na ako sa looks ko. Madalas na akong nasa harap ng salamin. Hindi na ako nagsusuot ng gusgusing damit. Isputing lagi.
School day na. Time to know my teachers and classmates. Time to compete. Time to learn.
Ang mga kaklase ko ay familiar sa akin. Sila rin kasi ang mga classmates ko sa kinder. Kaya naman, parang ang bilis ko lang sila nakilala. Marami sila pero babanggit ako ng konti at isasalarawan sila upang kapanipaniwala:
Liza – Kinaaasaran ko. Masyado kasing maarte magsalita. Pero hindi siya galit sa akin.
Joey – Nayayabangan ako sa kanya, pero kaibigan ko siya. Sinasama niya ako sa bahay nila. Umaakyat kami ng kaimito.
Irene – Consistent fisrt honors daw from kinder to Grade 4. May dugong Chinese, pero hindi sila ganoon kayaman. Teachers’ pet.
Francis – Pinsan ni Irene. Laging second honors. Nakakasalamuha ko rin siya.
Mariel – Mahilig manukso at magbiro. Nakakapikon siya pero di ko nagawang awayin siya. Maliit lang kasi. Nakakaawa lang siya pag binubog ko. He he.
Rodea – Matabil, maingay at mataray. Naiirita ako sa ingay niya, pero napagtitiyagaan ko.
Annie – Hindi siya si Annie Batungbakal pero gusto ko ang pagkakalog niya. Pa-cute ( minsan sa akin). He he. Pero natutuwa ako sa mga hirit niya.
Teddy – Naging close friend ko pero lumalayo ako pag may babae, kasi di ako napapansin.
Dindo – Ewan ko sa kanya! Nakasalamuha ko rin pero parang ako rin siya. Tahimik at aloof.
Mark Anthony – Siya ang sumagi sa akin na naging dahilan ng pagkahulog ko sa pader na una ang likod. Ang sakit nun ah!
Sila ang mga naaalala ko. Marami pa sana kaso baka mapuno naman ito kung lalahatin ko sila.
Teachers naman…
Mrs. Celestina Diesta – Adviser naming siya. Sibika ang hawak niyang subject. Mabait.
Mrs. Roselyn Brezuela – Filipino teacher. Naging favorite ko siya dahil favorite ko ang subject na itinuturo niya.
Mrs. Muriel Endiape – Science teacher. Nanay siya ni Joey. Natuto akong mag-compute ng konsumo sa kuryente dahil sa kanya.
Mrs. Zenaida Balana – Music and Arts teacher. I hate music but I love arts, kaya kalahati lang ang interes ko sa time niya. Gustong-gusto ko ang parte na gumawa kami ng mosaic using egg shells.
Mrs. Rhode Fe Maldo – English teacher; dyina-judge ng karamihan as asuwang. Pero hindi ako naniniwala o matatakot. Gustong-gusto ko nga siyang magturo. Magaling siya. Sinasabi lang nila iyon dahil hindi siya palangiti at hindi masyado nakikisalamuha sa ibang titser. Pero di siya masungit. Natuto nga ako sa kanya ng tamang pagbigkas ng tulang Footprints in the Sands.
Mr. Luis Gueta – Math teacher siya. Mahusay sa subject na ito. Dahil sa kanya naiba ang tingin ko sa Mathematics. Lalo na ng pinili niya ako upang i-represent ang school naming sa interschool Math Quiz. Binati niya ako ng masaya nang naging 5th placer ako. Ako kasi ang may pinakamataas na natamong karangalan sa aming magkaklaseng isinabak niya.
Mr. Deo Luzuriaga – EPP teacher . Pagdating sa gardening, siya ang expert. Field work kami lagi. Siya rin ang commandant ng mga scouts. Ang gusto ko sa kanya, binibigay niya na niya s amin ang mga gulay na aming itinanim at inalagaan. Humingi man siya, konti lang.
Mrs. Norma Gueta – Home Economics teacher. Asawa siya ni Mr. Gueta. Medyostrict pero mabait. Hindi ko malilimutan sa kanya ang pagtuturo niya sa amin ng pagluluto at pagbuburda. Natuto akong magluto ng santol jelly dahil sa kanya. May novena pa kaming part. Pero hindi ako pumapasok ng church. Hindi kasi ako Katoliko.
Sila ang mga guro ko noong Grade 5 ako. Lahat sila ay siguradong humanga sa intelektuwal kong angkin. Matataas ang mga grado ko sa kanila, pero ni minsan hindi ko nagawang sumipsip sa kanila na gaya ng iba kong kamag-aral.
Usong-uso noon ang favoritism. Grabe!
Pero ako..sariling sikap. Sariling utak. Walang daya. Kung tutuusin nga, mas matalino pa ako sa first honors nila e. Oo! Walang yabang ‘to. Nauna lang siyang sumikat kesa sa akin. Nakilala bilang consistent first honors pupil. Nasanay ang tao na siya ang first. Kaya nga siguro nanalo siya bilang campus president.
At dahil hind ako sikat, loser ako. Hindi ako nagging senador. Hmp! Nadaya yata ako. He he.
Kaya nga gustong-gusto kong sumali sa mga program at activities, para at least makikilala ako. Sa kasawiang-palad, isang beses lang akong nakasali sa program. Ito ay ang pagsayaw namin ng modern cha-cha. Kahit parehong kanan ang mga paa ko, sumali talaga ako. Mabuti na lang, malakas din ang palakpakan.
Closing ceremony.. Fourth honors lang ang lolo niyo. Malungkot kong tinanggap ang ribbon sa entablado. Pero wag ka, proud na proud ang aking ina. Ganun talaga ang mga nanay.
Sabi nga niya sa mga taga-samin “Matalino talaga yan, kasi sariling sikap. Hindi yan nagpapaturo sa amin.” Totoo iyon. Hindi naman talaga ako lumapit sa mga magulang ko upang magpaturo.
Kahit kapos sila sa edukasyon, malaki ang pagpapahalaga nila dito. Ito raw ang kayamanang hindi nananakaw ninuman.
KABANATA 7
Grade six moments na ito. Malaking-malaki na ang pagpapahalaga ko sa edukasyon. Kompetisyon na rin ang turing ko sa bawat recitation period. Tinuturing kong kaaway ang mga kaklase kong madalas tumayo at mag-recite. Kinaiinisan ko sila. Pinagdadamutan ng sagot. Mas mabait ako sa mga medyo tahimik at di nagpa-participate. Pinapakopya ko pa nga.
Dahil ga-graduate na, pinag-ihigihan ko. Nagsunog ako ng kilay,both literally and idiomatically. Literal kasi,wala kaming kuryente. Gasera lang ang gamit naming kay halos magkandasunog ang mga kilay ko sa pag-aaral tuwing gabi.“Maawa ka naman sa mga mata mo.”, madalas sabihin sa akin ni ina. Gabing-gabi na kasi ako kung matapos mag-aral. Kasi naman pagdating ko galing iskul, tutulong muna ako sa mga gawaing-bahay. Pagkatapos maghapunan saka lang ako magsisimulang mag-aral o magsunog ng kilay.
Panay din ang presenta ko sa mga curricular activities pero hindi ako sinasali. Tinatanggihan nila ako. One time nga, na-consider sana ako para gumanap na lasenggong anak sa isang play na may titulong “Tatanda Ka Rin”. Araguy! Iba ang napili. Baka raw hindi ako marunong maglasing-lasingan.
Nainis ako pero okey lang din. Na-realize ko rin naman na hindi pala ako mukhang lasenggo.
March na. Ipinaalam na ang final honor roll. Third ako o first honorable mention. As usual, valedictorian ang teachers’ pet. Naiinis ako nang sabihin nilang third lang talaga ako at hindi na pwedeng tumaas pa. Hindi raw kasi ako nag-grade one doon. Pero mas naasar ako, nang sabihin nilang kinonsedera lang nila ako. Dapat daw 4th honors lang ako. Nag-give way lang daw ang 4th. Aba! Questionable lalo iyon para sa akin. Hindi na ako papayag.
Kaya nama, nag-blowout si Mama. Kitang-kita ko ang mga ngiti nila na halos lumampas na sa kanilang mga tenga. ( Ayoko na magsalita.)
Graduation day.Ako ang nag-Pledge of Loyalty.Hindi ko masyado gusto ang piece ko kasi mas gusto ko ang valedictory or salutatory address. Ambisyoso..
Kaya noong nagsasalita na ang valedictorian, nakinig ako ng maigi. Hmp! Hindi niya mai-deliver ng maganda. Hindi niya rin ma-feel. Mas gugustuhin ko pang si Salutatorian ang valedictorian. She doesn’t deserve it!
As usual, proud na proud ang parents ko, lalo na si Mama. Twice siyang umakyat ng stage kasi “Best in Filipino” pa ako. Niregaluhan niya ako pagkababa namin ng stage. Naiyak din ako sa saya.
Noon ko naunawaan ang lagi nyang winiwika.
Oo! Nanakawan ako ng karangalan, pero hindi ng karunungan. Isang binilog na gintong bakal lang iyon, kumpara sa tunay nag into na nakatatak na sa aking isipan.
KABANATA 8
Baon ko pa rin ang hinanakit pagdating ko sa mataas na paaralan. Nayayamot pa rin ako sa isang partikular na tao. At tuloy pati mga kaibigan nya ay kinainisa ko na rin.
Kompetisyon talaga.
Kaya, ginalingan ko. Sumali ako sa mga activities. Sa recitations, hindi ako tumatahimik. Sa mga quizzes at exams, hindi ako nagpapahuli. Ang mga projects, pinagbubuti ko. Sinalihan ko lahat halos ng clubs at organizations.
Nag-workshop ako sa performing arts. Nag-drummer ako. Lumaban sa pagka-senador ng campus. Kahit natalo, at least nag-try ako at nagpakita ng willingness to serve the Alma Mater.
Pinaghusayan ko ang mga performances. Mahusay na ako sa Math. Kahit alam kong may mas mahusay pa kesa sa akin, masasabi kong kaya kong makipagtagisan sa kanila.
Pinaborito ko lahat ng asignatura, kahit Values Education. Kahit ang Florante at Laura sa Filipino 1. Sinikap kong unawain ang mga talasalitaaang ginamit sa aklat kahit walang savor ang Filipino teacher namin, na ginagawang katatawanan ng lahat.
Kahit ang PEHM…
Kahit nabo-boring ako sa Araling Panlipunan…
Kahit nababaluktot ang dila ko at nauutal ako sa English…
Pinilit kong mahalin at isapuso. Pinag-aralan ko lahat, for the sake of grades. Besides, kaya nga ako pinag-aral, upang matuto, hindi upang mamili ng mga subject.
Madalas akong class officer. Hindi nga lang ako president. Pero ang pinaka-achievement ko ay ang pagpili nlia sa akin madalas bilang lider sa bawat proyekto, programa o gawain. Pasalamat ako dahil paano ay may tiwala sila sa akin at sa aking abilidad.
Napansin din nila ang penmanship ko. Pang-engineer daw, sabi nila. Para tuloy akong artista na hinihingian ng autograph. Pinapasulat nila ako sa kuwaderno. Minsan nga nabuko ako ng titser ko sa Araling Panlipunan. Napag-alaman niyang ako ang gumawa at nagsulat ng assignment ng isa kong kamag-aral. Bilang parusa, pinagsulat ako sa blackboard ng mga dapat kopyahin. He he! Hindi iyon kahihiyan sa akin. It’s a compliment!
To make the story short, balewala ang mga pinagpaguran at mga pinagpuyatan ko..Eighth honors lang ako, e..
Hindi ko na kinuha ang ribbon. Nakakahiya e.
Sinakop noon ng mga babae ang iskul namin. Imagine, halos lahat babae ang nasa honor roll. Sadya nga yatang matatalino ang mga babae.
Kunsabagay! Hindi dapat sisihin ang mga guro. Wala silang favoritism. Kasalanan ko. Nagpaapekto ako sa sitwasyon sa pamilya ko. Madalas akong absent.
Eto ang kuwento..
Nagtratrabaho si Mama sa Maynila. Naglalasing lang si Papa. Naghihintay ng padala. Ako ang nag-aalaga sa two years old kong kapatid. Madalas akong lumiban sa klase dahil naaawa ako sa kanya baka kasi mapano kapag lasing na ang aking ama.
Iyon!
Madalas akong umiyak. Mag-isa. Gusto kong tumigil sa pag-aaral. Pero patuloy pa rin ang bilin ni ina na mag-aral ng mabuti. Kaya, inisip ko na lang ang hirap at sakripisyo niya para sa amin.
Natanggap ko rin na 8th honors lang ako.
KABANATA 9
Second year sa school ding iyon. Miserable. Ayaw ko na sanang balik-balikan pa, pero naisip ko, dapat lang alalahanin dahil bahagi ito ng buhay ko.
Sana maging inspirasyon ito sa iba..
Lalong lumala ang sitwasyon. Kahit gustong-gusto kong mag-aral sa gabi ay hindi ko na magawa. Pumapasok lamang ako sa para sa attendance. Parang hindi na rumirehistro ang mga kaalaman sa ulo ko. Pumurol ang kukote ko. Napalitan ng depresyon ang laman ng utak ko. Para akong wala lagi sa ulirat. Nasa iskul ang physical body ko pero nasa labas ang isip ko. “Ano kaya ang ulam na niluto ni Papa?” O kaya, “Nagsaing na kaya siya?”.
Nakakaiyak pag umuwi akong wala pang kanin. Magsasaing pa ako bago makakain. E, one hour lang ang lunchbreak. Kelangang makabalik ako ng school bago mag-ala-una. Minsan late ako. Madalas din na ako pumapasok sa panghapong klase.
Naiyak ako nang kausapin ako ng adviser ko in front of my classmates. Bakit raw consecutive absents na. Dati-rati, every other day o kaya half-day. Bago pa ako nakapag-explain, tumutulo na ang luha ko. Dahil miss na miss ko na ang aking ina, tinuring ko na rin siyang pangalawang ina. Tila bagang nagsumbong ako sa kanya. Pahikbi. Alam ko, nakikinig ang mga kaklase ko, pero ipinagpatuloy ko. Nabigla ako nang alukin akong tumira sa kanila. Wala kasi silang anak.
Ampunin ba ako?!
A…E…E…A…E… ang sabi ko. Hind ako humindi. Hindi rin naman umuo. Idinahilan ko ang pagkaawa ko sa aking kapatid. Kung wala lang sana akong kapatid na maiiwan..
Hindi niya ako pinilit. Sabi lang niya, baka raw magbago ang isip ko.. Hindi nagbago ang isip ko.
Hanggang maramdaman ko na lang na Marso na. Natapos na pala ang kalbaryo ko sa pagpasok. Hindi ako umasa sa honors na 'yan. Alam ko na, na wala talaga. Masyadong pumahilis ang mga marka ko. Iyon ang totoo.
Closing Exercises.
Wala talaga akong natanggap. Wala! Kahit Most in.. o Best in man lamang. Best Actor siguro.
Nakakaapekto talaga ang pamilya sa pag-aaral. Kung ang pamilya ang unang hakbang sa pagkatuto ng isang bata ay siya ring dahilan ng pagkasira ng pag-aaral ng isang bata.
Hindi naman kami broken-family. Pero ewan ko kung bakit napakalaking epekto sa akin ang suliraning iyon.
KABANATA 10
Nanumbalik ang eagerness ko sa pag-aaral. Dahil siguro iyon sa aking ina at sa kanyang pagpupunyagi na mapagtapos kaming magkakapatid. At dahil na rin siguro sa mga school supplies na tinamo niya sa akin.
Para akong musmos na bata. Nasuhulan lang ng lollipop, tumahan na.
Masarap naman talagang mag-aral pag kumpleto ka ng gamit. May mga iba’t ibang sizes atcuts ng pad paper, pentel pen, coloring materials at iba pa.naalala ko tuloy ang mga araw na walang-wala ako ni mamahaling eraser.
Pero wala ng sasarap pa kung walang problema. Para walang ingay kapag nagre-review.
Ayun nga! Kabubukas pa lang ng klase, umepal na ako sa lahat ng guro. Laging nakataas ang kamay ko. Gamit na gamit ko ang vocal cords ko. Unti-unti kong nabawi ang natunaw kong utak. Um-active akong bigla. Kaya naman, madalas kong makitaan ng lihim na papuri ang mga titser ko, lalo na ang guro ko sa Filipino III. Hindi siya ang guro ko sa I at II. Napamahal ulit sa akin ang subject na Filipino dahil sa kanya.
Ngunit… Datapwat… Subalit… Kaya lang…Pero… nangyari ang di inaasahang bagay.
Namayapa ang aking butihing ama, mahigit isang buwan pa lang ang nakalipas pagkatapos mag-resume ang klase.
Pagkatapos ng libing, kinabukasan, bumiyahe kami ng pinsan ko patungong Maynila. May dahilan kaya mas pinili kong itigil ang sinimulan ko sa mataas na paaralang iyon. Sayang lang..
Pagdating sa Maynila, wala ng gustong kumanlong sa akin. Hinihintay ko ang nangakong kamag-anak na pag-aaralin ako ay ihahabol sa pasukan, pero nabigo ako. Pinaniwala ako na hindi na ako matatanggap dahil Agosto na.
Bakit noong Grade 4 ako?!
Hinanakit lang ang napala ko sa pagtakas sa probinsiya..
Ayun! Nabakante ang utak ko. Gayunpaman, hindi pa rin nabawasan ang pagpapahalaga ko sa edukasyon. Lalo lang itong tumibay. Ang hangarin kong makatapos ay lalo lang tumaas. Ang masama na lang, kinaiinipan ko ang bawat sandali. Kinaiinggitan ko ang mga pinsan kong pumapasok. Minsan nga, binubuklat ko ang mga aklat at mga kuwaderno nila.
At wag ka! Iyong mga pinaglumaan nilang notebook na may mas maraming blank pages kesa sa may sulat ay hiningi ko. Tinahi ko ang mga iyon at nakabuo ako ng tatlong secondhand sewn notebooks. At, hiningi ko rin ang mga aklat nila, kahit alam ko na hindi ang mga iyon ang textbooks sa public school. At least, may reference ako.
Naghintay ako ng June. Halos isang buong taon akong naghintay at nainip. Sa paghihintay ko, nakaranas ako ng masakit na dagok sa buhay. At dahil dito, naipangako ko sa sarili ko na hindi ko pipiliing maging mangmang. Magsusumikap ako.
KABANATA 11:
Panibagong school na naman. Panibagong pakikisama. Panbagong hamon at pagsubok. Panibagong experience. Panibagong ambience.
Kung bibilangin, simula kindergarten hanggang third year high school, nakawalong paaralan na ako. Kung nagbibigay ng Loyalty Award ang bawat school na papasukan ko, hindi ako mabibigyan. Bakit nga naman ako a-award-an!? E, palipat-lipat ako. Look:
....Kindergarten sa San Francisco
....Grade One sa Bulan South Central School
....Grade Two sa Guruyan Elementary School
....Grade Three sa Matatalaib Bato Elementary School
....Grade Four sa San Juan Elementary School at Bulan South Central School
....Grade Five at Six sa San Francisco Elementary School
....First at Second Year sa San Francisco National High School
....at Third Year sa Antipolo National High School
Ayun na nga.. enrolled na ako. Nagsimula na ang klase. Nanibago ako. Sobrang hiya ko noon kasi lahat sila magkakakilala na. Ang mga mata nila ay nakadako sa akin. Para akong gringo.
Pero, pagkalipas ng ilang araw, adjusted na ako. Kilala ko na ang bawat isa. May kakuwentuhan na rin ako. May kabiruan pa. May nagka-crush sa akin. Ahem! At siyempre, may crushes din ako..
Lumaon pa, nakipagkumpitensiya na rin ako sa mga pioneer na estudyante. Ginawa ko ang lahat para mapansin ng mga guro. NagpakaKSP talaga ako. So i did! Nalaman nila ang abilidad ko. Sinali ako sa mga contests. Poster-making. Slogan-making. Essay-writing. Etc..
Na-nominate at na-elect ako as class officer.
Nagwagi ako ng mga parangal. Second placer ako sa pagbabaybay. Nag-second din ako sa pagsasatao o monologue.. Nakakahiya lang dahil hindi ko naiba ang boses ko. Hindi dapat iyon monologue kundi monotone.
Nagwagi din ako ng first prize at cash prize dahil sa native parol na ginawa ko.
Nalaman din ng mga guro ko na mahusay ako sa letter-cutting. Kaya, kapag may program, pinapatawag ako. Akala ko nga minsan, may violation ako. Iyon pala ay may ipapagawa silang cut-outs para sa entablado. Lagi-lagi iyon.
Lagi akong nasa honor roll, na inilalabas every after grading period. Kuntento na ako kahit nasa middle place lang ako. Alam ko naman kasi na may mas matalino at aktibo pa kesa sa akin. Saka hindi ako pwedeng mag-top, kasi transferee ako.
All of the sudden...
Dumating ang problema. Dumalas ang pagliban ko sa klase. Wala na kasi akong allowance. Kapos lagi sa pamasahe. Delayed lagi ang padala ni Mama. Minsan nga, pumapasok ako kahit walang baong pagkain, basta may pamasahe. Okey na iyon sa akin. Sayang kasi ang araw. Ayaw ko ma-miss ang mga quizzes at graded recitations.
Matiisin ako talaga. Sa gutom. Sa halos lahat ng bagay..
Pero, isang tanghali, hindi ako lumabas ng classroom para kumain. E, wala naman talaga akong tsitsibugin! Wala akong baong pera. Ni hindi ako makakabili ng tig-aanim na pisong mainit na Lucky Me noodles sa labas. Kaya ayun! Nakipagkuwentuhan na lang ako sa kaklase ko habang kumakain siya. "Sige lang!", kako. Kapagdaka'y nakita ako ng guro ko sa H.E.. Nagtanong. Umariba. hindi ko alam na nagkuwento pala sa adviser ko. maya-maya pa ay may dala na silang kanin at ginisang upo. Todo tanggi akong tanggapin. Pero ang totoo, gustong-gusto ko. gutom na kasi talaga ako, e. Kanina pa ako naglalaway sa ulam ng kaklase ko.
Tinanggap ko rin pero kunwari ayaw ko pang kainin. Nakakahiya e. Pero ang mas nakakahiya ay nang interview-hin ako ni Ma'am. Tsk! Tsk! Naiyak ako.
For the second time, naiyak uli ako habang kinakausap ng adviser. Dyahe!
Dahil sa problemang iyon, naapektuhan ang grades ko. Hindi ko kasi nagagawa ang mga takdang aralin namin. Hindi na rin naman pumapasok sa kukote ko ang mga leksiyon. Bumaba rin ang mga nakukuha kong tama sa nga quizzes.
March. Wala akong natanggap na award. Hindi naman talaga ako umasa. Ang importante sa akin ay matataas ang grades ko sa report card. Ayoko ng may pula doon. Ayoko ng may bagsak. Ayoko ng kahit pasang-awa. Ayoko ng pahilis. O line of seven.
KABANATA 12:
Same school. Same classmates. Same teachers.
Nagpalitan ng advisers. May mga tranferees na dumating. May nadagdag at umalis na guro. Umunlad ng konti ang eskuwelahan namin. Palibhasa, pang-apat na taon na ng aming Alma Mater ay nagkaroon na ng karagdagang silid-aralan.
Fourth year na ako kaya may diskarte na ako sa buhay. Hindi ako naghinanakit sa aking ina. What for? Wala akong makitang dahilan. Besides, sanay na ako na malayo sa kanya. Sanay na ako sa mga gawaing-bahay. Sa pagba-budget ng kakarampot na pera. Paglalaba. O pagluluto man.
Wala sa akin yon!
Kaya sinubsob ko uli ang ulo ko sa mga aralin. Naubusan ako ng kilay.. He he, biro lang.
Ganon pa rin.. Active sa klase. Sa recitations. At maging sa mga curricular activities. Sumali ako sa mga contests. Tumanggap ng mga tungkulin sa pamumuno sa grupo. Isa na rito ang pagkakahirang ko bilang over-all president ng KAMAFIL o Kapisanan ng mga Mag-aaral sa Filipino. Ito na ang pinaka-achievement ko. I love Filipino subject kasi!
Nakapag-organize ako ng isang program. Ito ay ang pagdiriwang ng Linggo ng Wika. Wow! Hindi ko iyon makakalimutan.
Idea ko lahat halos ang mga numbers at contests sa selebrasyong iyon. Nakapagpa-contest ako ng pagbigkas ng tula. May nagbalagtasan. At may tableau.
Ang tableau ay isang piping pagsasadula na kadalasan ay sinasaliwan ng musika. Isa ito sa mga natutunan ko sa workshop na sinalihan ko noong first year ako sa Bicol. Ito rin ang dahilan kung bakit nagkapeklat ang kanang paa ko.
Nag-tableau kami noon sa isang programa bilang paggunita sa Independence Day. Fiesta rin noon sa aming barangay. Ang ganda ng performance namin. Nakakapanindig-balahibo. Makatotohanan ang labanan ng mga Pilipino at mga Hapones. Ang pulang food color na ginamit ko as dugo ay naging makatotohanan din pagkababa namin ng stage.
AWWRK! Naapakan ko ang malaking aso, na nakahiga sa gitna ng mga nakatayong manonood ng tableau. Duguan ang paa ko. Ansakit!
Oops! Hindi iyan ang kuwento ko. Back to the Linggo ng Wika..
Napuri ako ng adviser ko sa KAMAFIL. Successful daw. First time daw niyang makapanood ng tableau, gayundin ang sabi ng mga estudyante. Ang totoo, first time ko rin ring magturo niyon. Kadalasan kasi, participant lang ako. But that time, ako na ang nagturo, kasali pa ako.
Proud na proud ako sa sarili ko. Gusto ko nga sanang tanunging ang mga matatalino kong classmates, "Kaya nyo ba 'yon?". Sa isip ko lang iyon. Nakakahiya, baka sabihin, "Ang yabang mo naman! Tsamba lang yon!"
December. Maraming programs ang naganap such as Family Day at Christmas Party.
Noong Family day, hindi ako nag-enjoy. No need to explain. Wala si Mama ,e. Pero sila, ang sasaya! Para tuloy akong gatecrasher noon. Parang ampon ng isang pamilya at alam na ang katotohanan. Ni hindi ako nakasali sa mga parlor games.
Di bale na..
Noong Christmas Party naman. So-so. Hindi masyado masaya. Hindi rin naman malungkot. Sumaya lang ako nang matanggap ko ang cash prize sa napanalunan ko sa native lantern-making contest. First prize uli. Two consecutive years na akong first placer. At, last na iyon.
Di bale na..
Then, marami pang activities ang na-experience ko. Isa na rito ang educational tour namin. Pinuntahan namin ang Rizal Shrine sa Calamba, Laguna. Sa kabila ng kagipitan ko sa pera, ewan ko lang kung paano ako nakapag-produce ng pambayad. No choice kasi. Hindi raw puwedeng hindi sumama. Naku! Kung pinayagan lang akong, hindi na ako sasama. Sayang, e.
Pero, ok lang. At least, narating ko ang dating tirahan ng ating national hero.
Another is the J.S.Prom.
Actually, isang beses lang ako naka-experience ng promenade. Noong senior lang ako. Pioneer kasi ang batch namin sa school na iyon kaya noong junior pa lang kami, wala pangsenior. Kakatwa naman kung mag-J Prom kami, di ba?
Excited ako na mag-prom. Kaya, kuntodo hanap ako ng mahihiram na truvenice at necktie.Good thing is nakapag-provide ako days before the promenade. At take note, dalawa pa ang nahiram ko. Di ko tuloy alam kung alin ang isusuot ko sa dalawa.
Prom night..
Masaya. Successful. Pero, malungkot pa rin ako dahil wala si Mama para ma-witness ang gabing iyon. Once in a lifetime kasi at hindi na mauulit.
Di bale na..Basta, kako sa graduation ay nandito siya. Datapwat, mas malungkot ako nang dumating ang sulat. Hindi raw siya makaka-attend. Inunawa ko na lang dahil may dalawa akong kapatid doon na hindi pwedeng iwanan.
Di bale na.. Tutal wala naman akong honors o award. Hindi rin siya magiging proud sa akin. di bale na, basta ga-graduate ako.
Graduation day.
Umagos ang maalat kong mga luha, for three reasons. Una, wala si Mama. Ang tito ko lang ang umakyat upang i-pin sa akin ang graduation ribbon.
Pangalawa, wala akong natanggap na anuman. Tatlo lang ang nabigyan -- ang valedictorian, salutatorian at first honorable mention. Nagtipid ang school noon. Sabi ng faculty, memorandum daw ni Erap, dahil bagsak ang ekonomiya. Kaya nga, hindi kami nakatoga. Uniporme lang. Nakakaiyak pa dahil ni hindi man lang ako binigyan ng appreciation dun sa pagle-letter-cutting ko sa kanila for almost two years. Ni pasalamat, wala! Litse! Pati ba naman thank you tinipad pa nila.
At pangatlo. Naiyak ako dahil na-touch ako sa graduation song..
Di bale na! Natapos na rin ang paghihirap at pagtitiis ko.
Mabuti na lang, binigyan kami ng isang handaan ng tiya ko. Namin, kasi apat kaming nagsipagtapos noong taong iyon. Ang kapatid ko. Dalawang pinsan. At ako.
Masaya at grandyoso ang selebrasyong iyon. May banner. Nakatanggap pa kami nggreeting cards. Nag-wish sa amin ang sponsor. Nag-blow kami ng cake. Then, nagkainan. Nag-inuman sila. May mini-disco pa, with matching mirror ball.
Pero sa gitna ng kasiyahang iyon , nakaramdam ako ng emptiness. Feeling ko nasa buwan ako. Nag-iisa. Habang sila'y napapaindak sa galak, ako naman ay nakalugmok sa burak. Ewan ko ba! Masyado lang siguro akong madrama. Kung kelan natapos na ako sa isang yugto ng buhay, saka naman ako nagkaganon.
Noong gabing iyon, inalala kong lahat ang mga pinagdaanan ko. Naalala kong naging labandero pala ako tuwing Sabado para lang magkaroon ng pang-isang linggong allowance. Natawa tuloy ako sa alaalang iyon.
Di bale na..
Kung hindi man ako natutong magsaya sa gitna ng depresyon at krisis o kalungkutan at problema, ang mahalaga, marunong naman akong magpasalamat at tumanaw ng utang na loob.
Salamat sa mga tiyo at tiya ko..
Sorry din sa mga sama ng loob na idinulot ko sa inyo. Sorry po kung akala ninyo ay nagtanan na ako. Natakot kayo na baka makapag-asawa ako ng hindi pa oras. Ang totoo po ay nagpalipas lang ako ng sama ng loob sa bahay ng kaibigan kong babae.
KABANATA 13
Salamat kay Auntie Vangie! Binigyan niya ako ng oportunidad na makapagtrabaho sa garment factory nila. Summer job, ika nga. Para daw, makaipon ako ng pangkolehiyo.
Okey!
Tuwang-tuwa ako sa galak. First time, e! Sino ba namang tanga ang aayaw sa pagkakataong iyon?! Ni hindi ko na kailangang mag-aplay.
Work ako ng work. Enjoy na enjoy sa sahod. Wiling-wili sa mga gimik. Sa mga gamit na nabibili. At mga pagkaing natitikman. Hanggang sa matapos na ang 6 na linggo.
What?! Enrolment na?!
Kelangan ko na palang mag-enroll. Wala pa akong ipon.
Nagkamli ako. Masyado akong nabulag ng mga materyal na bagay at kasahayan sa ibabaw ng mundo. Hindi ko na naisip ang utak ko. Nakaligtaaan ko ang mga bilin ni ina.
Kailangan din palang kumain ng utak. Kailangang magdagdag ng accesories. Kailangan rin palang mag-download. Mag-charge at mag-load.
Naisip ko ang guhit pahilis.
Dapat na ba akong gumawa ng pahilis pakanan at pahilis pakaliwa? Dapat ko na bang ipag-cross ang dalawang guhit upang makabuo ng ekis? Dapat pa ba akong mag-aral? O, magtatrabaho na lang ako?
Hindi! Ayoko!
Mag-aaral at magtratrabaho ako. Oo! Sabay. Work sa umaga. Studies sa gabi. O vice versa.
Kasama ko ang pinsan kong babae na gusto ring magtapos, ay hinanap namin ang kinaroroonan ng Polytechnic University of the Philippines sa Sta. Mesa. Nagkandaligaw-ligaw kami, pero sulit dahil natagpuan namin PUP. Subalit, late na pala kami. Sabi ng sikyu, tapos na raw ang entrance examination for 1st year students. Maaga raw iyon isinasagawa.
Bigo.
Ayoko na, sabi ko. Pero, sabi nila, matalino raw ako. Kaya may payo sila. Apply daw ako ng scholarship sa Central Collloges of the Philippines. Pero hindi sila tumulong financially. Sinabi lang nila na nagbibigay ng up to 100% scholarship fee. So, nag-inquire kami. Kasama ko kasi ang isang katrabaho at pinsan kong lalaki.
Ora mismo, interview agad! Araguy! Advantage pala ang may honors noong high school. Sayang! Wala akong honors kahit 10th. Mabuti pa ang katrabaho ko, valedictorian pala. Kaya, may chance siyang ma-avail ang 100% scholarship, depending on the result of our exam.
To make the story short, nag-exam kami. Then, naghintay ng result.
Nakakaproud dahil pasado kami.
Nakakabad trip kasi 30% lang ang nakuha naming tatlo. It means 70% pa ang babayaran kong matrikula. Wag na! Can't afford. Ang mahal pa naman ng daw sa school na iyon.
Wag na, sabi namin. Magtrabaho na lang muna tayo, sabi ko pa. Wait na lang tayo sa PUP. Aagahan ko talaga ang punta doon next year.
Desidido na sana akong mag-pass sa schooling, heto na si Auntie, may dalang broadsheet Kung saan ang founder at owner ng AMA ay naghahanap ng indigent students at magbibigay ng scholarships up to 100%.
Una, naisip ko, gaya lang iyon sa CCP. May mga honors lang ang makakapag-aral ng 100% free. Pero naisip ko rin na ibabase nila sa indigency ng applicant. Nag-double- mind ako. Gusto ko, na parang ayaw ko. Nahihiya lang ako sa tiya ko. Gusto ko na lang muna sanang magtrabaho at mag-ipon para kahit walang scholarship ay makakapag-enroll ako.
Gusto ko talaga sa UP Diliman. Greatest dream ko ang makapag-aral sa Unibersidad ng Pilipinas pero dahil suntok sa buwan, kahit saaan na lang.
Ayun, kinunsidera ko ang alok ng aking tiyahin. Nag-exam ako, gayundin ang utol ko.
Ang bilis ng results! Parang hindi tsenikan. Parang minadyik!
Alam ko at umasa ako na 50% 0r 70% man lang ay makukuha ko. But I was wrong. Thirty percent uli.
Aha! May hokus-pokus. Front nyo lang iyon. Gusto nyo lang humakot at umengganyo ng enrollees. Wala talaga kayong balak magbigay ng full scholarship.
Business is business, talaga!
Sorry po, AMA, but I have to express my mind..
Alam ko, hindi ko na-perfect ang exam. ngunit alam ko sa sarili ko na hindi lng 30% ang nakuha ko. unang-una, ginalingan ko ang pagsagot sa bawat katanungan. Fresh pa ang utak ko. Pangalawa at panghuli, I deserve it! Indigent ako. Alam nila iyon dahil isinaad ko iyon sa application form at isinagot sa interview. Dapat di nila binase sa honors or test result.
Tinanggap ko na lang ang kabiguang iyon.
Ewan ko ba?! Nagpa-enroll pa rin ako. Sa kagustuhan kong makapagtapos at manatiling matalim ang kukote, nag-down payment ako. Take note, inutang ko iyon sa kompanya. Vale, kumbaga.
Buwisit na karunungang iyan! Napakamahal. Di bale, sulit naman pagdating ng panahon.
First day of school. Excited akong pumasok. Nag-enjoy at natuto ako sa unang lecture. Feel na feel ko ang bagong yugto ng buhay ko.
( ABANGAN ANG MGA SUSUNOD NA KABANATA SA BUHAY NG MAY-AKDA...
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento