Martes, Oktubre 29, 2013

Makabayan Ka Nga, Makasarili Ka Naman

Pagkatapos ng botohan, tingnan mo ang eskuwelahan
Animo'y pinagsamantalahan ng mga taong mangmang
Tinalo pa ang bagyo, na kalikasan ang may kagagawan
Ngunit, itong paaralan, binaboy ng mga mamamayan.

Kung makareklamo ka pag pera ng bayan ay ninakawan
Ang husay mong magsalita ng kanilang kawalang-hiyaan
Pero ikaw ba ay may pitagan sa sarili at sa sariling bayan?
Lugar ng halalan, iyong ginulo, binaboy at dinumihan.

Tingnan mo! Gawa ba iyan ng isang taong makabayan?
Ni sarili mong kalat, tinapon mo lang kung saan-saan
Pagkatapos mong lumamon ay nabundat iyong tiyan
Ngunit, sustansya'y nasaan? Baka nasa iyong talampakan.

Oo, botante ka kaya ikaw ay responsableng mamamayan
Makatao ka't makabayan, pero, makasarili, ikaw iyan
Pagkat di inisip ang ibang nilalang na sila ang mahihirapan
Di mo man lang sininop, o nilagay man lang sa basurahan.

Sa susunod na halalan, huwag ka na lang tumungo sa botohan
Kung wala kang baong disiplina at magandang kaasalan
Paaralan ng Gotamco, ika'y ikinahiya at kinasusuklaman
Taong katulad mo, nararapat na ihalintulad sa isang babuyan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento