Martes, Oktubre 15, 2013

Pakiusap (Tula)

Mga magulang, para po ito sa inyo,
Ang tulang ito, basahin naman ninyo
Pakiusap.. Kami ay nagsusumamo
Dinggin ninyo, aming mga siphayo.

Bago naman sana kayo ay sumugod
Alamin niyo muna ang aming pagod
Pagtuturo namin, isang paglilingkod
Kayo pa sa amin ay hindi nalulugod.

Bakit tila yata kami pa ang masama
Pag anak ninyo'y aming dinidisiplina
Bakit? Di niyo ba sila lubusang kilala?
Pasakit sila sa amin, sutil silang talaga.

Ngayon, tanong ko ay iyong sagutin
Bakit anak mo ay ipinasok mo sa amin
Kung ganyan ka kung ako'y lapastanganin?
Nag-aral ako para respetuhin, di bastusin.

Kung ayaw ninyo ng aming patakaran
Puwes! Magtayo kayo ng inyong paaralan
Upang kabutihang asal, inyong mapag-aralan
Upang ang pagrerespeto, inyong malaman.

Hindi namin hinangad, inyong paghuhusga
Pagkat mga anak ninyo'y aming inaaruga
Gaya kung paano ninyo sila kinakalinga
Gayundin dito sa amin, sila'y mahahalaga.

Kaya, mga magulang, kami ay nakikiusap
Bago ka sumugod, ayusin iyong pangungusap
Pag-isipan lahat, saka sa amin ay humarap
Huwag kang magmarunong at magpanggap.

Lahat kami ay guro, sa kapwa'y may respeto
Mga mag-aaral namin, nais naming matuto
Nagagalit kami pagkat sila'y nagpapakabobo.
Binabalewala kasi pagod namin sa pagtuturo.

Ang lakas ng loob niyong magagalit sa amin
Di niyo man lang inisip aming mga hangarin
Matuto inyong mga anak, maging masunurin
Maging responsable at maging magalangin.

Pakiusap, kami ituring ninyong katuwang
Inyong mga anak, aming nililinang
Di namin nais sila'y maging mangmang
Kaya, kami, inyong namang tulungan.

Imbes na kayo'y sa amin ay magalit
Tumulong kayo, sa amin ay lumapit
Alamin, kilalanin, inyong mga paslit
Imahe namin, huwag gawing pangit.

Pakiusap..
Pakiusap...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento