Linggo, Oktubre 13, 2013

Setyembre 26, 2013 Huwebes 11:41NU

    Ang gulo at ang ingay ng classroom ko. Wala pa naman ako sa mood. Ilang araw na kasi akong pagod at puyat. Andami kong ginawa at gawain, kaya delubyo ang klase ko pagpasok ko pa lang. Gusto ko na sanang sumigaw para malaman nila na dumating na ako galing sa meeting. Napansin ako ng iba pero karamihan patuloy pa rin sa mga ginagawa nila.
     Napatilyahan ko nga ang iba dahil sa sobrang ingay nila. Madalas ko naman gawin na tanggalan sila ng konting patilya tuwing nagpapasaway. Sanay na sila sa hapdi, kumbaga.
    Grabe! Ginawa nilang playground ang silid-aralan. May mga nagbahay-bahayan. May mga nakahiga pa. Ang nakakapagtaka pa, kay mga unan sila.
     Parang inantok ako bigla. Kaya, di ko na inalintana ang ingay. Umidlip ako sa mesa. Hindi ko alam kung gaano ako katagal nahimbing. Paggising ko, andoon na si Mam Macalino. Hindi naman ako nagtaka.
     Sumunod lumibot ako sa classroom. Magulo pa rin. Tapos, biglang pumasok ang dalawang lalaki. Mga edad kuwarenta ang isa. Ang isa naman ay nasa kalagitnaan ng 50 at 60. Nakakimono ito....at may samurai!
     "Gusto mo tagain ko ang kamay mo?! Gusto mo?" May Japanese diction pa siya. Nakakatawa ng konti pero nakakagimbal. Hindi ako nakapagsalita at parang ipinapaubaya ko pa ang kamay ko. Handa na akong ipautol ito. Marahil, lolo ito ng estudyanteng pinatilyahan ko kanina. Ang bilis niyang makapagsumbong. Nagtext siguro.
      Alam kong hindi niya naman ako kayang putulan ng kamay. Isa pa, pinipigilan siya ng kasama niya. Anak niya siguro iyon at ama naman ng estudyante ko.
       Ang bilis ding nakalabas ng dalawa. Tumawa pa nga ako, dahil parang nagbiro pa ang hilaw na Hapon. Pero ang totoo, grabe ang kabog ng dibdib ko. Hinarap ko ang klase ko.
       "Tingnan niyo na. Ayusin niyo naman ang mga sumbong ninyo!" Galit na galit ako. At sa sobrang galit ko, humagulgol ako sa ilalim ng kumot ko. Tinapik-tapik naman ako ni Mam Ana. Sabi niya, "Tahan na, Froi."
       Nagising ako. Lumuluha.
       Pasado alas-sais na pala ng umaga. Kailangan ko pang banlawan ang binabad ko kagabi..
       Hindi pa rin maalis sa isip ko ang panaginip na iyon. Para kasing totoo at pwedeng magkatotoo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento