Martes, Nobyembre 12, 2013

Ang Kariton

     Hindi ako nakatulog ng gabing iyon. Nasa isip ko pa rin si Lola Kalakal. Hindi ko siya makakalimutan. Siya kasi ang taong kauna-unahang nagpamulat sa akin na ang katayuan sa buhay ay hindi permanente. Ang mga salitang tinuran ay nanunuot sa aking kaibuturan. Alam ko maaaring mangyari sa akin kung hindi ako magiging maingat sa pagharap ko sa aking laban sa buhay.
     Isa lang naman akong simpleng guro na naghahangad na makatulong sa bayan sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga mag-aaral ng mga kaalaman at kabutihang-asal. Nangangarap din naman ako ng marangyang pamumuhay, ngunit hindi ako kagaya ni Lola Kalakal na ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig. kaya hindi ako marahil magagaya sa sinapit niya. Gayunpaman, may mensahe siyang nais kung paghandaan. Ayaw niyang ako'y magaya sa kanya.
     "Masalimuot ang buhay, apo.. Kailangan mong paghandaan ang buhay at bukas.Hindi ka makakatakas sa pagsubok ng Diyos. Ngayon, mayroon ka.. Bukas...maaaring mawala lahat sa'yo ang mga iyan..sa isang iglap."
      Matalinghaga, pero maliwanag na sinabi niyang maging malakas ang pananampalataya ko sa Diyos.
      Paulit-ulit kong naririnig ang mga pangungusap ni Lola Kalakal. Nakakabingi pero hindi ako naiinis. Bagkus, lalo lamang akong nagkakaroon ng interes sa kanya. Nais ko uli siyang makita. Alam ko mas marami pa siyang maibabahagi sa akin na maaaring maging hagdan ko tungo sa aking pangarap na simpleng buhay, dahil naniniwala akong ang taong dumaan sa pagsubok ay siyang nararapat na magsabing masarap ang mabuhay.
       Ng gabing iyon, hindi talaga ako dinalaw ng antok. Kaya, nagplano na lamang ako. Hahanapin ko si Lola Kalakal. Hindi lang ang pangalan niya ang nais kong malaman kundi pati na rin ang buong kuwento ng buhay niya. Nais kong siya ay maging inspirasyon sa pagiging matatag.
       Pumasok pa rin ako kinabukasan kahit dalawang oras lang ang tulog ko.
       Hindi ko nakita si Lola Kalakal sa dating lugar kung saan ko siya nakita. Halos lumabas na nga ang ulo ko sa dyip dahil sa katitingin sa bawat sulok sa kahabaan ng Taft Avenue, baka sakaling naroon siya. Nabigo ako. Hindi ko siya nakita, hanggang makarating ako sa paaralan.
       Ilang araw kong ginawa iyon, pero wala pa rin. Inagahan ko nga ang pagpasok ko at naglakad pa ako pagdating ng Biyernes para lang masigurado kong hindi nakakalusot sa paningin ko ang hinahanap ko. May nakita ako sa tabi ng mga basurahan pero mga bata naman. Hindi naman sila ang hinahanap ko kaya nalulungkot pa rin ako.
       Lumipas ang isang linggo at isa pang linggo. Isang buwan pa ang lumipas, nais ko ng sumuko. Parang hindi ko na yata makikita si Lola Kalakal. Pinanghinaan na ako ng loob.
       Nalimutan ko na si Lola Kalakal. Naging abala kasi ako sa mga gawain sa paaralan. Okupado ako. Nagkaroon kami ng ikatlong markahang pagsusulit kaya nakaligtaan ko siya. Ginagabi na nga ako ng uwi para lang matapos ko ang mga gawaing pampaaralan at upang hindi ko na ito dahil sa aking tirahan.
       Isang gabi, naisipan kong bumalik sa food chain na kinainan namin ni Lola Kalakal. Muli ko na naman kasi siyang nakalimutan.
        Habang kumakain ako, inalala ko ang mukha niya, gayundin ang napakatamis niyang mga ngiti. Nangingiti nga ako nang maalala kong nag-iyakan pa kami doon at pinagtinginan ng mga ibang kumakain. Naalala ko rin ang ngiti niya pagkatapos kong hugasan ang mga kamay niya bago kami kumain. Natawa ako dahil hindi daw siya na sanay na malinis ang kanyang kamay.
        Tapos na akong kumain. Inuubos ko na lang ang pineapple juice ko, nang isang matandang babae ang kumatok sa salamin ng kainan, katapat ng upuan ko. Nasa labas siya, humihingi ng pagkain. Hindi ko nakita ang mukha niya. Natatabunan kasi ito ng magulo at nagpuputiang buhok. Subalit, sigurado akong si Lola Kalakal iyon. "Lola?!" Agad akong lumabas upang papasukin si Lola, pero hindi ko siya makita. Maraming tao sa labas, paroo't parito ngunit di ko siya nakita kung saan siya kumatok sa akin. Hinanap ko pa siya sa kabila, pero wala talaga. Kahit nga sa kabilang kalsada ay wala rin.
         Nagtataka ako. Hindi naman ako namalik-mata. Ramdam kong si Lola Kalakal iyon. Kung hindi man niya ako nakilala, alam ko hindi siya hihingi ng pagkain kung makikipagtaguan lamang siya sa akin. Samantalang, nag-hand signal naman ako na hintayin niya ako sa labas.
         Napaisip na naman ako. Lalong lumalim ang kagustuhan ko na makitang muli si Lola Kalakal. Tamang-tama, Sabado kinabukasan, naisip ko. Hahanapin ko sila buong araw. Kaya, pinilit kong matulog ng maaga.
         Alas-dose na ng hating-gabi. Hindi pa rin ako nakakatulog. Si Lola Kalakal pa rin ang nasa isip ko.
         Papikit pa lang ako nang tatlong marahang katok ang narinig ko sa labas ng pinto ko. Maliit lamang ang condo unit ko kaya dinig ko mula sa aking kama ang mga katok. Naisip kong baka ang kapit-kuwarto ko na madalas magtanong tungkol sa internet at laptop, kaya agad akong bumalikwas upang pagbuksan siya. Ngunit, wala naman akong nakitang tao, maliban sa pulang rosaryo na nasa paanan ng pinto. Dinampot ko ito at napag-alaman kong iyon ang rosaryong ibinigay sa akin ni Lola Kalakal.
         Nagtaka ako kung bakit iyon napunta iyon doon. Hindi naman ako naghalungkat ng bag ko kung saan, kaya hindi ko iyon nahulog. Ang nakakapagtaka pa ay may kumatok para lamang isauli ang rosaryo. Paano niya nalaman na akin iyon?
         Naisip ko si Lola. Hindi e! Hindi siya ang maaaring kumatok. Hindi niya alam ang tirahan ko. Hindi rin naman siya papasukin ng guard hanggang di ko sinabi. Grabe! Bigla akong nanlamig.
         Napuyat ako dahil sa mga isiping iyon. Pero, tinuloy ko pa rin ang plano kong hanapin si Lola. Alas-diyes na nga lang akong nakalabas ng kuwarto ko. Kaya, nagmadali ako. Sinimulan ko ang paglalakad patungong Sta. Ana. Babagtasin ko ang kahabaan ng Pedro Gil upang humanap ng junk shop na maaaring pinagbebentahan ni Lola ng kanyang mga kalakal. Iyon lang ang naisipnkong mabilis na paraan. Naisip ko kasi na baka kilala nila si Lola. Itatanongnko na rin ang tirahan niya, baka alam nilanat malapit lang sa kanila.
         Mahaba-haba na ang nalakbay ko. Nagtanong-tanong ako kung saan may junk shop. Pinupuntahan ko naman agad pero hindi daw nila nakikita ang hinahanap ko. Ang sabi pa ng iba, marami daw matandang babae ang nagbebenta sa kanila kaya di nila ako matutulungan. Hindi rin daw nila sakop na alamin pa nila ang tirahan ng bawat nagbebenta. Para tuloy napahiya pa ako.
         Gayunpaman, hindi ako sumuko. Nagbaka-sakali pa ako. Isang maliit na junk shop ang tinungo. Isang matabang ale ang bumati sa akin. Tinanong niya ako kung ano ang ibebenta ko. Nginitian ko muna siya, bago ako sumagot. "Wala po. Magtatanong lang po sana ako.."
          "Ano?" Mabait naman ang may-ari kaya sinamantala ko na. Tinanong ko siya kong may nagbebenta sa kanya na lola, ganito katangkad. Maputi na ang buhok. Nakayapak. Marungis, pero matamis kung ngumiti. Nag-isip muna saglit ang ale. "Ah, si Lola Esme?!"
           Lola Esme pala ang pangalan ni Lola. "Kilala niyo po?" Bumilog ang mga mata ko sa kasiyahan.
          "Oo. Matagal na."
          "Saan po siya nakatira? Pwede ko po bang malaman. Alam niyo po kasi matagal ko na po siyang hinahanap eh." Excited ako. Parang akong tunay niyang apo.
           "Kaano-ano ka ba ni Lola Esme? Ang alam ko kasi wala siyang anak e. Apo ka ba niyamsa kapatid niya?" Biglang lumungkot ang mukha ng mabait na ale.
           Nautal pa ako. "Hindi po. Kaibigan ko lamang po siya." Naghintay ako ng sagot o sa sasabihin ng ale pero hindi siya nagsalita. Tumitig lang siya sa akin. " Ate, saan po siya nakatira?"
           Parang natauhan ang ale. Tapos, tinuro niya ang kinaroroonan ng lumang-lumang kariton. "Diyan siya nakatira." Mas lalong lumungkot ang mukha ng ale.
           Sumaya ang mukha ko. "Talaga po!? Andiyan po kaya siya? Salamat po ate, ha!"    
           Akma na akong tatalikod para puntahan ang kariton ngunit tinawag ako ng ale. "Teka, teka..ikaw ba ang kaibigang binanggit niya sa akin na nakasalo niya sa huling almusal niya?"
           "Opo! Ako po.."
           Binuksan ng ale ang kanyang drawer at iniabot sa kanya ang isang kapirasong papel."Ipinabibigay sa'yo ni Lola Esme."
           Resibo iyon ng Jollibee. Binasa niya ang mga impormasyon. Ang mga order, ang oras, petsa at lugar ay tugma sa kung kailan at saan sila kumain ni Lola Kalakal. "Bakit po?" Hindi ko maintindihan.
           "Sa likod, makikita mo ang address ng kapatid ni Lola Esme.. "
           Tiningnan ko naman. Address nga. Sa Davao nga siya nakatira. "Ano po ang ibig sabihin nito?
           "Di ko alam. Basta ibigay ko daw iyan sa'yo. Nais daw niyang makasama ang kaisa-isa niyang kapatid."
            Naunawan ko na. Gusto ni Lola na tulungan ko siyang makauwi sa probinsiya niya. Mahirap man at mabigat sa bulsa ay handa akong tulungan siya. "Saan po kaya siya ngayon?" Hindi umimik ang ale. " Alam niyo po ate? Sobra pong nahihiwagaan ako kay Lola Esme. Kagabi lang ay nakita ko siya kumatok sa salamin ng Jollibee at humingi ng pagkain sa akin. Paglabas ko, wala siya. Tapos, hating-gabi, may kumatok sa pinto ng kuwarto ko. Pagbukas ko, nakita ko ang pulang rosaryo na binigay niya sa akin, pero wala siya."
            Nahiwagaan din ako sa ale, dahil biglang nawala ang saya sa mukha niya.
            "Anong oras po kaya siya babalik?" tanong ko. Naramdaman komkasi na wala siya sa kariton.
            Tiningnan muna ng ale ang kariton. "Gusto ko na sanang tanggalin ang akariton na yan dyan. Kaya lang naisip ko, di naman nakakaabala. Alam mo, simula noong nakiusap siya na ipuwesto niya ang kariton niya dyan, sinuwerte na kaming mag-anak." Bumalik ang saya sa mukha niya. "Ganito lang ito kaliit pero, alam mo bang malaki ang kinikita namin sa negosyong ito? Nakapagpatapos ako ng dalawang anak. Doktor na ang isa. Teacher na rin ang isa." Pinakinggan ko na lang siya. Parang marami pa siyang nais ikuwento. "..Mabait si Lola Esme. Suwerte talaga siya sa buhay namin. Kaya lang, kakaiba siya.. Ayaw niya ng kinakaawaan. Ayaw niyang tumigil sa pagkakalkal ng basura. Patuloy pa rin siya paghahanap ng maibebentang basura. Ni ayaw niyang binibigyan siya ng pera. Gusto niya iyong pinaghihirapan niya. Ayaw niya ring sumilong sa bahay namin. Tutal, sabi ko, maluwang naman ang bahay namin. Ayaw niya talaga dahil sabi niya iyang kariton ang bahay at buhay niya. Sampung taon na siya sa amin. At ni minsan, di ko siya naringgan ng pagrereklamo."
             Umiyak ang ale.
             "Bakit po ate?" Nagtaka ako.
             "Patay na si Lola Esme.."
             "Ano po?!" Nagulat ako. "Patay?? Si Lola?"
             "Oo, patay na siya. Forty days niya kahapon."
             "Ha? Kahapon? Kaya pala nagparamdam siya sa akin. Oh, God!" Naiyak ako sa sobrang lungkot. Hindi ko akalaing iyon na pala ang aming huling pagkikita. Pinanghinaan ako ng katawan habang nilalapitan ko ang kariton na niluma na ng panahon.
              Hinawakan ko ang kariton at pumikit ako upang umusal ng dasal. "Lord, God, purihin anag pangalan mo. Salamat po dahil ipinakilala ko sa akin si Lola Esme. Alam ko, isa itong mensahe para sa akin. Salamat po! Salamat rin po dahil kapiling mo na ngayon si Lola. Bigyan mo po ako ng biyaya upang magawa ko ang simpleng hiling niya sa akin na iuwi ang bangkay niya sa Davao upang makasama ang kanyang kapatid. Maraming salamat po!" Muli kong dinilat ang aking mata. Nasa likod ko na ang ale.
              "Pagpalain ka, anak!" Tinapik-tapik pa niya ang likod ko.
              Tiningnan ko siya at tumango-tango ako. Saka hinarap ko uli ang kariton. "Babalik po ako, Lola Esme."
           
             
           
           

     
     
   

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento