Sabado, Disyembre 21, 2013

ang pulang kahon

Ang Pulang Kahon
Froilan F. Elizaga

          Nakakahiya ang ginawa ko. Mabuti na lang ay hindi ako ipinapulis ng may-ari ng grocery. Kinuha na lang ang rosaryong suot ko bilang kabayaran sa kinain kong apat na pirasong hopia. Sabagay, hindi naman mabigat na kaso ang ginawa ko. Gutom lang talaga ako kaya ko nagawa iyon. Mabait din ang may-ari dahil hindi na niya ako inusisa. Siguro ay nakita naman niya na hindi ako mukhang magnanakaw. Pero, nakakahiya pa rin dahil may bad record na ako. CCTV pa. Mabuti na lang ay hindi na niya tinanong ang propesyon ko. Baka masira pa ako sa paaralang tinuturuan ko.

          Naalala ko si Mama. Ayaw na ayaw niyang nangingialam ako ng bagay na hindi akin. Naalala ko rin si Lola Kalakal o Lola Esme. Hindi niya kailanman nagawang magnakaw kahit hirap na hirap na siya sa buhay. Bagkus, binuhay niya ang sarili sa pangangalkal ng mga basura. Pero, ako..hindi ko napigilang maging makati ang kamay dahil lang sa sobrang gutom na maaari naman sanang gawan ng paraan--paraang legal. Nagsisisi ako. Nahihiya ako sa sarili ko.

          Kinain ko na ang pride ko. Pumunta ako sa hospital na pinagtatrabahuan ng kasintahan kong nars. Kaya lang, pagdating ko doon, nalaman kong naka-schedule ang pag-uwi niya sa Bicol.

          "Naku, hindi ba sa'yo sinabi?" tanong ng matabang nurse. "Text mo siya. Sabi niya sa akin sa text, pinuntahan ka raw niya kagabi sa unit mo pero wala ka. Out of coverage ka rin daw. Galit ka daw ba sa kanya?"

          Hindi ko sinagot ang tanong niya. Hindi naman ako galit kay Lea May. Nagtatampo lang ako kasi inilihim niya sa akin na aalis siya ng bansa. Kung kelan siya aalis saka lang niya pinagtapat. Para ano? Iiwanan niya ako, gaya ng unang babaeng minahal ko? Naniniwala akong para lang sa kanya ang pangarap niyang trabaho abroad. Pasasaan ba't hindi naman ako ang makakasama niya sa buhay. Aasa lang ako sa wala. Lalo na't inilihim niya sa akin ang pag-apply niya. Papayag naman ako kung nagpaalam siya.

          "Mahabang istorya, Nurse Rosalyn. Pakisabi na lang na dumaan ako. Pakisabi din na mag-iingat siya lagi. Salamat." Sabi ko, habang nakakunot-noo ang kausap kong kaibigan ng girlfriend ko.

          "May problema kayo?" Nakamaang pa rin ang nurse.

          "Wala kaming problema. Pero ako, may problema sa..pera." Naalangan ako pero kinapalan ko na lang ang mukha ko. Kailangang-kailangan ko talaga ng pera. Hindi pa ako nananghalian. Sabado pa lang. Lunes ko pa maipapaayos ang bank account ko. Baka nga na-withdraw na iyon ng walanghiyang nilalang na kumuha ng wallet ko habang nasa bar at lasing ako. "Pwede ba kitang utangan kahit isanglibo? Nakakahiya man, pero sana mapautang mo ako."

          "Oh, sure, Sir! Basta ikaw." Tumalikod siya at kinuha ang pera sa bag. "O, heto.."

          "Salamat, ha?! Hayaan mo ibabalik ko kaagad kapag naayos ko na ang account ko.."

          "Walang problema, Sir.." Nginitian niya pa ako.

          "Thank you! Dito na ako. Bye!" Nag-bye din ang mabait na nurse.

           Laylay ang balikat kong tumalikod at tumungo sa elevator. Habang, hinihintay kong magbukas ito, naalala ko ang pagpapakita ni Lola Kalakal sa elevator kung saan ako nakaharap. Noon ko lang naunawaan ang ibig sabihin niyon. Masaya siya dahil iniwan ako ni Lea May. Hindi kami bagay. Masasaktan lang ako ng husto kapag nagkatuluyan kami.

          Habang nasa loob na ako ng elevator at habang bumababa ito, unti-unti kong natatanggap ang pag-alis ni Lea May. Kung hindi na kami magkita bago siya makaalis ng Pilipinas, ibig sabihin ay hindi kami para sa isa't isa. Papalayain ko na siya.

          Dahil may pera na ako, nakakain na ako ng husto. Hindi na rin ako naglakad. Ngunit, wala pa ring direksyon ang sarili ko. Ayaw ko pang umuwi sa blanko kong tahanan. Parang may nais akong puntahan.

         "Para po!" Bigla kong naalalang puntahan ang junk shop na tinuluyan ni Lola Esme ng mahabang taon. Gusto kong madalaw ang puntod niya. Hindi ko pa siya nadalaw simula ng maglapat ang mga paa niya.

          Sumakay ako pabalik. Tapos, sumakay uli ako ng dalawang beses hanggang marating ko ang junk shop. Nakangiti agad sa akin ang babaeng may-ari kahit nasa malayo ako. Ginawaran ko rin siya ng ngiti at kaway. At bago ako nakalapit sa kanya, tiningnan ko sa gilid ng pader ang kinaroonan ng kariton na tinutulugan dati ni Lola Esme. Nalungkot ako nang hindi ko iyon nakita.

          "Magandang hapon po!"

          "Magandang hapon din sa'yo. Mabuti nadalaw ka!" Sabay dukwang niya sa ilalim ng kanyang table.

          "May itatanong po sana ako sa inyo.."

          Iniabot sa akin ng may-ari ng junkshop ang isang pulang shoebox. "Sa palagay ko, ikaw ang tinutukoy ni Lola Esme na may ginintuang puso na dapat tumanggap nito. Ikaw nga ang matagal na niyang hinahanap.."

          Naguguluhan man ako pero tinanggap ko pa rin ang kahon ng sapatos. "Salamat po! Kung ako man po ang tinutukoy ni Lola Esme, nagpapasalamat po ako." Hindi ko muna iyon binuksan. Mas mahalaga sa akin na madalaw ko ang puntod niya. "Maaari ko bang malaman kung saan nakalibing si Lola?"

          "Sa Manila North Cemetery.. Esmeralda C. Cruz. Gusto mo pasamahan kita? Mahirap mahanap ang puntod niya."

          "Huwag na po! Salamat! Hahanapin ko na lang po. Tuloy na po ako. Salamat po dito." Nginitian ko siya.

           "Huwag kang magpasalamat sa akin. Si Lola Esme ang nagbigay niyan sa'yo. God bless you! Ingat ka." Kumaway pa ang mabait na negosyante. No wonder, medyo umunlad ang kanyang negosyo. Nag-expand ang lugar. Siguro ito ang dahilan kaya tinanggal na niya ang kariton ni Lola Esme sa tabi ng pader. Okey lang. Mahalaga, naging bahagi rin ng buhay niya at ng pamilya niya ang mahiwagang lola. Masasabi kong may hatid siyang suwerte.

          Sinilip ko ang laman ng box pero tinakpan ko agad. Mga papel ang nasa ibabaw. Wala akong ideya kung anu-ano ang mga iyon. Bakit niya ipinabibigay sa akin? Nahihiwagaan din ako kung bakit ako daw ang karapat-dapat na tumanggap ng pulang kahon ng sapatos na tiyak akong nakuha lamang niya sa basurahan. Gayunpaman, pasalamat ako sa regalong niya kung regalo mang matatawag iyon. Naisip ko na katulad iyon ng pulang rosaryo na ibinigay niya sa una naming pagkikita, na siya namang nagligtas sa akin sa kahihiyan.

          Agad akong tumungo sa libingan ni Lola Esme. Hindi ako nahirapang mahanap ang puntod niya. Para niya akong ginabayan. Mahiwaga. Sa isang iglap, nasa harapan ko na ang nitso niya. Isang puting-puting nitso. Esmeralda C. Cruz Born: December 20, 1934 Died: September, 2012 We'll never forget you. RIP. Iyan ang naukit sa marmol. Birthday niya sana ngayon. Seventy-nine years old na pala siya.

          "Happy Birthday po Lola Esme. Alam ko masaya ka na ngayon sa kaharian ng Diyos. Hayaan niyo po, hindi po kita bibiguin sa pangako ko sa inyo. Salamat po dito sa pulang kahon." Biglang nalaglag ang shoebox mula sa pagkakahawak ko. Nais ko lang sanang ipakita sa kanya na naiabot na sa akin ng may-ari ng junkshop. Nagkandalaglag tuloy ang mga laman.

          Isang sobreng may laman ang nakapukaw sa mata ko. Dinampot ko ito. To: Maria Ruby C. Cruz. Ito ang nakasulat. Walang address. Pero, alam ko, sulat niya ito para sa kanyang kapatid. Paano ko iyon matutunton kung walang address? Naisip ko. Naghalungkat pa ako ng ibang sobre ngunit wala akong nakita. Nalungkot ako. Regalo ba ito o parusa? Naisaloob ko. Davao lang ang alam ko. Napakalaki ng Davao. Gusto kong umurong sa aking pangako. Parang hindi ko iyon matutupad gayong pangalan lamang ng kapatid niya ang nakasulat sa lumang sobre. Wala din namang sulat mula sa kanyang kapatid. Malaman ko sana ang lugar na aking tututunguhin.

          Biglang humangin ng malakas. Naglaglagan ang mga tuyong dahon mula sa mga puno doon. At parang binalot ako ng malamig na hangin. Nagliparan din ang mga alikabok. Napuwing ako kaya kinusot-kusot ko agad hanggang sa mawala. Pagdilat ko, nakakita ako ng matandang babae na nakatayo sa ilalim ng malaking puno. Nakabelong puti ito. Nang tinitigan ko, bigla na lang siyang tumalikod at nawala sa kumpol ng mga nitso.

           Umuwi na ako, bitbit ang pulang kahon ng sapatos.



         

         

 
 
             

           

           

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento