Huwebes, Enero 2, 2014

Disyembre 22-31, 20013

Disyembre 22, 2013

     Umalis si Eking bandang alas-8:30 ng umaga papunta kay Kuya Jape. Dumating kasi sina Aileen. Hiniram din ang rice cooker. Masakit ang ulo ko at magbabanlaw ako ng mga damit, kaya di ako nakasama. Isa pa, mamamasyal din kami sa MOA kasama sina Jano. Niyaya ko naman sila pero di daw sila makakasama.
      Pasado ala-una na sila nakarating. Nalungkot ako kasi akala ko kasama nila si Hanna at Zildjian. Hindi pala napuntahan ni Flor Rhina. Gayunpaman, pinilit kong maging maligaya para kay Zillion at para sa kanilang lahat. Hindi man ako gaanong nag-enjoy, nakita ko naman na silang lahat ay masaya, lalo na ang anak ko. Masaya na rin ako dahil kahit paano ay naging memorable kay Ion ang araw na ito.
      Mabuti na lang at sa December 26 pa kukunin ni Emily si Ion. Makakasama pa namin siya. Sana lang magsama-sama ang tatlo kong anak bukas. Pupuntahan ulit namin sina Hanna at Zj sa bahay nila bukas. Sayang tulog na yata sila kaninang pagdaan namin, di tuloy namin sila nasabihan na papasyal kami bukas kasama sila.


Disyembre 23, 2013

      Ayaw sumama ni Mama sa pagpunta kay Hanna at Zildjian, dahil nahihilo siya sa pagkauntog ng ulo jiya sa CR nina Gina kagabi. Akala niya pa na iiwan ko si Zillion sa kanya. Hindi niya alam na isasama ko sa Paco. Alam ko naman kasi na hindi naman ipapasama sa akin ang magkapatid.
      Masaya akong makita sina Hanna at Zildjian. Malungkot lang dahil ganoon pa rin kailap si ZJ. Si Hanna lang ang agad na lumapit nang makita kami ni Ion. Gayunpaman, maligaya na ako na masaya silang nakita ako. Mas masaya ako nang sumama sila hanggang bayan. Kasama nga lang si Nanay. Niyaya ko na lang para sumama si Zildjian.
      Hindi ko naman nabilhin ng kahit anong pamasko ang dalawa. Hindi kasi maganda ang mga tinda sa Victory Mall. Kaya naisip ko na bigyan na lang ng perang pambili. Ok naman ang ideya ko kay Nanay.
       Binilhan ko ang magkapatid ng spaghetti at burger sa Jollibee, meron din ang mga kasama nila sa bahay.Di na kami nag-dine in kasi mako-conscious lang si Zildjian, saka di ki rin masasabi kina Hanna ang mga gusto kong sabihin dahil andoon ang lola.
       Binigyan ko ng tig-500 pesos ang mga anak ko. Nagbigay din ako ng pamasko sa lola nila. Tuwang-tuwa siya sa ginawa ko. Kaya naman, pumayag na siya na hihiramin ko ang dalawa pagkatapos ng Pasko.
       Hindi ako nagtext kay Aileen na nasa Paco na kami. Gusto kong magpahinga. Ayoko muna mamasyal na kasama sila. Naiinis pa rin ako sa aking tamad na alaga.
        Mabuti nga at duamating si Aileen. Libre ako sa pag-aalaga. Maasikaso ko naman ang mga anak at pamilya ko. Pasko naman. Bahala na muna siya kay Eking.


Disyembre 24, 2013

         Gusto ko sanang dumaan kina Aileen kaya lang baka magyaya sila ng pasyal. Gusto kong makauwi ng Antipolo bago dumilim kasi mahirap na sumakay pag gabi na. Kaya, namasyal kami ni Ion ng kami lang dalawa. Sa Luneta kami gumala. Masaya naman ako at si Ion. Masaya akong makasama ang anak ko at makita siyang masaya sa nakikita niyang kapaligiran. Siyempre, hindi nawala ang pictures, na magdodokumento ng moment niya.
         Nakauwi kami ng Bautista ng bandang ala-una y medya. Hindi ako nagtext kina Aileen na umuwi kami ng Paco pero nag-upload ako ng pictures ni Zillion. Bahala silang mag-isip ng kung anong gusto nilang isipin.Basta ako, sinulit ko lang ang mga sandali na kasama ang anak ko. Inuna ko lang ang pamilya ko. Kung may time pa ako, sila naman. Naka-schedule nga ang pagpunta ko kay Epr sa December 28. Nakapangako na ako.


Disyembre 25, 2013

         Hindi naman kami sumalubong sa Kapaskuhan. Natulog lang kami ng maaga kagabi. Masaya naman ako dahil kasama ko si Zillion.
         Pasado alas-otso pumunta kami ni Ion sa bahay nina Jano. Malas, tulog pa sila. Katok ako ng katok pero walang nagising. Kaya umuwi na lang kami. Nilakad lang namin pauwi kahit sobrang init na. Kulang na kasi ang barya ko. Sandaan naman ang pinakamaliit na paper bill. Tapos, punuan pa ang jeep.
         Ang hirap dito sa bahay ni Mama. Walang CR. Di tuloy ako makapoopoo. Di rin makapaligo. Nanlalagkit na ako. Di bale, kaunting tiis na lang. Babalik na ako sa Paco.
         Nagtext si Epr. May plan B siyang sinabi. Pagpunta ko raw sa kanila, sasama na siya pabalik sa bahay. Titira na siya sa akin. Imbes na 28 ako pupunta sa kanila, sinabi ko na lang na December 30, baka kasi may biglaan lakad pa ako with may children o my relatives. Pumayag naman siya.
         Mahihirapan lang ako nito magsabi kay Ate Ningning at Eking kung bakit ako magpapatira ng iba. Naisip kong ipakilala si Epr bilang pinsan ko para wala silang masabi. Mas gusto ko namang kasama si Epr kesa sa tamad na si Eking. Isa pa, two weeks naman siyang nasa field. Bihira lang siyang nasa bahay.
         Gayunpaman, umaasa aking magiging magaan at masaya ang samahan namin ni Epr. Nais ko rin makatulong sa kanya, matagal na. Ito na marahil ang katuparan.


Disyembre 26, 2013

         Hinihintay ko na i-text ako ni Emily, kasi usapan namin na kukunin niya na si Zillion. Pero, di siya nagparamdam. Hindi rin tuloy ako kumilos. Dapat sana, pagkahatid ko kay Ion, kukunin ko naman sina Hanna at Zildjian. Umalis pa naman si Mama kaya hindi ko rin maiwanan si Ion.
         Okay lang na hindi muna kunin si Ion. Ayaw pa naman ni Mama ibalik. Isa pa, ayaw din ni Ion na bumalik sa Caloocan. Kapag sinasabi ko kasing kukunin na siya ng Mama niya, sumasagot siya ng "Ayaw ko na doon". Kahit di naman niya masabi ang dahilan ay alam ko kung bakit gusto niya dito sa Antipolo.


Disyembre 27, 2013

         Pasado alas-nuwebe ng umaga, umalis ako upang sunduin sina Hanna at Zildjian. Hinihintay na pala ako nila nung isang araw pa. Kaya agad nilang pinaliguan ang dalawang bata.
         Nakakakuwentuhan ko si Nanay, ang dating kong biyenan. Parang walang nangyaring di maganda sa amin ng anak niya. Iyon ay dahil sa iginalang ko sila sa kabila ng lahat ng masakit nilang sinabi at ginawa sa akin. May mukha pa rin akong inihaharap.
         Nakasama si Zildjian. Akala ko ay hindi sasama sa akin. Nauto. Gusto kasing magpabili ng tablet kaya sumama siya. Mas pinili pa nga niya ang tablet kesa sa magkaroon ng 7th birthday party sa March 3. Napasubo yata ako pero ayos lang. Kaya naman, kahit ang mumurahin lang.
          Masaya ako dahil nabuo ko na ang tatlo kong mga anak. Ngayon lang din nagkalaro sina Zillion at Zildjian. Napansin kong magkasundo naman sila. Magkapatid talaga.


Disyembre 28, 2013

          Pinilit kong maging mabuting ama sa tatlo kong anak. Bihira kong matipon ang mga anak ko. Mula pagtulog nila kagabi hanggang paggising nila kanina ay asikasong-asikaso ko sila. Pinaliguan ko ng sabay-sabay. Tapos, binantayan habang naglalaro. Kaya lang, sinumpong na naman ng katalinuhan si Zildjian. Tumae siya sa brief niya. Sinabj ko na sa kanya kahapon pa na magsasabi kapag natatae. Pero nagsabi siya ay may tae na ang salawal niya. Okay lang. Pinagbigyan ko. Kaya lang, inulit niya. Nainis ako ng sobra dahil nakikisabay pa sa sakit ng ngipin ni Zillion. Iyak ng iyak ang kapatid niya at nagawa pang tumae sa brief. Naabala pa ako ng husto. Parang wala pang isip para di makapagsabi na natatae na siya. Ang malala, inuulit uli sa ikatlong beses. Ang pinakamalala ay ang magsinungaling pa. Hindi pa inamin na siya ang naamoy namin. Gabi na ng nagpahugas siya sa ate niya, Hindi ko na inasikaso sa sobrang yamot ko. Nawalan na naman ako ng amor sa kanya gaya ng ginawa niya noong last birthday niya. Gusto ko na ngang ibalik sa ina niya. Kung di lang inatake ng sakit ng ngipin si Zillion ay inihatid ko na.Panira ng araw. Nasobrahan sa hiya. Pero, matigas ang mukha at ulo. Naisip ko tuloy kasalanan ko ba? O kasalanan ng mga nakakasama?


Disyembre 29, 2013

          Nawala talaga ang amor ko sa sariling anak ko. Hindi ko alam kung anong problema ko sa kanya. Ako ang tatay, pero hindi ko kayang unawain ang ugali niya. Siguro ay hindi naman talaga ako nauuyam sa anak ko kundi sa mga kasama niya sa bahay dahil hinayaan siyang ganun.
          Tinext ko si Flor Rhina na itext si Mary Jane. Nagpapasundo na kasi si Zildjian. Nakarating naman agad. Akala namin ni Mama ay si Zj lang ang gustong umuwi, pati pala si Hanna. Iniyakan pa ang Mama niya para makasama. Nainis kami ni Mama kaya di na namin pinilit na magpaiwan. Naisip namin na gusto lang pala makuha ang mga damit at gamit niya dito.
          Mabuti naman at ganun ang nangyari. Makakatipid ako sa budget. Hindi rin kami mahihirapan masyado. Okay lang na si Ion lang ang nasa amin. Kung ayaw nila sa amin, problema nila iyon.
          Napag-usapan namin nina Mama, Tiya Letty at Gie ang mga anak kong kusang lumalayo sa amin. Sa sobrang disappointment namin ay pati pisikal na kalagayan namin ay napansin namin. Kakaawa lamang sila. Kasi ngayon pa lang na nasa Antipolo sila ay hindi na maganda ang kutis at katawan nila, lalo pa siguro kung nasa Bulan na sila. Baka lalo silang pumayat, umitim at ma-stress. Balita pa namang ang stepfather nila ay nanakit na lasenggo. Tsk tsk.. Ngayong palang ay nangangamba na ako.
          Huwag nila akong sisihin kapag may masamang nangyari kina Hanna. Ginusto namin lalo ako na mapabuti ang mga bata, pero sila mismo ang ayaw niyon. Mas pinili pa nila ang mali at mahirap na set-up.
          Hindi talaga ako nalulungkot na umuwi na ang dalawa. Grabe! Parang di sila nakaka-miss. Iba talaga pag malayo na ang loob. Dati ayaw kong mapalayo sa akin si Hanna. Okay lang noon sa akin na wala si Zildjian sa piling ko. Pero ngayon, pareho ko na silang kayang tikisin. Kabaligtaran sila ni Ion. Si Ion ay lovely at amorous, madaldal, funny, talented, bibo magandang lalaki at sociable. Sabi nga ni Mama, mami-miss niya ng husto kapag umalis na.
          Wala naman sana akong paboritong anak. Lahat ko silang gusto dahil dugo ko sila, kaya lang sila mismo ang ayaw sa akin st kusang inilalayo ang loob. Ang mga kasama naman sa bahay ay wala rin sa tamang pag-iisip. Maano man bang dalhin nila regularly kay Mama nandito man ako o wala para sa masanay at hindi malayo ang loob. E hindi eh. Kung kelan lang susunduin saka lamang nila ibibigay. Minsan pa nga hinihiram na, ayaw pa rin. Kaya, magsisisi sila sa bandang huli.
          Panindigan ni Mary Jane na yan ang obligasyon niya bilang ina. Kung ayaw niyang lumapit sa akin, di ako ang lalapit sa kanila. Tama na ng mga kalokohan nila. Ang pilosopiya ko ay "Kung sino ang lumapit, siya ang magkakamit."
         Bukas, aalis ako. Bibisitahin ko ang bahay ko baka nababboy na ng alaga kong batugan. Alam ko rin na tambak na ang labahan doon. Kaya maglalaba ako. Dapat pupunta ako sa Laguna, kina Epr. Iyon kasi ang usapan namin. Pero, kailangan kong magtipid. Andami kong gastos nitong mga nakalipas na araw. Hindi na nga ako magbabalot pa ng mga regalo.
         Patawarin sana ako ng Diyos sa mga nangyari at mga sinabi ko.


Disyembre 30, 2013
         
         Alas-nuwebe, umalis ako ng Bautista. Hindi na ako namalayan ni Zillion dahil isinama siya ni Mama sa pagwalis sa garden. Alas-dose pasado na ako nakarating ng Paco. Pagkakain ko, sinimulan ko kaagad ang paglilinis. Iniba komuli ang ayos ng mga gamit para di kami masikip. Magiging tatlo na kami sa kuwarto dahil makikitira na si Epr sa amin ni Eking. Naging maaliwalas at maluwag naman ang ayos ko.
         Matagal na naming plano ni Epr na magsama sa boarding house. Kung nga lang dumating si Eking ay baka matagal ko na kasama ang bestfriend ko. Kaya, huwag na huwag silang magagalit kapag tumanggap ako ng boarder. Kung hindi mapipilitan akong humiwalay kami at ibalik ko sa kanila ang batugan nilang si Eking. Hirap na hirap na nga ako sa kabibiyahe, pati ba naman sa mga gawaing bahay ay di ako matulungan. Hay, ang hirap magpalaki ng "buntol".


Disyembre 31, 2013

          Napuyat ako kagabi sa kakaisip sa mga karanasan ko sa buong taon ng 2013. Maganda man at pangit na pangyayari ay sumagi sa isipan ko. Nagplano rin ako ng kaunti para sa darating na mga araw sa taong 2014.
          Alas-dose y medya nasa bahay na si Epr. Dala na niya ang kanyang mga gamit at damit. Mabuti wala pa si Eking kaya di pa niya malalaman na lilipat na siya sa amin. Saka na lamang niya malalaman kapag dumating na si Epr mula sa trabaho sa Enero 14, 2014.
          Habang nasa biyahe si Epr papunta sa amin, katext ko si Shobee. Hindi daw kasi nagsabi ng plano niya sa kanya. Bilang pinakaclose na kapatid ay nasaktan siya. Iyak siya ng iyak nang tumawag. Nagpaalam na lang daw si Epr nang aalis na siya. Nilinaw ko naman sa kanya nanhindi ko kagustuhan ang bagay na iyon. Sabi ko nga, sinakripisyo ko rin ang okasyon para sa kapatid niya. Hindi naman daw siya galit sa akin. Alagaan ko na lang daw si Epr dahil hindi na sila magkikita sa ilang taon. Sa Enero 9 kasi ay lilipad na siya sa Korea para magtrabaho. Nangako naman ako na gagampanan ko ang tungkulin niya bilang kapatid. Nagpasalamat siya sa bandang huli ng aming usapan.
         Sinabi ko kay Epr na umiyak si Bee pero hindi na iyon nadugtungan. Umiwas yata siyang pag-usapan. Okay lang. Ang mahalaga ay di naman sila nag-away, kundi nag-unawaan.
         Bago mag-6 ng hapon ay nasa MOA na kami para sa Countdown To 2014 ng GMA 7. Andami ng tao. Ang haba na ng pila para sa mga papasok sa venue area. Di pa naman nagtatagal kaming nakapila ay nakapasok na kami. Napakalapit namin sa stage. Pero, natagalan ang pagsimula. Halos dalawang oras kaming nakatayo sa siksikan ng mga tao. Dahil puyat ako ilang gabi na, nagugutom na rin at masakit ang ulo at lalo pang nahilo sa samu't saring amoy ng mga manunuod, ay sumuka ako. Nakalabas tuloy kami ni Epr ng di oras. Di na kami nakabalik sa venue. Sayang ang mga performances na di namin napanood. Pero okay lang dahil nakakain kami ng hapunan. Nakagala-gala din kami. Umiinom na lang kami ng konting Tanduay-stawberry punch habang nagkukuwentuhan. Sayang dahil wala kaming camera na may flash, kaya di kami makapagpicture. Gayunpaman, masaya ako dahil sa wakas natuloy kami sa countdown. Ang saya palang manuod ng fireworks pagkatapos pumatak ang alas-dose. All in all, sulit naman ang gastos, pagod at oras na ginugol namin para doon.
          Ala-una, nakasakay na kami ng bus patungong Cubao. First time kong maranasan ang New Year's Eve na nasa kalsada pa ako ng Kamaynilaan. Nakakatakot pero malakas ang loob ko at nakahanda ako sa anumang mangyayari.
          Alas-dos ay nasa Cogeo kami. Naghintay kami ng matagal dahil wala pang dyip nanpatungong Paenaan. Alas-3 na kami nakauwi at nakahiga. Mabuti gising pa si Taiwan. Nagising din naman si Mama pagkabukas sa amin. Hindi naman siya nagalit. Nagpasabi naman kasi ako kay Jano.
          Natulog na agad kami ng di kumain. Sobrnag pagod at puyat na kasi.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento