Martes, Nobyembre 26, 2013

Nobyembre 27, 2013

   Habang naliligo ako, naalala ko si Zillion. Naawa ako sa kanya noong huli kaming nakita dahil payat siya. Hindi ganoon ang katawan niya noong magkakasama pa kami. Naisip ko na baka hindi na siya nakakakin ng husto, tulad dati na sawa-saw siya sa pagkain. Kapag gusto niyang kumain, magbubukas lang siya ng ref at mamimili doon ng gusto niyang kainin.
    Hindi naman ako mag-iisip ng ganito kung hindi nag-text si Emily na nanghihiram siya ng pera para makapag-register siya sa Licensure Examination for Teachers. Sabi niya, hindi daw kasi kaya ng sahod niya. Meaning, pati ang pagkain nila ay kinakapos din. Napansin ko naman sa mga katawan nila ni Ion. Nakakaawa.
    Gayunpaman, binigo ko si Emily sa kanyang munting hiling. Kayang-kaya ko siyang tulungan. In fact, naisip ko na regaluhan ko siya ng pera para nga sa registration fee ng LET. Malaking kaalwahan naman kasi kapag nakapasa siya at nakapasok sa public school. Bukod sa malaki na ang sasahurin niya, ay hindi na niya ako masyadong aasahan financially.
    Binigo ko siya, hindi dahil gusto kong gumanti sa ginawa niya sa akin o gusto kong pahirapan din siya, kundi para turuan siya na tumayo sa sariling paa, dahil iyon ang dapat, iyon ang sinabi niya nang kinuha niya si Zillion.
    Nakakalungkot lang dahil nararamdaman ko ang paghihirap nila at epekto nito kay Ion. Ayaw niya naman kasing ibigay sa akin ang bata. Kaya, hangga't di siya sumusuko, hindi rin ako magpapalit ng prinsipyo.
   

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento