Hindi ko nakayanan ang katotohanang patay na si Lola Kalakal. Bumigay ako. Umiiyak ako habang nilalakad ko ang kahabaan ng Pedro Gil. Hindi ko akalaing ang una naming pagkikita ay siya na rin palang huli. Kung alam ko lang na hindi na kami magkikita, kinupkop ko na siya.
Namalayan ko na lang nasa condo ko na ako. Nakakalungkot. Noon ko lang nadama na mag-isa pala ako sa tirahan ko. Ilang taon na akong naninirahan dito pero noon ko lang naramdaman na kailangan ko pala ng kasama. Ayaw ko kasing matulad kay Lola Esme na binawian ng buhay na wala man lamang nakaalam. Lumipas muna ang maghapon saka lamang siyang nakitang patay. At lalong ayoko na mailibing ako lahat-lahat ay hindi man lang ako nasilip ng pamilya ko.
Gayunpaman, hindi naman ako naghangad na magkaganito ang buhay ko. Hindi ko naman ninais na hiwalayan ako ng asawa ko dahil lamang sa nakulangan siya ng oras at atensyon ko. Hindi ko naman kasalanan na gampanan lamang ang trabaho ko bilang guro at gawin ang mga responsibilidad sa mga mag-aaral.
Dahil mahal ko ang aking propesyon at dedikado ako sa pagpapataas sa kalidad ng edukasyon, napabayaan ko ang aking asawa. Nagising na lang ako isang araw, wala na siya sa aking tabi. Kung saan siya nagpunta ay hindi ko alam. Hindi ko siya hinanap. Iyon kasi ang sabi niya sa sulat na iniwan niya.
Imbes na magmukmok at parusahan ang sarili, isinubsob ko lalo ang aking sarili sa trabaho. Pinag-ibayo ko ang aking karera. Kinuha naman ng aking ina ang kaisa-isa naming anak. Nanirahan sila sa probinsiya kung saan ako lumaki at nagkaisip.
Iniwasan ko ang pag-iisip sa aking asawa, anak at ina. Ayokong talunin ako ng lungkot. Kaya, plinano ko ang pagdadala ko ng labi ni Lola Esme sa Davao. Gusto kong tuparin iyon. Ayoko siyang biguin.
Naisip ko na hindi ko naman kaagad maidadala si Lola Esme sa Davao pero sisikapin kong magawa ito kapag pwede ko nang ipahukay siya.
Sa sobrang pagod ng katawan at isip ko, nakatulog ako. Hindi na nga ako nakapananghalian.
"Gising na, apo! Mananghalian na tayo." Niyugyog pa ako ni Lola. Umungot lang ako. "Sige ka, mamumulot uli ako ng basura. Gusto mo ba 'yon?"
Gumising ako. Ayokong bumalik siya sa pagkakalkal ng basura. Ayaw kong bumalik siya sa pagkakalkal ng basura. "Ayoko po siyempre. Sige po, kakain na po." Bumangon ako at tumuloy sa dining table. Napa-wow pa ako nang makita ko ang masasarap na lutuin ni Lola. Ang ganda pa ng table setting niya."Sabay na po tayo, Lola."
Nginitian ako ni Lola at umupo a rin siya. Ako naman, agad akong nagsandok ng kanin at kumuha ng mga ulam. Tapos, nagsimula na akong ngumuya. Napansin ko na lang si Lola na nakatingin sa akin. Nakakunot ang noo.
"Bakit po?"
"Nalimutan mong magpasalamat sa Panginoon.." Saka siya sumandok ng kanin.
"Sorry po.." Tapos, nag-usal ako ng dasal.
Napahiya ako. Di na tuloy kami nag-imikan ni Lola hanggang matapos siya at hanggang sa naghuhugas na ako ng aming pinagkainan.
Pagkatapos kong maghugas, saka ko lamang napansin ang buong kabahayan namin. Napakaayos na nito. Hindimna magulo. Inayos ni Lola. Itinago ang mga kalat ko. Ang kinis na rin ng sahig. Tapos, nakaayos na ang mga kasangkapan. Ang galing pala ni Lola Esme sa interior decoration. Naglagay pa siya ng mga kurtina.
Pupurihin ko sana siya, kaya lang naunahan niya akong magsalita. "Nagulat ka ba, Apo? Pasensiya na, inayos ko ang bahay mo.."
"Opo! Ang ganda! Mas gusto ko nga po ang ganitong ayos. Salamat po!" Inunahan ko naman siya. Ayokong punahin na naman niya ako at sabihang hindi nagpasalamat. "Dapat po di kayo nagpakapagod."
"Hindi naman. Kaya ko naman. Sanay ako sa trabaho, apo. Alam mo." Tumawa pa siya ng kay lutong.
"Masalimuot ang buhay, apo.. Kailangan mong paghandaan ang buhay at bukas.Hindi ka makakatakas sa pagsubok ng Diyos. Ngayon, mayroon ka.. Bukas...maaaring mawala lahat sa'yo ang mga iyan..sa isang iglap." Pagkatapos ng mahabang katahimikan, sa wakas nagsalita na si Lola Esme. Pero, may tinig namang pananakot. Hindi ko maintindihan. Paano napunta ang usapan sa bagay na iyon?
Isang malalakas na sigawan ang narinig ko, kasabay ng malakas na alarma. May sunog, nasambit ko agad. "Lola Esme!?" Hinanap ko si Lola sa banyo, wala siya. "Lola! Nasaan ka?" Naalarma na rin ako. Kailangan naming makalabas agad.
Nagising ako sa malakas na alarma ng building. May sunog. Lumabas agad ako upang alamin kung saan banda ang sunog. Oh no! Nasa kabilang kuwarto. Dalawang kuwarto lang ang pagitan sa kuwarto ko. Hindi ko alam ang gagawin ko. Para kong naging yelo. Nakita ko na lang ang sarili ko sa ibaba. Ang bag ko lang na ginagamit ko sa pagpasok ang nadala ko. Nasunog ang kuwarto ko bago nadeklarang fire out.
Hinang-hina ako. Gusto kong umiyak sa panghihinayang. Andami kong naipundar, ngunit nasunog lang...sa isang iglap.
Naalala ko si Lola Esme. At narinig kong muli ang mga pangungusap niya. "Masalimuot ang buhay, apo.. Kailangan mong paghandaan ang buhay at bukas.Hindi ka makakatakas sa pagsubok ng Diyos. Ngayon, mayroon ka.. Bukas...maaaring mawala lahat sa'yo ang mga iyan..sa isang iglap." Tama ka, Lola. Tama ka... Tuluyan nang umagos ang luha ko.
"Diyos ko, bakit ako?"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento