Miyerkules, Oktubre 30, 2013

Oktubre 4, 2013 / 8:50 NG / Biyernes

Bago mag-alas-nuwebe ng umaga, nasa supervisor's mihi-conference room na ako. Ako ang pinakaunang dumating. Hindi naman ako naintimidate sa presensiya ng ibang supervisor, gaya ni Mam Misalucha dahil punctual ako at nakapostura. Nakablack nanlong sleeves ako dahil pagkatapos ng School Paper Advisers(SPA) Meeting ay dadaan ako sa Pasay City Hall para sa Silent Protest ng mga teachers upang ibalik ang P3,500 na cost of living allowance namin.
     Pasado nine na ng nasimulan ang pulong. Kokonti lang kami. Walang taga-East District. Nahiya siguro sa ginawa nila sa West District o sa Division of Pasay.
     Napag-usapan lang namin ang dates ng regional contests para sa journalism at broadcasting. Tapos, umalis na ako. Diretso sa city hall. Pagdating ko naman doon, nakita agad ako nina Mareng Joyce, Mam Solayao, Mam Ipanag, Mam Edith at Sir Macahig. Pagkapirma ko sa attendance sheet, naphoto shoot ako. Magandang scoop ito. First time komring sumali sa isang protesta. Enjoy na enjoy ako sa pagkuha ng mga litrato ng mga guro at kanilang mga plakard.
     Dumating si Mayor Calixto, ilang sandali ang lumipas. Nagyell kami ng "COLA NG GURO, IBIGAY NG BUO!" Feel na feel ko ang pagiging rebelde. Lalo na nang, nakiharap siya sa amin.
     Noon ko nakita ang tunay na mayor. Bastos pala siya. Sabi niya sa isang lider namin, "Sino ka? U malis ka dito!" Tapos, nilapitan na iyong lider namin ng mga kuyog ni mayor. Grabe!
     Grabe din siya magsalita. Hindi daw niya obligasyon na ibigay ang hinihingi namin dahil national employees daw kaki at P1,200 lang daw talaga ang mandated ng COA. Hay! Ayaw niya talagang magbigay.
     Umalis na ako agad dahil off-session iyon. Di ako pwede magtagal.
     Pagdating ko sa school, may mgangifts sa akin ang mga pupils ko. Na-touch naman ako. Nagbigay din si Sir Socao. At, bilang ganti, nagbigay din kami ng tig-iisandaan. Quits lang.
     Pinasaya din kami ng GPTA Officers. Pinayakap at pinabati sa amin ang mga bata. May music pa sanang ipapadinig kaso nagkatechnical problem yata. Okey lang.
     Tapos, nagsalu-salo kaming Grade 5 teachers sa pagkaing bigay ng GPTA. Sarap! Hinaranahan pa kami ng ilang pupils namin na marunong kumanta. Para kaming nasa Barrio Fiesta.
      Ang saya ng World Teachers' Day Celebretion namin. Simple but memorable.
      Dahil, araw ng mga guro, umuwi ako ng maaga. Di muna kami ng MTAP review. Mabuti at di ako natraffic.
      Thankful ako sa Diyos sa mga biyayang ito..

Si Sir Gallego

Si Sir Gallego
Makata O.      

       Absent si Sir noong Biyernes. Hindi ko naman tinanong sa iba kong guro kung bakit siya wala. Inisip ko na lang na may nilakad siyang papeles. Balita ko kasi na malapit na siyang magretiro.
       Gayunpaman, pumasok pa rin ako. Ang mga kaklase kong pasaway at walang pagpapahalaga sa edukasyon ay umuwi. Hindi nila inisip na kahit wala ang gurong tagapayo namin ay matututo pa rin kami at mag-uuwi ng kaalaman dahil may mga guro namang pumasok at magtuturo.
        Naunawaaan ko naman ang mga kaklase kong umuwi. Si Sir lang kasi ang inaabangan namin araw-araw. Parang tatay namin kasi siya. Nagpapatawa siya minsan kapag siya ay nasa magandang mood. Madalas, sinisermunan kami dahil hindi kami nag-aaral ng mabuti. Ayaw niya ng hindi kami nakikinig. Ayaw niya na hindi kami gumagawa. Nagagalit siya kapag wala kaming alam sa araling tinatalakay niya. Gustong-gusto niyang kami ay nagse-self study. Madalas niyang sabihin sa amin, "Pumasok kayo ng may alam at umuwi ng mas marami pa."
       Gustong-gusto namin si Sir kahit madalas niya kaming pagalitan. Kasalanan naman kasi namin lagi. Pinapahirapan namin siya. Maiingay kami at madadaldal. Makalat kami at mga tamad maglinis.
       Minsan, absent din si Sir, gusto ko na sanang umuwi dahil wala naman siya. Hindi naman ako magiging masaya kapag wala ang paborito kong guro. Pero, dahil pinapagalitan ako ng lola ko kapag umuuwi ako, hindi ko na lang itinuloy. Pinagtiyagaan ko na lang ang tila napakatagal na oras. Naramdaman ko na lang na uwian na.
       Dahil wala si Sir last Friday. Malungkot ang karamihan sa amin. Na-miss namin ang maamo niyang mukha at kanyang mga pagalit. Wala kaming narinig na, "Nagpakabobo na naman si...." tuwing may nagkakalat. Wala ding nagdilig ng kanyang mga halaman. Wala ring napuri at napagalitan sa araw na iyon. Boring talaga.
       Ngayon, wala na naman si Sir. Gusto ko sanang itanong kay Mam kaya lang nahihiya ako. Hihintayin ko na lang na sabihin niya ang dahilan ng pagliban sa klase ni Sir.
       Naramdaman ko ang tila paglamlam ng mga mukha ng mga kaklase ko. Hindi nila alam na mas dumurugo ang puso ko ngayon dahil wala ang guro ko na itinuturing kong ama.
       Maghihintay ako ng ilang minuto. Mag-iipon lang ako ng lakas ng loob para magtanong kina Mam.
       Antagal. Wala...
       Nagsimula ng magturo si Mam. Ayokong abalahin. Siguro mamaya, kapag may seatwork na kami at natapos ko agad.
Magagalit kasi siya, kapag nag-usisa ako. Tiyak ako.
       Gumagawa na ako ngayon ng gawaing pang-upuan. Parang walang pumapasok na ideya sa isip ko. Blangko pa rin ang papel ko, maliban sa pangalan ko. Kakaiba ngayon ang nararamdaman ko. Parang may hindi magandang pangyayaring nagaganap.
        May tumawag kay Mam. Lumabas siya. Mabuti naman kasi wala akong maisulat sa papel ko. Baka makita pa niya kapag naglibot. Mapapagalitan pa ako.
        Naaalala ko na naman si Sir na mapagbiro sa kanyang mga kaguro. Madalas ko siyang nakikitang nakikipagtawanan sa mga guro namin tuwing kami ay may ginagawa o tuwing tapos na niyang talakayin ang aming aralin. Masayahin si Sir. Hindi mo siya kakakitaan ng mabigat na problema. Ang husay niyang magdala ng buhay, sa tingin ko. Hindi ko nga siya naringgan ng pagrereklamo sa nararanasan niyang hirap sa pagharap sa hamon ng buhay. Mas nagrereklamo pa nga siya tuwing mabababa ang nakukuha naming marka sa mga pagsusulit.
        Magpapaalam ako kay Mam na lalabas ako..
        Teka, di ako makalapit. Kausap niya ang iba pa naming guro. Ano daw?! Tama kaya ang narinig ko? Si Sir, nasa hospital daw. Kaya, pupunta ang mga teachers namin mamaya sa hospital..
        Bigla akong nanlamig. Bakit ba ako apektado ng ganito?
         Ayan na si Mam.
        "Class, maaga namin kayong pauuwiin, dahil dadalaw kami kay Sir Gallego. Naka-confine siya." Kinumpirma ito ni Mam. Naengkanto yata kaming lahat. Di kami makapagsalita. "Tapusin ninyo ang gawain ninyo. Walang lalabas at mag-iingay. May kokontakin lang ako."
         Grabe ang kabog ng dibdib ko ngayon. Nalulungkot ako. Alam ko, kahit di sabihin ni Mam, malala ang sakit ni Sir. Matiisin kasi siya. Napaka-dedicated sa pagtuturo at sa kanyang obligasyon sa mga mag-aral. Hindi niya iniinda ang pagod at gutom. Hinuhuli niya ang sarili, masiguro niya lang na matututo kami.
         Lalo akong nabobo. Hindi ko na alam ang gagawin ko sa seatwork. Nasigawan ko pa nga ang kaklase ko nang tumayo siya.
         Hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Dahil siguro sa wala akong nakalakihang ama at dahil magaan ang loob ko sa kanya. Mabait siya sa akin. Lagi niya akong tinatanong kung kumusta na ako at ang Mama ko na nasa abroad. Hindi ko naman kinaiinis ang pagtatanong niya. Para sa akin, hindi iyon pang-uusisa, kundi isang pagmamalasakit ng guro sa kanyang mag-aaral.
         Hindi lang naman ako ang kinukumusta niya. Halos lahat kami. Pero, napapansin ko, ako ang madalas niyang kausapin. Parang anak na nga ang turing niya sa akin. Anak naman ang tawag niya sa aming magkakaklase pero iba ang nararamdaman ko tuwing tinatawag niya akong anak.
         Nagpapantansiya lang siguro ako, dahil ever since hindi ako nakaranas na tawaging anak ng isang ama. Sabi ng Mama ko, iniwan kami ng tatay ko noong tatlong taong gulang pa lang ako. Hindi ko pa noon maalala kung paano niya ako minahal. Gayunpaman, naranasan ko pa rin ang magkaroon ng ama.
         Hindi naman ako naging bitter sa mga tatay. Lalo pa nga akong naging mabuting bata dahil naisip ko hindi naman nila kagustuhan ang nangyari. Walang tao na maghahangad ng di mabuting relasyon. Kung ano man ang nangyari sa kanila ng nanay ko hindi na ako nagtatanong. Basta ang alam ko, nagmahalan sila kaya ako nabuo. Ngunit, nagkahiwalay dahil sa isang matinding dahilan. Kung anuman ang dahilan na iyon, sana ay hindi ako.
         Naiisip ko pa rin si Sir. Alam ko, walang magbabantay sa kanya sa hospital. Wala siyang pamilya. Walang anak. Naikuwento niya sa amin ang mga bahagi ng buhay niya. Hindi man tuloy-tuloy o buo, napagtagpi-tagpi ko ang mga iyon.
         Gusto kong magpresinta sakaling magtanong ang mga guro namin kung sino ang gustong sumama. Lord, sana...
         Lalabas ako. Sisilipin ko sina Mam at Sir..
         Nagpupulong sila sa tapat ng classroom ng Section One. Hapis din ang mga mukha nila.
         Pipilitin kong marinig ang pinag-uusapan nila.. Ooops! Yari ako. Nakita ako ni Sir Colima. "Sir, may I go out?" Palusot ko na lang para di ako mapagalitan. Tapos, hawak ko pa kunwari ang akin, sabay takbo pababa. Mabuti na lang di ako slow mag-isip.
         Alam ko na, dadaan ako sa kabila, kung saan sila nag-uusap. Sasabihin ko na sarado ang CR sa kabila. Palilipasin ko lang ang ilang minuto para makatotohanan.
         "Sabihin na natin sa kanya..Sir" Narinig kong sabi ni Mam Velasco kay Sir Colima.
          Dadaan na ako. Makikita nila ako. Okay lang..
          "Sir.." Parang nakikiusap si Mrs. Velasco. "...ayan na siya." Nginuso pa ako ni Mam.
          Lampas na ako, yes! Di sila nagalit sa akin.
          "Roy..halika muna dito." Tinawag ako ni Sir. Nagulat ako. Tapos, nagturuan pa ang mga guro ko habang pabalik ako sa sa kanila..
          Nilinis muna ni Sir ang kanyang lalamunan. "Isasama ka namin sa hospital mamaya. Okey lang ba sa'yo?"
          "Opo!" Hindi ako nagdalawang-isip. Dininig ng Diyos ang panalangin ko. Tuwang-tuwa ako, di ko lang pinahalata.
          Si Sir Gregorio naman ang nagsalita. "Paalam ka na sa lola mo. Hihintayin ka namin dito."
          Hindi na ako makapagsalita. Tumango-tango na lang ako. Tumakbo ako pabalik sa classroom. "Guys, isasama ako nina Sir sa hospital mamaya. Yes!" Ang yabang ko, para akong nanalo sa lotto.
           "Kami rin, sama din kami.." sabi ng iba. Di ko na inalam kung sinu-sino sila.
           "Sipsip mo talaga!"
           "Kaya pala lumabas ka. Sipsip!"
            "Sipsip!"
             Hindi ko na lang sila papansinin. Naiinggit lang sila sa akin dahil ako ang niyaya, hindi sila.
            "Linta ka talaga, Roy!"
            "Oo nga. Pati ba naman ngayong may sakit si Sir, ginamit mo pa ang pagkalinta mo. Boo!"
            "Ikaw na!"
             Kalma ka lang, Roy... Huwag mo silang patulan.
             "Sir Colimo, pwede po bang sumama rin ako?" Tanong ng epal kong kaklase.
             Hindi ko namalayan na pumasok na pala si Sir. "Anong gagawin mo doon?" Buti nga! Supalpal siya kay Sir.
             "Dadalaw po." Sumagot pa ang walang hiya. He he
             "Si Roy lang ang pwedeng sumama at may karapatang magbantay kay Sir.."
             "Hala, Sir.. bakit po?
             Nagulat ako. Bakit nga ba? Di nakasagot si Sir Colima.
              "Basta! Roy, uwi ka na.. Balik ka na lang bago mag-uwian ang mga kaklase mo.."
              "Opo."
              "Sipsip! Sipsip! Sipsip! Sipsip!" Sabay-sabay sila. Nakakainis.
              "Hoy! Di kayo titigil?" Nanlaki ang mga mata ni Sir, kaya tumigil na sila. "Si Roy ang may karapatang magbantay kay Sir...kasi si Roy ay anak niya!"
               Bumagsak ang bag ko. Oh no! Totoo ba ito?
               Tumatakbo ako ngayon pauwi..
               Bakit? Paano? Totoo ba ito?
               Hindi muna ako uuwi. Dito muna ako sa likod ng pader ng bakanteng lote. Gusto kong sumigaw sa galit! Pero, bakit? Para ano? Di ko lang naman maintindihan bakit si Sir ang ama ko. Totoo ba ito? Kung totoo, bakit? Bakit nilihim ni... Sir sa akin? Bakit hindi na nila agad sinabi sa akin?
                Hindi ko magawang magalit kay Sir. Minahal naman niya ako. Ramdam ko. Siguro, humuhugot lamang siya ng lakas ng loob para aminin sa akin na anak niya ako.
                Babalik ako sa school..
                Bibilisan ko. Excited na akong malaman ang totoo.
                "Roy.." si Mam Velasco. ".. pasensiya ka na..kung nilihim namin sa'yo. Siguro si Sir.. ang Papa mo na lang ang magsabi sa'yo ng buong katotohanan."
                "Oo, pag magaling na ang Papa mo." si Sir Manuel.
                "Sabihin niyo na po ngayon." Excited na ako. Yuyuko muna ako para di nila makita ang mga luha ko..
                 Nagkukuwento na si Sir Colima.
                 Ano ba yan?! Tumutulo talaga ang uhog at luha ko.
                 "Sana maunawaan mo ang Papa mo. Mahal na mahal ka niya. Hindi niya ginusto na magkalayo kayo.."
                 Kinulong ako ni Mam Velasco sa kanyang braso. Nararamdaman ko ang pagmamahal nila sa akin.
                 "Opo..Mam, Sir.. Nauunawaan ko na po ngayon. Salamat po sa inyong lahat.."
                 Tumutulo din ang luha ng mga guro ko, habang naglalakad ako ng marahan patalikod sa kanila para umuwi.
                 Sobrang saya ko ngayon. Nakilala ko na ang ama ko. Mayayakap ko na siya. Malungkot lang dahil may sakit siya. Kung hindi pa pala siya naospital ay hindi ko pa malalaman ang lihim ng mga guro ko. Dapat ba akong magpasalamat? Nakakalungkot. Di ko alam kung anong kalagayan ni... ng Papa ko. Gusto ko siyang makasama ng matagal para mapunan ang walong taong hindi kami magkapiling.
                  Uuwi na ako. Ibabalita ko kay Lola. Teka, alam kaya ni Lola ang tungkol kay Papa? Magmamadali ako..

Mga Luma at Bagong Salawikaing Napapanahon

Mga Luma at Bagong Salawikaing Napapanahon
Makata O.

Luma: Kapag di ukol, di bubukol.
Bago: Kapag di ka pasado, pekein mo.

Luma: Ang isda, nahuhuli sa bunganga.
Bago: Ang mandaraya, nahuhuli sa gawa.

Luma: Ang katotohana'y kahit na ibaon, lilitaw pagdating ng takdang panahon.
Bago: Ang katotohana'y kahit na pagtakpan, mabubunyag sa di-inaasahang panahon.

Luma:Nasa Diyos ang awa,nasa tao ang gawa.
Bago: Anuman ang iyong ginawa, Diyos na sa'yo ang bahala.

Luma: Kung sino ang masalita ay siyang kulang sa gawa.
Bago: Kung sino pa ang masalita ay siyang may maling gawa.

Luma: Daig ng maagap ang taong masipag.
Bago: Daig ng mapagpanggap ang taong masipag.

Luma: Ano man ang gagawin, makapitong iisipin.
Bago: Ano man ang gagawing kabulastugan, pag-isipan naman.

Martes, Oktubre 29, 2013

Makabayan Ka Nga, Makasarili Ka Naman

Pagkatapos ng botohan, tingnan mo ang eskuwelahan
Animo'y pinagsamantalahan ng mga taong mangmang
Tinalo pa ang bagyo, na kalikasan ang may kagagawan
Ngunit, itong paaralan, binaboy ng mga mamamayan.

Kung makareklamo ka pag pera ng bayan ay ninakawan
Ang husay mong magsalita ng kanilang kawalang-hiyaan
Pero ikaw ba ay may pitagan sa sarili at sa sariling bayan?
Lugar ng halalan, iyong ginulo, binaboy at dinumihan.

Tingnan mo! Gawa ba iyan ng isang taong makabayan?
Ni sarili mong kalat, tinapon mo lang kung saan-saan
Pagkatapos mong lumamon ay nabundat iyong tiyan
Ngunit, sustansya'y nasaan? Baka nasa iyong talampakan.

Oo, botante ka kaya ikaw ay responsableng mamamayan
Makatao ka't makabayan, pero, makasarili, ikaw iyan
Pagkat di inisip ang ibang nilalang na sila ang mahihirapan
Di mo man lang sininop, o nilagay man lang sa basurahan.

Sa susunod na halalan, huwag ka na lang tumungo sa botohan
Kung wala kang baong disiplina at magandang kaasalan
Paaralan ng Gotamco, ika'y ikinahiya at kinasusuklaman
Taong katulad mo, nararapat na ihalintulad sa isang babuyan.

Lunes, Oktubre 28, 2013

I Did Not Sell My Vote

I Did Not Sell My Vote
Makata O.

I did not sell my vote to any politician
If I did, I would be a shameful man
Like someone, who bought many votes
And gave something with sample ballots.

I did not sell my vote to any chairman
If I did, he would only be a corrupt man
Like, the Philippines' incumbent leaders
Including the former and convicted ones.

I did not exchange my right and dignity
To temporal blessings and money, liably
Because if I did, I have cheated myself
My beloved country, the Filipinos, itself.

Biyernes, Oktubre 25, 2013

Oktubre 3, 2013 / 7:33 NG / Huwebes

    Grabe ang sakit ng ulo ko. Kanin ko pa ito naramdaman, noong habang nagrereview kami sa MTAP. Nang nasa jeep nga ako, gusto ko ng mahiga. Tapos, natraffic pa ako.
    Di ko alam kung ano ang sanhi nito. Basta na lang guhuhit sa ulo ko, habang nagsasalita ako tapos, bibigat na ang ulo ko. At, iyon na. Sobrang sakit na.
    Naisip ko, baka dahil sa projector na ginagamit ko. Baka ung radiation nito ay nakakasama sa akin.. Hmmm..
    Kahit ano pa ang dahilan, abala talaga. Hindi tuloy ako makagawa ng gawaing-bahay..
Ang Balimbing
Ni Makata O.

Isang prutas, itong balimbing
May matamis, may maasim
Bago nguyain, isawsaw sa asin.

Ang balimbing, may tao rin
May mabuti, may masama din
Masama, kung ika'y tratraydurin.

Doble-kara, yan ang balimbing
Salawahan, dalawa ang damdamin
Mag-ingat ka, siya'y tsoo-tsoo rin.

Kung may kilala kang balimbing
Talupan mo, saka isawsaw sa asin
Tapos, sa buwaya iyong ipakain.

Huwebes, Oktubre 24, 2013

Oktubre 3, 2013 / 12NT / Huwebes

    Kahapon, nais kong, mahiya sa nangyaring kabiguan.. Pero, pinilit kong makisalamuha sa mga katrabaho ko. Nagtanong nga ang iba at naipaliwanag ko naman ito. Sa tingin ko, naunawaan nila ako
    Ala-una ng hapon, nagkaroon kami ng audition. Pinasayaw namin ang mga nagpresentang sumali. Andaming gustong makasayaw sa Eat Bulaga, pero hindi lahat magaling. Ang iba, nakisabit lang dahil sa kaibigan. Ang ibammay talent talaga..gaya ngnestudyante kong pasaway, may itinatago palang husay sa robotics. Limang pupils ko din ang napili ko.
    Alas-4 na kami ng matapos. Sobrang pagod ko. Ngunit, masaya naman ako sa naging resulta. Nalungkot lang ako dahil may mga nagtampo pala sa akin dahil hindi napili, kahit pinaunawa ko na na hindi lahat mapipili sapagkat napakataas ng standard ng Pinoy Henyo.
     Hihintayin ko na lang na makakuha ng choreographer ang ka-tandem ko na si Sir Alberto.

Sino Siya?

Sino siya? Hulaan ninyo.
     Nag-aalaga siya ng mga hayop. Mayroon siyang pusa na napakalambing . Mayroon siyang baboy na pinapataba. Mayroon din siyang tuta.
     Ang kanyang pusa ay very sweet talaga. Karinyosa! Kung maglambing ay nakakakilig at kung dumikit sa kanya ay sobrang diin. Grabe ito kung magpapansin. Kahit sino ang maging amo ay kinakaringking.
     Iyan ang pusa ng kilala ko. Trying hard copy cat!
     Ang baboy naman niya ay kasalo niya sa agahan at tanghalian. Kulang na nga lamang pati sa hapunan,ay magsalo pa sila. Baka bukas ay magtabi na sila sa higaan.
    Itong baboy-ramo niya ay kaniya ring pinapaputi. Ayaw na ayaw niyang ito ay naiinitan at naaarawan. Saan man siya magpunta ay sinasama niya. Oink! Malapit na nga silang magpalit ng mukha. Di bale na, malapit na kasi itong maging lechon. Ang sarap nitong isahog sa gisadong lomi.
    Ang kanyang tuta ay napaka-cute talaga. Sa kanya ay napakamasunurin. Parang kadete, "Yes, Sir! ng Yes, Sir!" Ngunit, kayo ay mag-ingat sa tutang ito dahil ito ay pitbull pala. Ang kuko niya'y matutulis. Ang pangil naman ay nakahandang managpang. Kaya, beware of rabid dog. Andiyan lamang ito sa kanyang air-conditioned doghouse. Sosyal, di ba?!
    Sino siya? Nahulaan mo na? Hindi ang mga alaga niya. Clue lamang sila. O, sige, another hint...
    May bago nga siyang alaga--maitim na bangaw. Mahusay daw itong kadiring nilalang. Talentado raw, pero may sira ang ulo. Kung umasta nga itong insekto, akala mo ay dambuhala o higante, iyon pala umapak lang sa likod ng elepante. Lagi mo siyang makikita, not once, but third!
    Gets mo na ba?
    Hindi pa rin?! Zzzzzz!
    Ok sige.. Last na ito..
    Lahat ng alaga niya ay may talent sa pagsipsip, pagpapalapad at pandaraya.
    Sino siya na isang tagapag-alaga ng mga hayop?
    Sirit na?
    Hmmm. Siya si..............
    Bukas ko na lang sasabihin.

Miyerkules, Oktubre 23, 2013

Gahaman

Ano ba iyan?! Ang gulo nitong ating bayan..
Pulitika'y kay baho, mga pulitiko'y...ewan!

Kawawa ang mahihirap na taumbayan
Samantalang nasa puwesto, nagtatabaan.

Kahirapan, hindi na nga masolusyunan
Dinagdagdagan pa nitong mga gahaman.

Kaya tuloy, mga kawatan ay nagsusulputan
May sa kalsada, sa palengke, saka paaralan.

Ugaling baboy, mukhang pera ang mga iyan
Hmm! Malamang kampon sila ng kadiliman.

Hay! Kahit saan talaga, panalo ang kasamaan
Sa panloloko ng kapwa't bayan siyang No. 1.

Sa pagpalaganap ng kabutihan, wala naman
Pagkapantay-pantay, iniiwasan at kinakatakutan.

Kay Satanas kayo'y welcome, siya'y naliligayahan
Sa mga mata namin, kayo ay kakarampot lang.

Pakalunod kayo sa inyong mga kapangyarihan
Buong bayan sakupin, nakawin ang buong yaman.

Sige lang, lokohin niyo lang mga nasasakupan
Darating ang araw, karma ninyo ay makakamtan.

Martes, Oktubre 22, 2013

OPINYON, KUWESTIYON, SUHESTIYON (OKS)

Teka, ano itong aligasyon?
Tungkol uli sa promosyon?
Wala na ba itong solusyon
Ang tindi nitong ingay-polusyon
Lagi na lang may komosyon
Lagi na lang may kompetisyon
Lahat nais maging kampeon
Lahat may balak, may intensyon
Tanong: Meron bang dedikasyon?
Wala! Puro lang pag-iilusyon

Sige, gawin ang nais na aksyon
Pag-igihan lang ang seleksyon
Baka bulungan at konklusyon
Mabuo sa aming imahinasyon
Na ang ganitong sitwasyon
Ay dulot ng maling desisyon
At magbubunga ng depresyon.

Bago sya bigyan ng posisyon
Pakaisipin ng sampung milyon
Baka siya'y isang aparisyon
Balatkayo, Hudas, parang ganon
Kunwari may determinasyon
Iyon pala, ayaw sa obligasyon
Kaya, humingi ng opinyon
Huwag solohin ang desisyon
Gawin ito na parang eleksiyon
At may pormal na proklamasyon.

Bago ako abutin ng altapresyon
Ititigil ko na itong deklamasyon
Ako lang naman nagkukuwestiyon
Kung galit ka, problema mo na iyon
Nais ko lang naman ay proporsiyon
Balanse at makataong promosyon
Hindi ang palakasan o dominasyon
Ang batayan nitong pagpoposisyon
Daanin sa wastong asimilasyon
Huwag sa panghuhula o prediksyon.

Kayo namang hangad ay promosyon
Hambog, taas ng iyong ambisyon
Saan ka kumuha ng inspirasyon?
Isa ka lang namang pandekorasyon
Sa boss mong walang direksyon
Ang isip, liku-liko ang lokasyon
Di alam ang kanyang limitasyon
Ayan tuloy ako'y kinukombulsyon!

Ito ay hindi sa inyo'y akusasyon
Tanong: Magkano ang donasyon?
Pwedeng makahingi ng komisyon?
Hala ka, iyan ay isang korupsyon.

Lunes, Oktubre 21, 2013

Oktubre 1, 2013 / 8:47 NG / Martes

    Kaya pala, ang lakas ng kabog ng dibdib ko kanina, habang hinihintay ang staff ng Junior Pinoy Henyo. Hindi pala magiging positive ang outcome. Disappointed sila sa mga nagpautakan. Isa lang ang nakasagot. Kahit ako nabigo at nalungkot din.
     At nang pinasayaw na ang dancers ko, alam ko na na madidisappoint din sila gaya ng naramdaman ko kay Sir Socao nang tingnan niya ang reheasal namin.
     Verdict time..
      Sakit! Pasok daw kami sa Top 10 Worst School na pinuntahan nila. Wala daw wow-factor ang sayaw. Ang kinukuha daw nila ang pang-worldclass. Grabe! Di man lang nila tinanong kong may props ba na maaaring makapagdagdag ng impact. Di daw laro yun dahil may bubuka ang bulaklak pa. Narealize ko na di nila alam na may hawak silang bulaklak. Kasalanan ko, di ko kasi sinabi.
       Binigyan nila kami ng two weeks para ibahin ang sayaw. Grabe, parang lumubog ako sa kinauupuan ko. Not appreciated na nga, sinabihan pa ng 100% not qualified.
       Ang bigat ng puso ko. Umuwi akong napakalungkot.
       Pag-uwi ko, nagsearch ako ng hip-hop dance na maaaring kuhaan ng idea.. Tapos naisip ko, ayoko na magturo. Nakakapagod. Iba na lang ang magturo. Tutulong na lang ako.
       Nawala ang bigat ng puso ko nang makapagpost ako sa status ko ng ganito:
Gotamco Update:

Mga Batang Gotamco, hindi po natin naabot ang standard ng Junior Pinoy Henyo. Napakataas na ng expectation nila sa mga Pasayenos dahil sa pagkakapanalo ng T. Paez Elem School sa parehong kategorya -- sayaw at pautakan. Kung di man daw natin malampasan ang nagawa nila ay mapantayan man lang natin.Binigyan nila tayo ng dalawang linggo para bumuo uli ng sayaw na may energy at wow-factor.

Wala pang napili sa mga sumalang kanina sa pautakan. Tatlo daw doon ang pwede na, bubunot pa sila ng tatlo pa para magkaroon ng tatlong pares na muling isasabak sa elimination.

Nais nila ang pantelebisyong talento at talino. Kaya, isang hamon ito para sa ating lahat. Hindi ito isang kabiguan, kundi isang pagsubok na dapat lampasan.

Kaya, naghahanap kami ngayon ng hip-hop dancers upang makabuo ng 20 kataong dance group. Sumali ka kung alam mong may ihahataw ka o dahil nasa puso mo ang pagsayaw, hindi lang dahil nais mong makita ka sa telebisyon.

Salamat!

  Dahil dito, mauunawaan ako ng mapanghusgang nilalang.

Oktubre 1, 2013 / 9:57NU / Martes

Inaantok ako habang naghihintay na dumating ang staff ng Junior Pinoy Henyo. Paano ba naman? Kulang ako sa tulog. Alas-dos ng madaling araw ay nagising ako at nahirapang matulog muli. Naexcite yata ako sa pagdating ng Eat Bulaga staff.
      Dumating na nag mga pupils ko. Maya na ulit...
      Pasaway ang mga bata ko. Tatalikod pa lang ako, kung anong kalokohan na ang gagawin. Magtatayuan. Magsisipa. Mag-iingay. Nakakapagod na nga ang paghahanda ko para sa pagdating ng talent scouts, nakakapagod pa ang magsaway.
Hindi ako nakapagtimpi. Nakaltok ko ang mga ulo ng mga pinakapasaway na estudyante ko.
   

Oktubre 1, 2013 / 6:04NU / Martes

   Sobrang busy ako kahapon. Hindi na ako nakapagsulat.
   Naghanda ako ng MTAP powerpoint tapos di ko naman naituro kasi inuna ko ang dry run ng Pinoy Henyo audition. Ayoko mapahiya. Ayoko maging Christmas parlor games na lang ang laro. Di rin pwede ang Christmas presentation na sayaw, sahi nila. Folk dance lang kasi ang sayaw nila. Ano ba ang bagong concept doon?
   Dapat pala nagMTAP review na lang kami. Natapos ko naman ipraktis ang sayaw nila ng maaga. Di rin naman kami nakaalis nina Lester at Mia sa Zabarte Jollibee para sa 1st birthday celebration ng inaanak namin kay Mareng Joyce. Six na kami nakaalis. Hay, sayang...
    Natraffic pa kami. Nakarating pa kami sa SM Marikina. Kaya ang nangyari, 8:30 na kami nakarating sa party. Nasobrahan ako sa gutom kaya di na ako nakakain ng husto. Okey lang nakita ko naman si Zillion. Tuwang-tuwa siya nang makita ako.
    Pasado alas-9, bumalik na kami. Parang nakikain lang. Dinayo lang namin si Jollibee. Iba yata ang lasa ng pagkain nila doon. He he.
    Pasado 11 pm na ako nakarating. Mabuti, naisip ni Lester na ibaba ako sa Guadalupe. One ride lang ako. Mabilis ang biyahe..

MAG-ARAL KANG MABUTI, MAG-AARAL

Bata, naisip mo ba kung bakit ka nag-aaral, kung bakit ka pinag-aaral at kung bakit ka nagkakapag-aaral?

Hindi?!

Ano ba iyan?! Bakit hindi mo alam? Hindi ba ipinaliwanag sa iyo ng mga magulang mo? O, baka naman hindi mo lang iniintindi ang mga payo nila sa iyo. Makinig ka naman minsan, kapag may time. Huwag puro laro, computer at tambay. Bigyan mo naman ng oras ang pag-iisip ng mga bagay-bagay.

Gayong hindi mo alam ang sagot sa aking mga katanungan, hayaan kong isa-isahin ko. Ooops! Huwag mo akong bastusin, bata! Ipagpatuloy mo ang pagbabasa nito. Kung hindi, magsisisi ka sa buong buhay mo. Handa ka na ba?

Kung opo, sige...

Una, bakit ka nag-aaral? Nag-aaral ka dahil karapatan mo ito. Nag-aaral ka para matupad mo ang pangarap mo. Hindi ko alam ang nais kong marating sa buhay mo, ngunit sigurado ako, napakaganda ng buhay na nais mong makamit. Ayaw mo ng ikaw ay maging mahirap. Hangad mo ang maalwang pamumuhay. Nais mong maihango sa kahirapan ang pamilya mo. Tama ba ako?

Tanungin kita uli. Bakit ka nag-aaral?

Ano? Pakiulit nga, bata!

Nag-aaral ka lamang dahil sa baon at hindi dahil sa magandang kinabukasan na iyong matatamo? Nakakapanlumo ka. Sinabi mo pa na nag-aaral ka lang dahil sa crush mo at dahil sa barkada mo. Nais mo lang magpa-cute sa crush mo at makipag-bonding sa iyong mga kaibigan. Wow! Ang tindi mo, bata! Genius ka. Ang sarap mong sabitan ng medalya--- medalya ng kabubohan.

Pangalawa na tayo. Bakit ka pinag-aaral? Pinag-aaral ka dahil iyon ang obligasyon ng mga magulang mo at ng gobyerno sa'yo. Pinag-aaral ka upang hindi ka mapariwara. Pinag-aaral ka para hindi ka matulad sa mga magulang mo na nakaranas ng paghihikahos sapagkat kapos sila sa edukasyon o kaya matulad ka sa kanila na gumanda ang buhay. Pinag-aaral ka sapagkat kailangan mo ang kaalaman para sa pagharap ng bukas.

Ngayon, bakit ka pinag-aaral?

Ano?! Lakasan mo.

Pinag-aaral ka lang dahil kailangan ng diploma? Ha ha! Nakakatawa ka bata. Kahit bigyan kita ng isang sakong diploma, kung hindi ka mag-aaral ng mabuti, balewala lang lahat ng mga iyon.. Naunawaan mo? Sana naman..kasi mahirap magpaliwanag sa taong may makitid na utak. At kung diploma lang naman ang habol mo, sige, huwag ka na mag-aral. Pwee ka naman magpagawa ng diploma sa Recto. Ngunit tandaan mo, ang karunungan ay hindi kayang gawin doon. Ikaw ang gagawa nun...

Pangatlo at huli: Bakit ka nakakapag-aral? Nakakapag-aral ka, hindi lang dahil pinag-aaral ka ng mga magulang mo, kundi dahil pinag-aaral ka ng gobyerno. Ang pag-aaral mo ay libre, lalo na kung ikaw ay nasa public school. Libre ang libro. Walang tuition. Ganyan ka pinahahalagahan ng gobyerno, hindi lang ng pamilya mo. Masuwerte ka nga, nakakapag-aral ka. Samantalang ang iba, kailangan munang maghanapbuhay, kailangan munang malamnan ang sikmura, bago ang utak. Meron pa nga, kung kailan tumanda saka la naisipang mag-aral. Ang mga nasa bundok na bata, sa tingin mo nakakapag-aral sila ng tama?

Sagutin mo. Bakit ka nakakapag-aral. Oo, quiz ito. Tingnan ko kung ikaw ay natuto.

Ano? Ano uli ang sagot mo?

Nakakapag-aral ka dahil gusto mo?! Ano bang sagot iyan? Para kang engot.. Hindi mo man lang inisip ang pondong inilalaan sa iyo ng Pilipinas para makapag-aral ka lamang. Hindi mo man lang pinahahalagahan ang mga buwis na ibinabayad ng mga magulang mo at ng lahat ng Pilipino para may pondo sa edukasyon mo. Wala kang utang na loob, bata! Ang sarap mong premyuhan ng isang kaltok.

Nakakapanlumo ka talaga, mag-aaral. Mag-aaral nga ba talaga ang dapat itawag sa'yo o dapat ay mag-papasaway? Siguro nga tawagin ka na lang "pasawayero" dahil hindi ka naman nag-aaral ng mabuti, nagpapasaway ka lang sa mga guro mo. Wala ka namang natutunang mabuting aral at asal. Ni salitang respeto nga hindi mo alam. Baka kahulugan ng mag-aaral ay hindi mo kayang ibigay.

Hay! Wala na akong masabi. Ikaw na talaga, bata, ang pag-asa daw ng bansa.. Ayoko na magkomento baka ma-high blood na ako. Iiwan ko na lang sa'yo ang mga salitang ito: "Mag-aral kang mabuti, mag-aaral ka kasi."

Linggo, Oktubre 20, 2013

Totoo Po Ba Ito?

Totoo po ba itong nabalitaan ko?
Guro'y kakasuhan kapag di umupo
Bakit wala ba sila karapatang humindi?
Mga obligasyon ba nila'y inyong inintindi?
Hindi niyo man lang sila inuunawa
Na sila'y may gagawing mas mahalaga.

Karapatan din naman nila na bumuto
Gayundin ang mamimili ng presinto
Matinding dahilan nila, sana inyong makita
Huwag lamang ang inyong mga haka-haka
Alam nilang ito'y pagserbisyo sa barangay
Ngunit, sila ba'y malaking kawalan? Hay!
Marami namang nais umupo, maging BEI
Bakit hindi po sila ang inyong isanay?
Siguro, mahusay din sila sa ganitong serbisyo
Hindi lang dapat silang mga guro, ang ituro.

COMELEC, totoo po ba itong sabi-sabi
Pag guro'y di umupo, tiyak sila'y magsisisi?
Kaso'y inyong ihahain, kanilang haharapin
Kawawang makabagong bayani, isang salarin!
Wala na ngang magandang dulot, kinawawa pa
Si Mam... si Sir...wala ng nagawang tama
Tsk tsk! Nasaan ang kalayaan? Ang hustisya?
Mga pinuno'y gamit nila'y impluwensiya
Upang kawawang nilalang...masintensyahan
Huwag naman po agad silang husgahan.

Kung nais, bukal sa loob silang magseserbisyo
Kung ayaw umupo, hayaan nyo silang nakatayo
Huwag mamilit, sapagkat bunga nito'y papait
Bawat isa'y magkakaroon lamang ng hinanakit
Kung nais niyo namang tumulong, sige po..
Ituloy po ninyo, huwag lamang sila ipagkanulo
Masama iyan, gawain ng diyablo sa impyerno
Kaya, maging maunawain, ika'y magpakatao
Sa eleksiyon, sila ay hindi nakakahadlang
Matutuloy naman ito kahit sila'y tumayo lang.

AKO SI MAKATA O.

Ako si Makata O, tapat at totoo
Inyong katoto, kaaway ng liko.
Ako'y isang makata, makatao.
Maglilingkod ng buong puso

Mga tula ko'y handog ko sa inyo
Sa mabuti, ito'y isang musiko
Ngunit, sa masama, ito'y bato.
Na tatama sa kaibuturan ng buto.

Kaya mga kaibigan, humanda kayo
Magandang balita, hatid ko sa inyo
Masamang gawain, isisiwalat ko
Lahat kayo'y magtatamasa nito.

Inyong lingkod, di man dakilang guro
Ngunit, ang puso't kalooban ay ginto
Mga inaapi ay ipagtatanggol ko
Mga mapang-api naman, yari kayo.

Kaya, hanggang may isang Makata O.
Sa inyong paaralan, sa inyong grupo
Di titigil sa pagsulat ng mga liriko
Aking imumulat ang mga mata ninyo.

Ang mga maling gawain, kakalabanin ko
Mabubuting tao, papuri ay matatamo
Hayaan lamang ninyo na gawin ko ito
Para po ito sa kabutihan ng Gotamco.

Wala kang magagawa kung ayaw mo
Kung sa panulat ko'y puso mo'y dumugo
Ang pagbabago lang naman ang nais ko
Pasalamat ka na lang, pagkat may tulad ko.

Setyembre 29, 2013 / 1:59NH / Linggo

 Alas-diyes, pupunta sana ako sa Antipolo dahil Linggo naman at birthday ni Jano, kaso nag-reply siya nang binati ko na nasa binyagan silang mag-anak. Kaya, naglaba na lang ako at naglinis. Magpapahinga na rin dahil may pasok na naman kinabukasan.
     Ala-una, kumatok ang landlady namin ni Eking, may kasama. Titingnan sana ang kuwarto. Nasabi ko na kasi na hanaggang Oct. 13 na lang kami kasi lilipat na ang pamangkin ko sa Bicol.
      Noong isang gabi, narinig ko sa usapan nila ng Tita Aileen niya na dito na uli siya. Tatapusin niya na lang ang course nia dito sa ACLC-Paco. Natuwa naman ako dahil pinagkatiwalaan niya pa rin ako. Makakatulong din ito sa plano kong mag-aral uli. Kahit paano ay nakakatipid ako dahil sa binibigay na budget sa amin ni Ate Ningning. Kaya, lang madadagdagan ang trabaho ko. Isasakripisyo ko ang mga advocacy ko para madevelop ko ang talents ng mga estudyante ko. Pwede rin, gagawin ko na lang tuwing weekdays ng hapon.

Sabado, Oktubre 19, 2013

Setyembre 28, 2013 / 4:52 NH / Sabado

Maaga akong nagising para sa seminar ko sa pagsulat ng lathalain. Wala pang 8am nasa school na ako, naihanda ko na ang projector bago nagsidatingan ang mga kalahok ko na pulos Grade 5 Section 1. Marami-rami sila ngayon, di tulad noong nakaraang Sabado.
      Okey naman ang turo ko, excited nga ang iba na magsulat na.
      Maaga kasi kaming natapos. Nakapagsulat na sila, nakapaglaro pa pagkatapos. Wala pa kasing 12 noon nang kami ay natapos. Nakapaglinis at nakapg-ayos din ako sa classroom ko.
      Tapos, tumawag uli ang Eat Bulaga staff. Kailangan ko pala ng 10 pares para sa audition. Sila pala ang mamimili, hindi ako. Okey lang, may Lunes pa naman...
     Sumakit lang ng kaunti ang ulo ko. Sobrang pagod at puyat siguro iyon.

Biyernes, Oktubre 18, 2013

Ito Ang Dapat Sa'yo


Dahil hindi ka marunong mahiya,
Namnamin mo, aking pangungutya..

Isa kang linta-- maninipsip ng dugo
Isa kang tuko-- makakapit ay todo.

Ang galing mo sa palakasan
Walang panama sa'yo si Pacman.

Para kang langis, matindi ang sebo
Naninikit sa mga kutsara at plato.

Naaatim mo ang ganyang trabaho
Ang manlamang sa iyong kapwa-tao?

Ang tibay ng sikmura mo, damuho!
Ang sarap mong tuhugin ng tubo.

Sige, ipagpatuloy mo ang mga iyan
Magsama kayo ng amo mong gahaman.

Pasasaan ba't kabalulastugan niyo'y
Masusukol, at kayo'y aming itataboy.

Gawin naman, tunay mong trabaho
Wag magsipag-sipagan, pakitang-tao.

Kami' y wag ululin at huwag dadayain
Mag-ingat ka, di ka namin sasantuhin.

Hoy! Itigil mo iyang kahibangan mo
Lintang ulikba, nanggigigil kami sa'yo!

Sorry, ako'y tao lang din, may damdamin
Inapakan mo kasi ang mga puso namin.

Kaya, magdusa ka sa aming alipusta
Dapat lang yan sa'yo, na walang hiya.


Setyembre 28, 2013 / 4:44 NH / Sabado

Kahapon, puro trabaho na naman ako. Turo ng lesson. Turo ng kabutihang-asal sa mga mag-aaral na pasaway. Walang na kasasaway sa mga praning na estudyante. Tapos, nagturo pa ako magsulat ng diary o journal. NagMTAP din ako sa umaga. Naka-projector pa para maengganyo sila mag-aral at magreview ng maayos.
   Hapon, kahapon, nagpractice ako ng mga magsasayaw sa Eat Bulaga, pupunta na kasi ang staff ng Junior Pinoy Henyo sa Martes, October 1 para tingnan at mag-audition para sa pautakan.
   Gabi, nagpunta naman kami ni Eking sa St. Luke's Quezon City para kunin ang padala ng Mommy niya sa katrabaho niya doon na nagpaopera. Pagkatapos, bumili kami sa Quiapo ng mga pangcostume niya sa acquintance party. Nakaapagod. Nagutuman din kami. Siguro pasado nine o' clock na kami nakauwi. Ayos lang basta maging masaya ang pamangkin ko at ang humapay ina niya.

Setyembre 26, 2013 / 10:18 NG / Huwebes

  Wala si mam Rodel, si Sir Joel at si Sir Rey kanina. May kahalong ibang section ang mga pupils ko kaya medyo maingay na naman. Pero, nagturo pa rin ako ng division of decimals. Nagturo din ako sa Character Education.
    Ang lesson ay tungkol sa pagbabahagi ng talino at talento. May diarymp ngang sample sa libro. Kaya, naalala ko ang mga journals ko. Inilabas ko ito at ibinahagi ko sa kanila. Gusto nga nilang basahin. Di lang ako pumayag.
     Binasahan ko rin sila ng entry ko kanina. Iyong tungkol sa panaginip ko kaninang umaga. Nag-iba ang mga emosyon nila. Tapos, sinabi ko na maaari ngang mangyari iyon kaya ingat sila sa pagsumbong.
     Dahil dun, nakita ko ang nobelang kung may pamagat na Dumb Found. Hindi pa ito tapos, kaya nilabas ko at sinimulang i-encode habang may ginagawa namangndiary ang mga bata ko. Na-inspire ko ang karamihan, pero ang mga bobito ay hindi. Nagpasaway lang. Kainis! Waepek ang mga effort ko.
     Hay, sana marami akong matouch na buhay. Sana magawa kong writer ang lahat...
     Kaya nga, pinupush ko nga ang KAMAFIL ko dahil alam ko sila ang mga numero unong interesadong maging manunulat. At hindi nga ako nagkamali. Nanumpa sila kanina. Nagmeeting at nagplano din kami. Interesado din sila sa Journalism training every Saturday. Salamat, may maiiwan din pala akong legacy kahit paano.. Feeling contented.
   
   

Setyembre 25, 2013 / 6:51 NG / Miyerkules

       Hindi naman ako naging quiz master sa Division Science Quest kanina sa JRES. Paano ba naman?! Pinalitan agad kami ng Science coordinator nila. Sayang ang effort kong gumising ng maaga. Naging tanga lang kaming lima doon. Pero, okey na din iyon. Socialization na rin dahil nakita ko ang mga kasamahan ko sa broadcasting.
       Past eleven, nasa school na ako. Andaming pupils sa classroom ko. Napunta sa akin ang boys ni Mam Balangue. Maingay. Mabuti kaya kong sawayin.
       Tapos, nagpakain ang mga FS students. Sarap ng buhay. Libre ang meryenda. Nakatulong pa sila sa bulletin board ko. Sayang.. Hindi ako nakapagbigay ng souvenir sa dalawang studeng teachers. Last year, nabigyan ko si Joeralyn ng apple papier mache na may message. Binigyan niya rin ako ang key chain na may pangalan ko, chocolate, mamon, juice at picture namin.
        Sa sobrang busy ko, di ako nakapaghanda ng souvenir. Di ko alam n magtatapos na sila ng field study. Di bale, baka sa amin pa rin sila magPT. Habol ko na lang. Better late than never.

Martes, Oktubre 15, 2013

Promosyon

Empleyado man ng pribadong kompanya o sa gobyerno, lahat halos tayo ay naghahangad ng promosyon. Lahat tayo ay nag-aasam ng pag-angat ng posisyon at tungkulin. Wala sa atin ang nagnais na mabulahaw sa mababang puwesto, habang may mababang suweldo. Kaipokrituhan na matatawag kapag ang isa sa atin ay magsabing hindi natin gustong tumaas ang ating katungkulan, gayundin ang suweldo.

Hindi naman ito masama. Hindi ito nakakahiya. Ang pagnanais ng promosyon ay bahagi lamang ng ating paglago bilang manggagawa. Minsan, hindi ang sasahurin ang dahilan ng ating pag-aasam nito kundi ang tungkulin na maaari nating gampanan ng wasto at naaayon sa misyon ng organisasyong kinaaaniban. Minsan din, ang hamon ng bagong responsibilidad ang nagtutulak sa atin upang tanggapin ang mas mataas na puwesto. Para sa atin, isang makulay na paglalakbay sa buhay kapag mayroon tayong bagong gawain, hindi iyong paulit-ulit na proseso ng trabaho.

Gayunpaman, hindi rin dahilan para lahat halos tayo ay maghangad ng promosyon, gayong alam natin sa sarili natin na hindi pa tayo handang tuparin o gampanan ang responsibilidad na iaatang sa atin. Batid naman natin na may mas nababagay sa puwestong ating inaangkin. Sadya lang talaga tayong gahaman sa kapangyarihan. Akala natin na sa pamamagitan ng posisyong ating tatanggapin o tinanggap ay matagumpay nating maisasakatuparan ang misyon at bisyon ng grupo, gayong kapos pa tayo sa kaaalaman at kakayahan.

Mas nakakahiya kung tinanggap natin ang posisyon, ngunit hindi naman natin nagampanan ng maayos. Magiging nakakatawa tayo kapag may mas mahusay pa pala sa atin ngunit hindi pinangalandakan ang sarili sa bagong tungkulin. O kaya, may isang kumikilos ng may mabuting dulot para lahat, na talo pa ng may mataas na katungkulan, ngunit hindi naghangad ng promosyon. Mas nakakahiya kung hindi na nga natin naibabalik ang pinasasahod sa atin ay nangangarap pa tayo ng karagdagang tungkulin.

Hindi masama ang tumanggap ng promosyon, lalo na kapag may magandang intensyon. Karapatan natin ito. Subalit, hindi rin masama ang magdili-dili kung karapat-dapat ba tayo. Tanungin natin ang sarili natin, kaya ko ba?

Kabalintunaan ng Buhay

..Nakakatuwa talaga ang buhay. Hindi lahat ng hinahangad natin ay natutupad. Hindi rin lahat ng pinangarap natin ay nagaganap. Minsan, matatagalan pa. Kadalasan, lagi tayong bigo sa paghihintay ng kasagutan sa mga hiniling natin. Halos araw-araw pa nga, may dumadagsang problema. kaya patung-patong na ang ating pasanin. Ang tawag diyan ay pagsubok.

....Napakasarap mabuhay! Minsan, paggising natin napakaganda agad ng bati sa atin ng Gintong Araw. Pakiramdam natin, lahat ng tao ay masaya at nakangiti. Kaya naman, ang buong maghapon natin ay tila isang panaginip. Hanggang sa pagtulog, nasa puso't isip pa rin natin ang mga bagay at taong nagkapagbigay sa atin ng ligaya at ngiti. May pagkakataon namang, hindi mo naman hiningi sa Diyos, pero binigay Niya. Ang tawag dito ay biyaya.

....Napakasaklap din naman minsan ng buhay. Hindi na nga tayo biniyaan, sinubok pa tayo ng husto. Kulang na lang ay pasanin natin ang Kalbaryo. Naiisip nga natin madalas, parusa ba ang mga ito o pagsubok pa rin? Hindi lang minsan tayo nakakagawa ng masakit at masamang bagay sa ating kapwa kaya madalas din tayong nasasaktan, nahihirapan at napapasama. Ang mapait pa, doble o triple pa ang kapalit o ganti ng langit. Ito ba ang karma?

....Ang buhay man natin ay puno ng pagsubok, ang mga biyaya ng Panginoon naman ay mas marami. Kung karma man ang ating inaani, kasalanan natin ito sapagkat hindi natin pinasasalamatan ang bawat biyaya, maging pagsubok na ibinibigay Niya sa atin.


Bidyo

Kawawa naman si Mam, nabidyuhan ng estudyante habang nagagalit at nagmumura.

Kumalat ang bidyo. Pinagpiyestahan. Ang masaklap pa nito, nagreklamo pa ang ang mga magulang ng batang minaltrato daw ng kanilang guro. Dumulog sa prinsipal. Hindi pa nakuntento pinaabot pa sa media.

Kawawa si Mam. Ang sama ng tingin sa kanya ngayon ng mga tao. Suspendido na. Mawawalan pa siya ngayon ng lisensiya para makapagturo. Paano na niya bubuhayin ang pamilya niya? Paano ang pag-aaral ng kaniyang mga anak? Gusto lang naman niyang mag-aral kayong mabuti. Nais lang naman niyang bawat estudyante ay nakikinig habang siya ay nagtuturo, gumagawa ng mga gawaing pansilid-aralan at sumusunod sa kanyang patakaran. Wala siyang hinangad kundi ang matuto ang buong klase at walang nagpapakatamad at nagpapakalubog sa kamangmangan.

Masama bang magalit si Mam kapag may sutil at tamad sa klase? Tao lang naman siya, gaya natin. Natural lamang na magalit siya sa mga likong gawain at masasamang ugali ng mag-aaral ngayon. Nararapat lang naman siguro na alimurahin niya ang mag-aaral dahil sa dami ng pawis at dugong dumaloy sa kanya, babalewalain lamang ng nagpapakabobong mag-aaral. Halos, nakakalimutan na nga ni Mam ang sarili niya upang unahin ang pagtuturo at paghuhulma ng mga kabataan na siyang pag-asa daw ng bayan.

Kawawa ngayon siya Mam. Dahil lamang sa bidyo, nasira ang reputasyon niya. Hindi man lamang siya pinaniwalaan ng gobyerno. Mas pinanigan pa nila ang estudyanteng naalisan daw ng pagkatao dahil sa pagkakapahiya. Anong klaseng pamahalaan meron tayo para sa mga guro ng bayan, gaya ni Mam? Hindi ba't sila ang bayani ng bayan? Bakit ngayo'y sa isang bidyo lamang ay kaybilis mo silang hinusgahan? Bakit? Andoon ka ba noong nangyari ang lahat? Nabidyuhan mo ba ang pangyayari bago siya nagalit at nagmura? Wala ka doon, di ba? Di mo alam ang buong istorya. Hindi mo alam kung paano kahirap ang araw-araw na pagsasaway sa mga mag-aaral. Ang alam mo lang kasi ay napakainosente pa rin ngayon ng mga kabataan. Bulag ka sa katotohanan.

Hindi lang si Mam ang kawawa ngayon. Pati sina Sir at iba pang maestra ay maaaring maging biktima ng kawalang-awang pambabastos na ito sa karapatan ng mga kaguruan. Ang lahat ngayon ay nangangambang baka sa susunod na araw, sila naman ang makuhaan ng bidyo at maalisan ng karapatan.

Kaawa-awang mga guro dahil sa mga kagagawan ninyo, sila ay napapahamak. Mag-isip naman kayo. Bago kayo manghusga, kilalanin niyo muna ang mga kabataan ngayon. Mas maigi, kilalanin mo muna ang sarili mo. Baka ikaw ang karapat-dapat na tanggalan ng karapatang mamuhay ng simple at respetado. Bakit di mo kaya ibidyo ang sarili mo?! Huwag si Mam, wag si Sir.

Lahat ng guro ay may mabuting intensiyon para sa kabutihan ng mga mag-aaral. Kung nagaglit man sila, may dahilan iyon. Kung nagmumura man siya, bugso lamang iyon ng damdamin. At kung nakakapanakit man siya, patunay lamang iyon na mahal ka niya. Ngayon, kung nagalit siya, minura ka at saka tinanggalan ka ng isang tainga, iyon na ang masama. Pero, kung simpleng sermon lang, gaya ng sermon ng tatay at nanay mo, karapatan iyon ni Mam. Pero, ang bidyuhan mo siya, habang nagtuturo man o nagagalit, nagmumura at nananakit, isang kalapastanganan iyan, lalo't ikakalat mo upang masira ang iyong guro. Masama iyan, anak.Huwag kong kawawain si Mam, o kaya si Sir. Pangalawa mo silang magulang.


Pakiusap (Tula)

Mga magulang, para po ito sa inyo,
Ang tulang ito, basahin naman ninyo
Pakiusap.. Kami ay nagsusumamo
Dinggin ninyo, aming mga siphayo.

Bago naman sana kayo ay sumugod
Alamin niyo muna ang aming pagod
Pagtuturo namin, isang paglilingkod
Kayo pa sa amin ay hindi nalulugod.

Bakit tila yata kami pa ang masama
Pag anak ninyo'y aming dinidisiplina
Bakit? Di niyo ba sila lubusang kilala?
Pasakit sila sa amin, sutil silang talaga.

Ngayon, tanong ko ay iyong sagutin
Bakit anak mo ay ipinasok mo sa amin
Kung ganyan ka kung ako'y lapastanganin?
Nag-aral ako para respetuhin, di bastusin.

Kung ayaw ninyo ng aming patakaran
Puwes! Magtayo kayo ng inyong paaralan
Upang kabutihang asal, inyong mapag-aralan
Upang ang pagrerespeto, inyong malaman.

Hindi namin hinangad, inyong paghuhusga
Pagkat mga anak ninyo'y aming inaaruga
Gaya kung paano ninyo sila kinakalinga
Gayundin dito sa amin, sila'y mahahalaga.

Kaya, mga magulang, kami ay nakikiusap
Bago ka sumugod, ayusin iyong pangungusap
Pag-isipan lahat, saka sa amin ay humarap
Huwag kang magmarunong at magpanggap.

Lahat kami ay guro, sa kapwa'y may respeto
Mga mag-aaral namin, nais naming matuto
Nagagalit kami pagkat sila'y nagpapakabobo.
Binabalewala kasi pagod namin sa pagtuturo.

Ang lakas ng loob niyong magagalit sa amin
Di niyo man lang inisip aming mga hangarin
Matuto inyong mga anak, maging masunurin
Maging responsable at maging magalangin.

Pakiusap, kami ituring ninyong katuwang
Inyong mga anak, aming nililinang
Di namin nais sila'y maging mangmang
Kaya, kami, inyong namang tulungan.

Imbes na kayo'y sa amin ay magalit
Tumulong kayo, sa amin ay lumapit
Alamin, kilalanin, inyong mga paslit
Imahe namin, huwag gawing pangit.

Pakiusap..
Pakiusap...

Lunes, Oktubre 14, 2013

PAHILIS


KABANATA 1:
    Sabi nila ang kindergarten raw ang pinakamahalagang level ng edukasyon, dahil dito nakadepende ang pagkatuto ng isang bata. Dito dapat hinuhubog ang kaisipan ng mga bata dahil ito ang panahong tinatawag na critical stage.
     Kaya nga ba nagsulputan ngayon ang mga nursery schools? Dahil akala nila, mas maaga, mas maganda. Asus! Tsismis lang yun.
     Pa’no pala ako?
     Hindi ko natapos ang isang taon sa kinder. Ni hindi ko nga nakalahati. Kaya naman, hindi ko nakilala ang teacher ko o naging teacher ko, pati kamo mga kaklase ko.
     Hindi sa mahina ang memory ko. Wala lang talagang sapat na panahon para makabuo ng memories at experiences.
Mabuti na lang kahit paano ay may naalala ako. Ito ay ang pagkamasigasig kong makakuha ng 100%.
     Bakit?
     Siyempre, binibili ng erpat ko! Piso bawat isa. Suhol. Parang ganun.
     Ang paglagay ng star sa kamay ay di pa uso noon. Or I should say, hindi iyon uso sa amin. O hindi talaga modern ang kindergarten school sa amin. Public lang iyon, na kung saan volunteer lang ang nagtuturo. Umaasa lang sa contributions ng mga magulang.
      Masipag naman ako sa pag-aaral. Lagi nga akong may 100% at very good. Kaso di naman ako binabayaran ng sapat ng tatay ko. Kapag apat o limang 100% kasi ang nati-take home ko sa isang araw, ibig sabihin apat o limang piso din iyon. Mabigat sa bulsa. E, ako pa naman kapag may incentive, pursigido ako.
      Pero, kahit ganon, sinisipagan ko pa rin. Hindi lang naman kasi sa baon ako pumapasok. Ako ay isang taong may pagpapahalaga sa edukasyon.
       Ok na sana ang lahat, kaya lang sinunog ni ama ang bahay naming. Sayang! Ang ganda pa naman niyon. Perpektong halimbawa ng bahay kubo. Ang halaman doon ay sari-sari. Sinunog niya lang, kasi…
      Ewan ko! Family problem.
      Nahinto tuloy ako ng di oras. Kaya naman, ni pangalan ng teacher ko ay di ko maalala. Pati ang mga mukha ng mga naging classmates ko ay wala akong matandaan.
Salamat sa guro kong di ko kilala, dahil kahit papaano na-retain ang guhit pahilis sa ulo ko. Siguro dapat ko ng pangalanan ang kindergarten teacher ko ng….. Teacher Pahilis.


KABANATA 2:
     Yeheey! Grade one na ako! Sa wakas, matututo pa ako ng ibang uri ng mga guhit, maliban sa pahilis. Pero, teka….
     Dahil sa pagkawala ng aming tirahan, hindi agad ako naipa-enroll ni ermat. Okey lang! At least, tinanggap pa rin ako ng teacher ko kahit more than three days late na ako. Yun lamang, hiyang-hiya ako habang ini-introduce ako ni Ma’am Lipstick sa harap ng mga kaklase ko.
     Ma’am Lipstick na lang ang itatawag ko sa medyo may katandaan ko ng guro dahil masyado mabango ang lipstick niya. At saka nakalimutan ko na ang full name niya. He he!
     May memory gap na marahil ako. Akalain n’yong, isa lang ang naalala kong classmate. Siya si J. Burgos. Di ko alam kong pang-ilang J. na siya. Basta, malusog siya. Mayaman ang pamilya. I should say, isa sa mga mayayamang angkan sa bayan namin noon.
     Hindi ko siya makakalimutan kasi pinakain niya akong mga lumang tinapay, galing sa bakery nila. Isang lunch break iyon. Isinama niya ako sa building, kung saan sila nakatira at kung saan naroon ang negosyo nilang panaderya.Aywan ko kung bakit sarap na sarap ako sa mga tinapay na iyon? Halos may mga amag na nga iyon. Dahil siguro, wala akong baon noon.
     Malayo ang inuuwian kong bahay kaya pinagbabaon ako ni Mama. E, masyado akong punctual. Atat sa pag-aaral at pakikipagkaibigan. Kaya marahil naiwan ko ang baong inihanda ng aking ina. Saved by the bell naman, binusog ako ni Jose, habang nanonood kami ng pelikula sa Betamax.. Pero, imbes na magalit, wag ka, nawili akong kasama siya. Mga rich kids kasi ang mga kaibigan n’ya na naging kaibigan ko na rin. Wala sa akin ang salitang “ilang”. Hindi pa ako noon conscious kung mayaman man sila at ako’y pobre lamang. Ang importante sa akin ay magkaroon ng maraming ka-close.
     Kaya naman ang super crush ko ay naging kaibigan ko rin. Madalas kasi kaming magkakasama nina Jose at iba pang di ko alam ang mga pangalan.Pumupunta kami sa house ng barkada namin napakaputi.
     Ang gustung-gusto ko ay ang part na may kainan. Accommodating pa naman ang mother ng crush ko. Pamemeryendahin niya kami. Sarap! Pagkaing-mayaman, e.
     Tapos, maglalaro kami sa ilalim ng room namin. Stage kasi ang harap ng aming silid-aralan kaya naka-elevate at may ilalim. Buhanginan ang ilalim niyon. Kahit madilim, ginagawang playground ng halos lahat ng pupils ng Bulan South Central School. At kahit pinamamahayan daw ng white lady, madalas kami doon. Naglalaro ng tumbling-an at iba pa. pero ang hindi ko pinapalampas ay ang pangangapa ng mga barya sa buhanginan. Ewan ko lang kung nakakamagkano ako. Basta alam ko, ginagawa kong raket iyon. Madalas kasing wala akong baong pera.
     Kawawa pakinggan, pero hindi! Swerte ako sa ina. Asikasong–asikaso ako. Very neat ang buhok ko kapag papasok. Puting-puti ang uniporme. Pinagbabaon na lang ako ng tira-tirang almusal like pandesal, nilagang kamote o pritong saging.
      Hindi ako nagrereklamo. Iyon nga lang ay palihim kong kinakain ang baon ko. Iinom ng paunti-unti ng calamansi juice habang nakamasid sa mga maykaya at mayayamang kong kamag-aral. Naiinggit din ako sa kanila kahit paano. Kasi naman, kung hindi sandwiches,chitcheria ang baon nila. Kung di chocolates, mga kendi ang mga nasa bibig nila. Sari-sari. Nakakatakam. Tapos, lalabas pa sila para bumili ng mga paninda ng mga vendors sa gilid ng school. Mga laruan. Bazooka. Cheezum. At kung anu-ano pa.
     Oo! Naiinggit ako, pero hanggang doon lang iyon, hindi ako nagnanakaw ng baon nila. Nakikiamot siguro pero never kong pinagnakawan ang mga classmates ko. Kahit ng mga gamit nila ay hindi ko pinag-interesan.
     Nagse-self pity lang ako.
     Wala man lang akong pencil case. Samantalang sila, pagandahan. Ako? Nilalagay ko lang sa bulsa ng knapsack bag ko ang mga lapis ko. Ang mga pambura nila, ang babango. Iba’t ibang kulay, hugis at anyo. Padamihan sila ng eraser. Samantala ako, kuntento na sa eraser na nasa Mongol ko. Kaya pag pudpod na, laway at daliri na lang ang gingamit ko. Minsan, rubber band o lastik ang ginagamit ko. Itatali ko lang sa dulo ng lapis ko at presto! Eraser na. Try n’yo.
     Wala akong sharpener. Samantala sila, iba’t ibang sizes. Marami lang akong lapis. Iba’t ibang sizes din. Kasi pinupulot ko ang mga tinatapon o binabasura nilang maiikling lapis. Palibhasa, mayayaman sila at may pambili hindi nila inuubos.. Pero, favorable sa akin iyon, kasi pag napuputol ang tasa ng lapis ko, may nadudukot akong lapis, kahit maikli na.
     Sa pag-uwi ko, saka pa lamang matatasahan ang mga naputtulan ng tasa kong lapis. Pinatatasahan ko ang mga iyon sa aking ama gamit ang kanyang matalim na itak.
     Ang crayola ko, single lang. Samantalang sila, may mga gold at silver pa ang mga crayons nila. Nagkasya na ako sa walong kulay na pilian. Kaya nga siguro, igno ako sa ibang kulay.
      Gayunpaman, ang karukhaan ko ay hindi hadlang sa pagkatuto. Sa halip, pinagbuti ko na lamang ang performances ko. Madalas akong nakatayo, hindi dahil pinaparusahan ako, kundi dahil nagre-recite ako. Aktibo ako sa klase. Nakuha ko ang atensiyon ni Ma’am Lipstick. Kaya, madalas akong may 100% o very good.
      Malas lang kasi hindi na binibili ni ama ang mga one hundred ko. Nauunawaan ko rin naman ang sitwasyon.
      Ang mas malas ay ang di ko na nagawang magpaalam sa aking guro, mga kaklase at mga kaibigan nang biglaan kaming nangibang-bayan. It was before kami nag-recognition day. Hindi ko na tuloy nakuha ang third honors ribbon ko. Nalaman lang namin na third ako. Hindi iyon sabi-sabi, a. pangatlo talaga ako.
     Hindi na ako nsg-complain. He he!



KABANATA 3
    Pagkatapos kong ma-experience ang pagkakaroon ng mga mayayamang kamag-aral, naranasan ko naming makihalubilo sa mga estudyanteng mahihirap na gaya ko..
     Sa isang malayong baryo  ng isang bayan kami napadpad ng aking pamilya. Tulad noong una, panibagong pakikisama. Panibagong kaibigan. Kamag-aral. Guro. At eskuwelahan.
     Ang hirap! Parang laging nagsisimula. Laging bagong salta. Mahirap talaga. Pero, okey lang. Mas nakakasabay ako sa kanila. Alam ko, pare-pareho kaming poor. Wala na ‘yong inggit na nararamdaman ko. Wala naman kasi silang ipagmamalaki o ipagwawagayway. Pare-pareho lang halos kami ng baon. Mais. Kamote. Saging. Bayabas. Santol. At iba pang seasonal na pagkain at prutas.
     Minsan nga, umuuwi na lang ako sa bahay ‘pag recesss. Tutal, kaharap lang ng school ko ang house naming pahilis.
     Oo! Pahilis! Salamat sa kindergarten teacher ko dahil tinuruan n’ya ako ng guhit-pahilis. Nalaman ko tuloy na ang aming bahay ay nakapahilis. Ewan ko kung bakit dun kami nakatira. Siguro dahil malapit sa iskul. Mabuti na lang, hindi halatang pahilis.
      Again, wala akong maalalang classmate ko, ni isa. Gayundin ang pangalan ng guro ko. Ang naalala ko lang ay dalawang nakakahiyang pangyayari sa loob ng silid-aralan. Ayoko na sanang ikuwento pa, pero kailangan dahil hindi makukumpleto ang kuwentong pahilis kung ililihim o ikakahiya ko pa..
     Haaaa!
     Una…
     Recitation sa Math. I have to count from one to one hundred. Dyusme! Hindi ko matapos-tapos. Antagal kong nakatayo sa harapan at pabalik-balik sa 69. Sabi ko. “60, 61, 62, 63, 64, 65, 66, 67, 68, 69, 60, 61, 62………69, 60”. Stop!,sabi ng teacher ko.
      Ganun ako magbilang. Hindi ko masabi ang seventy. Nalilito ako. Alam kong mali ako, pero 60 pa rin ang nasasabi ko. Para akong nasa gitna ng kagubatan at pinaglalaruan ng engkantada.
      Siguro, nakatatlong ulit ako sa sixty, bago pa napansin ni Ma’am. Sabi niya, “seventy”. Ayun! Natapos ko na ang 100. Inabot din ako ng 60 years sa harapan. Pero sa totoo lang, walang tumawa sa akin. Tatawa ba sila? E, baka sila rin ay mas malala pa ang kabobohan kesa sa akin.
      Pangalawa..
      Wala munang tatawa. At paumanhin sa mga kumakain..
      Natae ako sa shorts ko. Kadiri! Bago pa tuluyang umabot sa tsinelas ko ang daloy ng diarrhea ko, lumabas na ako ng walang paalam. Di ko na nabigkas ang “May I go out, Ma’am?”. Bastos na ako kung bastos. Ayaw ko lang maamoy nila ang matubig kong poopoo. Siguro, may naiwan akong patak-patak doon.
      Hindi na ako pumasok kinahapunan.
      Kinabukasan, kinausap ako ni Ma’am. Pinayuhan lang naman ako na wag kumain ng kung anu-ano upang hindi masira ang tiyan ko. Pagkatapos nun, parang wala na. Walang-hiya pa ako noon. One day lang ako nag-suffer sa kahihiyan. Pangalawang araw, balewala na. Parang walang nangyari. Mabuti na lang ay walang tumukso sa akin ng “ae ae”. Kung meron man malamang baka Grade one lang ang inabot ko.
     Mabuti na rin na hindi iyon nakaapekto sa class standing ko. Pasalamat nga ako kahit fifth honors lang ay nabigyan ako. Sa totoo lang, wala akong appeal sa guro ko. Hindi ko kasi nakuha ang kiliti niya. Hindi ko masyado nagamit ang kukote ko.
     Ayoko na sanang umakyat ng stage para lang makuha ang ribbon ko, kasi paalis na kami noong araw na iyon papuntang Maynila. Napilit lang ako ng ina ko. Proud sila, e! Kuntodo asikaso pa ako ni Mama. Binihisan. Sinapatusan. Sinuklayan, para lang sa kapirasong katibayan ng karangalan. Sabagay, once in a lifetime lang ang chance na iyon. At mabuti nga, hindi dishonor ang natanggap ko like “Tataero of the Year”, “Most Hygienic” o “Best in Counting”. Insulto naman, di ba?
     Lumarga na kami, pagkaabot ko mismo ng ribbon ko. Nalungkot din ako kahit paano. Masaya kasi sa lugar na iyon. Marami akong childhood memories. Doon ko unang naranasan ang mga pangbukid na paglalaro. Maghapong pagligo sa ilog. Panghuhuli ng hito sa palayan. Pag-akyat ng mga puno. At napakarami pang iba.
     Salamat sa lugar na iyon. Kinumpleto niya ang buhay-estudyante at kabataaan ko.Proud ako, kasi kung mayaman kami baka hindi ko naranasan ang mga iyon.


KABANATA 4
     Para kaming ligaw na mga daga. Kung saan-saan kami lumulungga. Isang taon lang ang tinatagal namin sa isang lugar. At noong Grade 3 nga ako, sa Tarlac naman ako nakapag-aral.
      Matatalaib, Bato Elementary School ang pangalan ng paaralan ko sa Tarlac. Medyo nakakahawig iyon sa Grade one school ko. Karamihang maykaya ang mga kaklase ko, mga nakatira sa subdivision, mga mapuputi ang balat, halatang anak-mayaman. Samantala ako, isang kulay-brown.
        Ikinahihiya ko nga sa una ang aking ina. Nagtitinda kasi siya ng ice candy sa school namin. Kaya pag recess hindi ako lumalapit sa kanya kahit gusto kong humingi ng ice candy. Ayoko kasing malaman ng mga crushes kong sina Alpha at Ruth na nanay ko ang isa sa mga nagtitinda doon. Pero nang lumaon, ako mismo ang nagpakilala sa kanila. At ayun! Nakakahingi na ako ng tinda niya. At dahil dun, hindi na rin ako nahihiyang magtinda sa kanila ng yema, mani, tip-top, beans at kung anu-ano pa. Inaangkat ko iyon sa kapitbahay namin.Dagdag kita. Dagdag pogi points sa crushes ko.
      Hay! Ang sarap ma-in love.
      May malisya na ako noon. Nakakaramdam na ng kung anu-anong kamanyakisan.
      Ang saya! Ang sarap ma-in love. Feeling ko noon, binata na ako. May theme song pa ako para sa tatlong babaeng pinagpapantasyahan ko. Sounds funny but it’s true. Paborito ko ang kantang “Si Aida o si Lorna o si Fe”. Nakakarelate kasi ako. Tatlo silang pinagpipilian ko. Si Ruth. Si Alpha. At si Rhodora.
     Si Rhodora ay kaklase at kapitbahay ko. Sa magulang niya ako humahango ng mga paninda. Madalas akong nasa bahay nila kaya naging close kami sa isa’t isa.
     Si Alpha at si Ruth. Mapuputi sila. Mukhang-mayaman. Pero hindi ako makaporma sa kanila dahil sa inferiorities. Hindi ako nababagay sa kanila. Gayunpaman, labis ko silang hinahangaan.
      Ang saya ma-in love.
      Pero may sad moment din. Embarrassing din. Eto na naman ako. Pulos ako kahihiyan. At akalain n’yong sa Mathematics na naman ako pumalpak! Pulpol nga marahil ako sa subject na ito.
      Hiyang-hiya ako nang iumpog ni Mrs. Imelda Go ang ulo ko sa blackboard. Hindi ko kasi ma-solve ang division problem na 3-digits divided by 2-digits. Antagal ko sa harapan. Erasea ko ng erase. Siguro nainip si Ma’am. Ayun!
      Toink!
      Napaluha ako nun, hindi sa sakit, kundi sa kahihiyan. Hindi ako makatingin sa mga kaklase ko. Nabawasan yata ang pag-asa ko sa mga crushes ko. Tapos, anlakas pa ng tawanan.
      December. Medyo nakalimutan na ng lahat ang nangyari. Hindi na rin ako naiilang at naiinis kay Ma’am.
     Merry-making na. First time ko ma-enjoy ang party na iyon, dahil noong Grade 1 and 2 ako, hindi ko pa masyado alam ang, real essence ng selebrasyong iyon. Basta kakain lang ako. Pero noong Grade three ako, superconscious ako sa attire ko. May pinapa-charming-an na kasi.
      Kakatwa lang, kasi uso pa noon ang KKB. Kanya-kanya baon. Walang ambagan. Pasarapan na lang ng baon. Ang baon ko noon—spaghetti, fried chicken, Royal at biskwit.
      Ang exchange gift namin ay worth P10. Masaya na kahit anong makuha. Sabong pampaligo yata ang nabunot ko noon at isang towel.
      Ansarap talagang maging bata!
      Hindi ko pa noon alam ang kompetisyon kaya hindi ako conscious sa mga grado ko. Ang alam ko nagpa-participate ako. Nagre-recite. Gumagawa ng assignment. Ng projects. Pinag-iigi ko ang pagsagot sa mga tanong kapag exam.
       At nalaman ko na lang na third honor ako. Akalain mo?! Ikinagulat ko iyon, huh. Pero mas ikakagulat ko kung “Best in Mathematics” ako. He he!
     Tulad noong Grade 1 ako, hindi ko rin natanggap ang ribbon ko. Kasi, dalawang lingo pa bago ang closing, nasa Maynila na kami.
     Sayang!
     Sayang! Di ko man lang nasabi kina Ruth, Alpha at Rhodora na crush ko sila.

KABANATA 5
     Kung naging mahirap para sa akin ang pagiging ligaw na daga naming mag-anak, naging malungkot naman ako noonmg Grade 4 kasi nagkahiwa-hiwalay kaming mag-anak. Nagtatrabaho ang mga magulang ko. Kami naman ng kuya ko ay ipinagkatiwala sa pangangalaga ng tiyo ko. Lingguhan lang sila kung umuwi. Pero ayos lang! Kasi may kalaro kaming pinsan.
     School day..
     Pina-enroll ako sa San Juan Elementary School. Sa Cainta, Rizal iyon. Panlimang iskul ko na iyon mula noong kinder ako.. Grabe! Naikot na naming ang Luzon!! Pero okey lang. Mas maganda ang pag-aaral ko noon.
      First time. Nagkaroon ako ng mga pangmayamng school supplies. May maganda akong school bag. Bagong sapatos. May job kasi ang parents ko. At dahilan iyon upang magpursige ako.
      Hindi ako nagmamayabang, pero talagang naging teacher’s pet ako. Lagi akong pinupuri ng guro ko, na kahit hindi ko na alam ang pangalan ay talagang nagpadagdag sa akin ng self-esteem. Binuhay niya ang intellectual something sa kukote ko. No more kahihiyan! Puro na lang papuri. Halos ako ang nag-excel sa lahat ng subjects. Ang galing ko nga noon sa Math . Sa counting. Divison. Hindi na rin ako nag- diarrhea. Mahusay na rin ako sa reading. At in fairness, napansin na ni Ma’am ang ganda ng penmanship ko.
      Kaya ko ngang mag-first honors sa school na ‘yon kaya lang ay napakaimposible.Transferee lang ako. At saka ang masama, hindi ko na natapos ang santaon. Kalahating taon lang ang maturity date ko sa school na iyon. Half a year lang akong naging sikat, dahil unfortunately, kelangan namin umuwi sa Bicol.
      Hindi ko alam ang rason. Ang alam ko lang, umiyak ako noon habang nagpapaalamn sa mga librong ipinahiram ng San Juan Elementary School sa akin.
      Gustong-gusto kong magtapos doon. Sayang! Wala akong nagawa.
      Mabuti na lang napapayag ni Mama si Mrs. Espineda na maipagpatuloy ko ang Grade 4 sa klase niya. Iyon nga lang daw --- hindi ako pwedeng magkahonors. Okey lang.
       Kahit dati akong estudyante sa iskul na iyon noong Grade 1 ako, nanibago pa rin ako. Grabeng adjustments ang ginawa ko. Sa lessons. Sa guro. Sa paligid. Sa mga classmates.Mabuti na lang nakahabol at nakapag-adjust ako. Na-close ako sa ibang kaklase ko. Naging active pa rin ako academically kahit salim-pusa lang ako.
     Okey lang iyon! Wala rin naman talaga akong naunawaan sa lecture ni Ma’am. Hindi dahil hindi siya magaling magturo, kundi dahil distracted ako. Puro daldalan at laro ang nangyari sa loob ng classroom kahit nagleleksyon. Biruin mo. May naglalaro ng mgapaperdolls. May nag-SOS. May napi-FLAMES. May nagteteks. Marami pang distractions ang nagaganap habang nasa gitna si Ma’am. Minsan pa nga, pinagtatawanan nila ang mata ng aming guro.
     Mabuti mabait si Ma’am. Siya lang ang titser ko na hindi nagalit o nagsalita ng masakit, kahit napakakalat ng room. Kahit maingay, sige pa rin ang lecture. Ang ginagawa niya pag naiinis na ay aalis na lang at sasabihing may meeting daw sila. Pero, deep inside, gusto ng magwala.
     Naaawa ako sa kanya. Pero, bilib ako sa self-control niya.

KABANATA 6
     Sa wakas. Nakabalik na kami sa lupang sarili. Nagtayo kami ng bahay malapit sa sinunog na bahay kubo noon. Pero, that time mas malaki. Hindi na bahay kubo. Medyo mas moderno. Modernong bahay kubo! He he.
    Grade 5 na ako. Kasalukauyan ko nang nararanasan ang tinatawag na adolescence o puberty. Conscious na ako sa looks ko. Madalas na akong nasa harap ng salamin. Hindi na ako nagsusuot ng gusgusing damit. Isputing lagi.
    School day na. Time to know my teachers and classmates. Time to compete. Time to learn.
    Ang mga kaklase ko ay familiar sa akin. Sila rin kasi ang mga classmates ko sa kinder. Kaya naman, parang ang bilis ko lang sila nakilala. Marami sila pero babanggit ako ng konti at isasalarawan sila upang kapanipaniwala:
     Liza – Kinaaasaran ko. Masyado kasing maarte magsalita. Pero hindi siya galit sa akin.
     Joey – Nayayabangan ako sa kanya, pero kaibigan ko siya. Sinasama niya ako sa bahay nila. Umaakyat kami ng kaimito.
    Irene – Consistent fisrt honors daw from kinder to Grade 4. May dugong Chinese, pero hindi sila ganoon kayaman. Teachers’ pet.
     Francis – Pinsan ni Irene. Laging second honors. Nakakasalamuha ko rin siya.
     Mariel – Mahilig manukso at magbiro. Nakakapikon siya pero di ko nagawang awayin siya. Maliit lang kasi. Nakakaawa lang siya pag binubog ko. He he.
      Rodea – Matabil, maingay at mataray. Naiirita ako sa ingay niya, pero napagtitiyagaan ko.
      Annie – Hindi siya si Annie Batungbakal pero gusto ko ang pagkakalog niya. Pa-cute ( minsan sa akin). He he. Pero natutuwa ako sa mga hirit niya.
      Teddy – Naging close friend ko pero lumalayo ako pag may babae, kasi di ako napapansin.
      Dindo – Ewan ko sa kanya! Nakasalamuha ko rin pero parang ako rin siya. Tahimik at aloof.
      Mark Anthony – Siya ang sumagi sa akin na naging dahilan ng pagkahulog ko sa pader na una ang likod. Ang sakit nun ah!

        Sila ang mga naaalala ko. Marami pa sana kaso baka mapuno naman ito kung lalahatin ko sila.
       Teachers naman…
        Mrs. Celestina Diesta – Adviser naming siya. Sibika ang hawak niyang subject. Mabait.
        Mrs. Roselyn Brezuela – Filipino teacher. Naging favorite ko siya dahil favorite ko ang subject na itinuturo niya.
        Mrs. Muriel Endiape – Science teacher. Nanay siya ni Joey. Natuto akong mag-compute ng konsumo sa kuryente dahil sa kanya.
         Mrs. Zenaida Balana – Music and Arts teacher. I hate music but I love arts, kaya kalahati lang ang interes ko sa time niya. Gustong-gusto ko ang parte na gumawa kami ng mosaic using egg shells.
         Mrs. Rhode Fe Maldo – English teacher; dyina-judge ng karamihan as asuwang. Pero hindi ako naniniwala o matatakot. Gustong-gusto ko nga siyang magturo. Magaling siya. Sinasabi lang nila iyon dahil hindi siya palangiti at hindi masyado nakikisalamuha sa ibang titser. Pero di siya masungit. Natuto nga ako sa kanya ng tamang pagbigkas ng tulang Footprints in the Sands.
           Mr. Luis Gueta – Math teacher siya. Mahusay sa subject na ito. Dahil sa kanya naiba ang tingin ko sa Mathematics. Lalo na ng pinili niya ako upang i-represent ang school naming sa interschool Math Quiz. Binati niya ako ng masaya nang naging 5th placer ako. Ako kasi ang may pinakamataas na natamong karangalan sa aming magkaklaseng isinabak niya.
            Mr. Deo Luzuriaga – EPP teacher . Pagdating sa gardening, siya ang expert. Field work kami lagi. Siya rin ang commandant ng mga scouts. Ang gusto ko sa kanya, binibigay niya na niya s amin ang mga gulay na aming itinanim at inalagaan. Humingi man siya, konti lang.
             Mrs. Norma Gueta – Home Economics teacher. Asawa siya ni Mr. Gueta. Medyostrict pero mabait. Hindi ko malilimutan sa kanya ang pagtuturo niya sa amin ng pagluluto at pagbuburda. Natuto akong magluto ng santol jelly dahil sa kanya. May novena pa kaming part. Pero hindi ako pumapasok ng church. Hindi kasi ako Katoliko.

     Sila ang mga guro ko noong Grade 5 ako. Lahat sila ay siguradong humanga sa intelektuwal kong angkin. Matataas ang mga grado ko sa kanila, pero ni minsan hindi ko nagawang sumipsip sa kanila na gaya ng iba kong kamag-aral.
     Usong-uso noon ang favoritism. Grabe!
     Pero ako..sariling sikap. Sariling utak. Walang daya. Kung tutuusin nga, mas matalino pa ako sa first honors nila e. Oo! Walang yabang ‘to. Nauna lang siyang sumikat kesa sa akin. Nakilala bilang consistent first honors pupil. Nasanay ang tao na siya ang first. Kaya nga siguro nanalo siya bilang campus president.
     At dahil hind ako sikat, loser ako. Hindi ako nagging senador. Hmp! Nadaya yata ako. He he.
Kaya nga gustong-gusto kong sumali sa mga program at activities, para at least makikilala ako. Sa kasawiang-palad, isang beses lang akong nakasali sa program. Ito ay ang pagsayaw namin ng modern cha-cha. Kahit parehong kanan ang mga paa ko, sumali talaga ako. Mabuti na lang, malakas din ang palakpakan.
    Closing ceremony.. Fourth honors lang ang lolo niyo. Malungkot kong tinanggap ang ribbon sa entablado. Pero wag ka, proud na proud ang aking ina. Ganun talaga ang mga nanay.
Sabi nga niya sa mga taga-samin “Matalino talaga yan, kasi sariling sikap. Hindi yan nagpapaturo sa amin.” Totoo iyon. Hindi naman talaga ako lumapit sa mga magulang ko upang magpaturo.
      Kahit kapos sila sa edukasyon, malaki ang pagpapahalaga nila dito. Ito raw ang kayamanang hindi nananakaw ninuman.

KABANATA 7
     Grade six moments na ito. Malaking-malaki na ang pagpapahalaga ko sa edukasyon. Kompetisyon na rin ang turing ko sa bawat recitation period. Tinuturing kong kaaway ang mga kaklase kong madalas tumayo at mag-recite. Kinaiinisan ko sila. Pinagdadamutan ng sagot. Mas mabait ako sa mga medyo tahimik at di nagpa-participate. Pinapakopya ko pa nga.
    Dahil ga-graduate na, pinag-ihigihan ko. Nagsunog ako ng kilay,both literally and idiomatically. Literal kasi,wala kaming kuryente. Gasera lang ang gamit naming kay halos magkandasunog ang mga kilay ko sa pag-aaral tuwing gabi.“Maawa ka naman sa mga mata mo.”, madalas sabihin sa akin ni ina. Gabing-gabi na kasi ako kung matapos mag-aral. Kasi naman pagdating ko galing iskul, tutulong muna ako sa mga gawaing-bahay. Pagkatapos maghapunan saka lang ako magsisimulang mag-aral o magsunog ng kilay.
     Panay din ang presenta ko sa mga curricular activities pero hindi ako sinasali. Tinatanggihan nila ako. One time nga, na-consider sana ako para gumanap na lasenggong anak sa isang play na may titulong “Tatanda Ka Rin”. Araguy! Iba ang napili. Baka raw hindi ako marunong maglasing-lasingan.
Nainis ako pero okey lang din. Na-realize ko rin naman na hindi pala ako mukhang lasenggo.
     March na. Ipinaalam na ang final honor roll. Third ako o first honorable mention. As usual, valedictorian ang teachers’ pet. Naiinis ako nang sabihin nilang third lang talaga ako at hindi na pwedeng tumaas pa. Hindi raw kasi ako nag-grade one doon. Pero mas naasar ako, nang sabihin nilang kinonsedera lang nila ako. Dapat daw 4th honors lang ako. Nag-give way lang daw ang 4th. Aba! Questionable lalo iyon para sa akin. Hindi na ako papayag.
     Kaya nama, nag-blowout si Mama. Kitang-kita ko ang mga ngiti nila na halos lumampas na sa kanilang mga tenga. ( Ayoko na magsalita.)
     Graduation day.Ako ang nag-Pledge of Loyalty.Hindi ko masyado gusto ang piece ko kasi mas gusto ko ang valedictory or salutatory address. Ambisyoso..
      Kaya noong nagsasalita na ang valedictorian, nakinig ako ng maigi. Hmp! Hindi niya mai-deliver ng maganda. Hindi niya rin ma-feel. Mas gugustuhin ko pang si Salutatorian ang valedictorian. She doesn’t deserve it!
      As usual, proud na proud ang parents ko, lalo na si Mama. Twice siyang umakyat ng stage kasi “Best in Filipino” pa ako. Niregaluhan niya ako pagkababa namin ng stage. Naiyak din ako sa saya.
Noon ko naunawaan ang lagi nyang winiwika.
     Oo! Nanakawan ako ng karangalan, pero hindi ng karunungan. Isang binilog na gintong bakal lang iyon, kumpara sa tunay nag into na nakatatak na sa aking isipan.


KABANATA 8
     Baon ko pa rin ang hinanakit pagdating ko sa mataas na paaralan. Nayayamot pa rin ako sa isang partikular na tao. At tuloy pati mga kaibigan nya ay kinainisa ko na rin.
     Kompetisyon talaga.
     Kaya, ginalingan ko. Sumali ako sa mga activities. Sa recitations, hindi ako tumatahimik. Sa mga quizzes at exams, hindi ako nagpapahuli. Ang mga projects, pinagbubuti ko. Sinalihan ko lahat halos ng clubs at organizations.      
     Nag-workshop ako sa performing arts. Nag-drummer ako. Lumaban sa pagka-senador ng campus. Kahit natalo, at least nag-try ako at nagpakita ng willingness to serve the Alma Mater.
     Pinaghusayan ko ang mga performances. Mahusay na ako sa Math. Kahit alam kong may mas mahusay pa kesa sa akin, masasabi kong kaya kong makipagtagisan sa kanila.
     Pinaborito ko lahat ng asignatura, kahit Values Education. Kahit ang Florante at Laura sa Filipino 1. Sinikap kong unawain ang mga talasalitaaang ginamit sa aklat kahit walang savor ang Filipino teacher namin, na ginagawang katatawanan ng lahat.
     Kahit ang PEHM…
     Kahit nabo-boring ako sa Araling Panlipunan…
     Kahit nababaluktot ang dila ko at nauutal ako sa English…
     Pinilit kong mahalin at isapuso. Pinag-aralan ko lahat, for the sake of grades. Besides, kaya nga ako pinag-aral, upang matuto, hindi upang mamili ng mga subject.
     Madalas akong class officer. Hindi nga lang ako president. Pero ang pinaka-achievement ko ay ang pagpili nlia sa akin madalas bilang lider sa bawat proyekto, programa o gawain. Pasalamat ako dahil paano ay may tiwala sila sa akin at sa aking abilidad.
     Napansin din nila ang penmanship ko. Pang-engineer daw, sabi nila. Para tuloy akong artista na hinihingian ng autograph. Pinapasulat nila ako sa kuwaderno. Minsan nga nabuko ako ng titser ko sa Araling Panlipunan. Napag-alaman niyang ako ang gumawa at nagsulat ng assignment ng isa kong kamag-aral. Bilang parusa, pinagsulat ako sa blackboard ng mga dapat kopyahin. He he! Hindi iyon kahihiyan sa akin. It’s a compliment!
     To make the story short, balewala ang mga pinagpaguran at mga pinagpuyatan ko..Eighth honors lang ako, e..
     Hindi ko na kinuha ang ribbon. Nakakahiya e.
     Sinakop noon ng mga babae ang iskul namin. Imagine, halos lahat babae ang nasa honor roll. Sadya nga yatang matatalino ang mga babae.
      Kunsabagay! Hindi dapat sisihin ang mga guro. Wala silang favoritism. Kasalanan ko. Nagpaapekto ako sa sitwasyon sa pamilya ko. Madalas akong absent.
      Eto ang kuwento..
      Nagtratrabaho si Mama sa Maynila. Naglalasing lang si Papa. Naghihintay ng padala. Ako ang nag-aalaga sa two years old kong kapatid. Madalas akong lumiban sa klase dahil naaawa ako sa kanya baka kasi mapano kapag lasing na ang aking ama.
     Iyon!
     Madalas akong umiyak. Mag-isa. Gusto kong tumigil sa pag-aaral. Pero patuloy pa rin ang bilin ni ina na mag-aral ng mabuti. Kaya, inisip ko na lang ang hirap at sakripisyo niya para sa amin.
     Natanggap ko rin na 8th honors lang ako.

KABANATA 9
     Second year sa school ding iyon. Miserable. Ayaw ko na sanang balik-balikan pa, pero naisip ko, dapat lang alalahanin dahil bahagi ito ng buhay ko.
     Sana maging inspirasyon ito sa iba..
     Lalong lumala ang sitwasyon. Kahit gustong-gusto kong mag-aral sa gabi ay hindi ko na magawa. Pumapasok lamang ako sa para sa attendance. Parang hindi na rumirehistro ang mga kaalaman sa ulo ko. Pumurol ang kukote ko. Napalitan ng depresyon ang laman ng utak ko. Para akong wala lagi sa ulirat. Nasa iskul ang physical body ko pero nasa labas ang isip ko. “Ano kaya ang ulam na niluto ni Papa?” O kaya, “Nagsaing na kaya siya?”.
     Nakakaiyak pag umuwi akong wala pang kanin. Magsasaing pa ako bago makakain. E, one hour lang ang lunchbreak. Kelangang makabalik ako ng school bago mag-ala-una. Minsan late ako. Madalas din na ako pumapasok sa panghapong klase.
     Naiyak ako nang kausapin ako ng adviser ko in front of my classmates. Bakit raw consecutive absents na. Dati-rati, every other day o kaya half-day. Bago pa ako nakapag-explain, tumutulo na ang luha ko. Dahil miss na miss ko na ang aking ina, tinuring ko na rin siyang pangalawang ina. Tila bagang nagsumbong ako sa kanya. Pahikbi. Alam ko, nakikinig ang mga kaklase ko, pero ipinagpatuloy ko. Nabigla ako nang alukin akong tumira sa kanila. Wala kasi silang anak.
     Ampunin ba ako?!
     A…E…E…A…E… ang sabi ko. Hind ako humindi. Hindi rin naman umuo. Idinahilan ko ang pagkaawa ko sa aking kapatid. Kung wala lang sana akong kapatid na maiiwan..
     Hindi niya ako pinilit. Sabi lang niya, baka raw magbago ang isip ko.. Hindi nagbago ang isip ko.
     Hanggang maramdaman ko na lang na Marso na. Natapos na pala ang kalbaryo ko sa pagpasok. Hindi ako umasa sa honors na 'yan. Alam ko na, na wala talaga. Masyadong pumahilis ang mga marka ko. Iyon ang totoo.
     Closing Exercises.
     Wala talaga akong natanggap. Wala! Kahit Most in.. o Best in man lamang. Best Actor siguro.
     Nakakaapekto talaga ang pamilya sa pag-aaral. Kung ang pamilya ang unang hakbang sa pagkatuto ng isang bata ay siya ring dahilan ng pagkasira ng pag-aaral ng isang bata.
     Hindi naman kami broken-family. Pero ewan ko kung bakit napakalaking epekto sa akin ang suliraning iyon.

KABANATA 10
    Nanumbalik ang eagerness ko sa pag-aaral. Dahil siguro iyon sa aking ina at sa kanyang pagpupunyagi na mapagtapos kaming magkakapatid. At dahil na rin siguro sa mga school supplies na tinamo niya sa akin.
     Para akong musmos na bata. Nasuhulan lang ng lollipop, tumahan na.
Masarap naman talagang mag-aral pag kumpleto ka ng gamit. May mga iba’t ibang sizes atcuts ng pad paper, pentel pen, coloring materials at iba pa.naalala ko tuloy ang mga araw na walang-wala ako ni mamahaling eraser.
      Pero wala ng sasarap pa kung walang problema. Para walang ingay kapag nagre-review.
     Ayun nga! Kabubukas pa lang ng klase, umepal na ako sa lahat ng guro. Laging nakataas ang kamay ko. Gamit na gamit ko ang vocal cords ko. Unti-unti kong nabawi ang natunaw kong utak. Um-active akong bigla. Kaya naman, madalas kong makitaan ng lihim na papuri ang mga titser ko, lalo na ang guro ko sa Filipino III. Hindi siya ang guro ko sa I at II. Napamahal ulit sa akin ang subject na Filipino dahil sa kanya.
     Ngunit… Datapwat… Subalit… Kaya lang…Pero… nangyari ang di inaasahang bagay.
     Namayapa ang aking butihing ama, mahigit isang buwan pa lang ang nakalipas pagkatapos mag-resume ang klase.
     Pagkatapos ng libing, kinabukasan, bumiyahe kami ng pinsan ko patungong Maynila. May dahilan kaya mas pinili kong itigil ang sinimulan ko sa mataas na paaralang iyon. Sayang lang..
     Pagdating sa Maynila, wala ng gustong kumanlong sa akin. Hinihintay ko ang nangakong kamag-anak na pag-aaralin ako ay ihahabol sa pasukan, pero nabigo ako. Pinaniwala ako na hindi na ako matatanggap dahil Agosto na.
     Bakit noong Grade 4 ako?!
     Hinanakit lang ang napala ko sa pagtakas sa probinsiya..
     Ayun! Nabakante ang utak ko. Gayunpaman, hindi pa rin nabawasan ang pagpapahalaga ko sa edukasyon. Lalo lang itong tumibay. Ang hangarin kong makatapos ay lalo lang tumaas. Ang masama na lang, kinaiinipan ko ang bawat sandali. Kinaiinggitan ko ang mga pinsan kong pumapasok. Minsan nga, binubuklat ko ang mga aklat at mga kuwaderno nila.
      At wag ka! Iyong mga pinaglumaan nilang notebook na may mas maraming blank pages kesa sa may sulat ay hiningi ko. Tinahi ko ang mga iyon at nakabuo ako ng tatlong secondhand sewn notebooks. At, hiningi ko rin ang mga aklat nila, kahit alam ko na hindi ang mga iyon ang textbooks sa public school. At least, may reference ako.
     Naghintay ako ng June. Halos isang buong taon akong naghintay at nainip. Sa paghihintay ko, nakaranas ako ng masakit na dagok sa buhay. At dahil dito, naipangako ko sa sarili ko na hindi ko pipiliing maging mangmang. Magsusumikap ako.

KABANATA 11:
    Panibagong school na naman. Panibagong pakikisama. Panbagong hamon at pagsubok. Panibagong experience. Panibagong ambience.
    Kung bibilangin, simula kindergarten hanggang third year high school, nakawalong paaralan na ako. Kung nagbibigay ng Loyalty Award ang bawat school na papasukan ko, hindi ako mabibigyan. Bakit nga naman ako a-award-an!? E, palipat-lipat ako. Look:
....Kindergarten sa San Francisco
....Grade One sa Bulan South Central School
....Grade Two sa Guruyan Elementary School
....Grade Three sa Matatalaib Bato Elementary School
....Grade Four sa San Juan Elementary School at Bulan South Central School
....Grade Five at Six sa San Francisco Elementary School
....First at Second Year sa San Francisco National High School
....at Third Year sa Antipolo National High School
     Ayun na nga.. enrolled na ako. Nagsimula na ang klase. Nanibago ako. Sobrang hiya ko noon kasi lahat sila magkakakilala na. Ang mga mata nila ay nakadako sa akin. Para akong gringo.
     Pero, pagkalipas ng ilang araw, adjusted na ako. Kilala ko na ang bawat isa. May kakuwentuhan na rin ako. May kabiruan pa. May nagka-crush sa akin. Ahem! At siyempre, may crushes din ako..
     Lumaon pa, nakipagkumpitensiya na rin ako sa mga pioneer na estudyante. Ginawa ko ang lahat para mapansin ng mga guro. NagpakaKSP talaga ako. So i did! Nalaman nila ang abilidad ko. Sinali ako sa mga contests. Poster-making. Slogan-making. Essay-writing. Etc..
     Na-nominate at na-elect ako as class officer.
     Nagwagi ako ng mga parangal. Second placer ako sa pagbabaybay. Nag-second din ako sa pagsasatao o monologue.. Nakakahiya lang dahil hindi ko naiba ang boses ko. Hindi dapat iyon monologue kundi monotone.
     Nagwagi din ako ng first prize at cash prize dahil sa native parol na ginawa ko.
     Nalaman din ng mga guro ko na mahusay ako sa letter-cutting. Kaya, kapag may program, pinapatawag ako. Akala ko nga minsan, may violation ako. Iyon pala ay may ipapagawa silang cut-outs para sa entablado. Lagi-lagi iyon.
     Lagi akong nasa honor roll, na inilalabas every after grading period. Kuntento na ako kahit nasa middle place lang ako. Alam ko naman kasi na may mas matalino at aktibo pa kesa sa akin. Saka hindi ako pwedeng mag-top, kasi transferee ako.
     All of the sudden...
     Dumating ang problema. Dumalas ang pagliban ko sa klase. Wala na kasi akong allowance. Kapos lagi sa pamasahe. Delayed lagi ang padala ni Mama. Minsan nga, pumapasok ako kahit walang baong pagkain, basta may pamasahe. Okey na iyon sa akin. Sayang kasi ang araw. Ayaw ko ma-miss ang mga quizzes at graded recitations.
     Matiisin ako talaga. Sa gutom. Sa halos lahat ng bagay..
     Pero, isang tanghali, hindi ako lumabas ng classroom para kumain. E, wala naman talaga akong tsitsibugin! Wala akong baong pera. Ni hindi ako makakabili ng tig-aanim na pisong mainit na Lucky Me noodles sa labas. Kaya ayun! Nakipagkuwentuhan na lang ako sa kaklase ko habang kumakain siya. "Sige lang!", kako. Kapagdaka'y nakita ako ng guro ko sa H.E.. Nagtanong. Umariba. hindi ko alam na nagkuwento pala sa adviser ko. maya-maya pa ay may dala na silang kanin at ginisang upo. Todo tanggi akong tanggapin. Pero ang totoo, gustong-gusto ko. gutom na kasi talaga ako, e. Kanina pa ako naglalaway sa ulam ng kaklase ko.
     Tinanggap ko rin pero kunwari ayaw ko pang kainin. Nakakahiya e. Pero ang mas nakakahiya ay nang interview-hin ako ni Ma'am. Tsk! Tsk! Naiyak ako.
     For the second time, naiyak uli ako habang kinakausap ng adviser. Dyahe!
     Dahil sa problemang iyon, naapektuhan ang grades ko. Hindi ko kasi nagagawa ang mga takdang aralin namin. Hindi na rin naman pumapasok sa kukote ko ang mga leksiyon. Bumaba rin ang mga nakukuha kong tama sa nga quizzes.
     March. Wala akong natanggap na award. Hindi naman talaga ako umasa. Ang importante sa akin ay matataas ang grades ko sa report card. Ayoko ng may pula doon. Ayoko ng may bagsak. Ayoko ng kahit pasang-awa. Ayoko ng pahilis. O line of seven.

KABANATA 12:
     Same school. Same classmates. Same teachers.
     Nagpalitan ng advisers. May mga tranferees na dumating. May nadagdag at umalis na guro. Umunlad ng konti ang eskuwelahan namin. Palibhasa, pang-apat na taon na ng aming Alma Mater ay nagkaroon na ng karagdagang silid-aralan.
      Fourth year na ako kaya may diskarte na ako sa buhay. Hindi ako naghinanakit sa aking ina. What for? Wala akong makitang dahilan. Besides, sanay na ako na malayo sa kanya. Sanay na ako sa mga gawaing-bahay. Sa pagba-budget ng kakarampot na pera. Paglalaba. O pagluluto man.
     Wala sa akin yon!
     Kaya sinubsob ko uli ang ulo ko sa mga aralin. Naubusan ako ng kilay.. He he, biro lang.
     Ganon pa rin.. Active sa klase. Sa recitations. At maging sa mga curricular activities. Sumali ako sa mga contests. Tumanggap ng mga tungkulin sa pamumuno sa grupo. Isa na rito ang pagkakahirang ko bilang over-all president ng KAMAFIL o Kapisanan ng mga Mag-aaral sa Filipino. Ito na ang pinaka-achievement ko. I love Filipino subject kasi!
     Nakapag-organize ako ng isang program. Ito ay ang pagdiriwang ng Linggo ng Wika. Wow! Hindi ko iyon makakalimutan.
     Idea ko lahat halos ang mga numbers at contests sa selebrasyong iyon. Nakapagpa-contest ako ng pagbigkas ng tula. May nagbalagtasan. At may tableau.
      Ang tableau ay isang piping pagsasadula na kadalasan ay sinasaliwan ng musika. Isa ito sa mga natutunan ko sa workshop na sinalihan ko noong first year ako sa Bicol. Ito rin ang dahilan kung bakit nagkapeklat ang kanang paa ko.
     Nag-tableau kami noon sa isang programa bilang paggunita sa Independence Day. Fiesta rin noon sa aming barangay. Ang ganda ng performance namin. Nakakapanindig-balahibo. Makatotohanan ang labanan ng mga Pilipino at mga Hapones. Ang pulang food color na ginamit ko as dugo ay naging makatotohanan din pagkababa namin ng stage.
     AWWRK! Naapakan ko ang malaking aso, na nakahiga sa gitna ng mga nakatayong manonood ng tableau. Duguan ang paa ko. Ansakit!
      Oops! Hindi iyan ang kuwento ko. Back to the Linggo ng Wika..
      Napuri ako ng adviser ko sa KAMAFIL. Successful daw. First time daw niyang makapanood ng tableau, gayundin ang sabi ng mga estudyante. Ang totoo, first time ko rin ring magturo niyon. Kadalasan kasi, participant lang ako. But that time, ako na ang nagturo, kasali pa ako.
      Proud na proud ako sa sarili ko. Gusto ko nga sanang tanunging ang mga matatalino kong classmates, "Kaya nyo ba 'yon?". Sa isip ko lang iyon. Nakakahiya, baka sabihin, "Ang yabang mo naman! Tsamba lang yon!"
      December. Maraming programs ang naganap such as Family Day at Christmas Party.
Noong Family day, hindi ako nag-enjoy. No need to explain. Wala si Mama ,e. Pero sila, ang sasaya! Para tuloy akong gatecrasher noon. Parang ampon ng isang pamilya at alam na ang katotohanan. Ni hindi ako nakasali sa mga parlor games.
     Di bale na..
     Noong Christmas Party naman. So-so. Hindi masyado masaya. Hindi rin naman malungkot. Sumaya lang ako nang matanggap ko ang cash prize sa napanalunan ko sa native lantern-making contest. First prize uli. Two consecutive years na akong first placer. At, last na iyon.
     Di bale na..
     Then, marami pang activities ang na-experience ko. Isa na rito ang educational tour namin. Pinuntahan namin ang Rizal Shrine sa Calamba, Laguna. Sa kabila ng kagipitan ko sa pera, ewan ko lang kung paano ako nakapag-produce ng pambayad. No choice kasi. Hindi raw puwedeng hindi sumama. Naku! Kung pinayagan lang akong, hindi na ako sasama. Sayang, e.
     Pero, ok lang. At least, narating ko ang dating tirahan ng ating national hero.
     Another is the J.S.Prom.
     Actually, isang beses lang ako naka-experience ng promenade. Noong senior lang ako. Pioneer kasi ang batch namin sa school na iyon kaya noong junior pa lang kami, wala pangsenior. Kakatwa naman kung mag-J Prom kami, di ba?
Excited ako na mag-prom. Kaya, kuntodo hanap ako ng mahihiram na truvenice at necktie.Good thing is nakapag-provide ako days before the promenade. At take note, dalawa pa ang nahiram ko. Di ko tuloy alam kung alin ang isusuot ko sa dalawa.
     Prom night..
     Masaya. Successful. Pero, malungkot pa rin ako dahil wala si Mama para ma-witness ang gabing iyon. Once in a lifetime kasi at hindi na mauulit.
      Di bale na..Basta, kako sa graduation ay nandito siya. Datapwat, mas malungkot ako nang dumating ang sulat. Hindi raw siya makaka-attend. Inunawa ko na lang dahil may dalawa akong kapatid doon na hindi pwedeng iwanan.
      Di bale na.. Tutal wala naman akong honors o award. Hindi rin siya magiging proud sa akin. di bale na, basta ga-graduate ako.
     Graduation day.
     Umagos ang maalat kong mga luha, for three reasons. Una, wala si Mama. Ang tito ko lang ang umakyat upang i-pin sa akin ang graduation ribbon.
     Pangalawa, wala akong natanggap na anuman. Tatlo lang ang nabigyan -- ang valedictorian, salutatorian at first honorable mention. Nagtipid ang school noon. Sabi ng faculty, memorandum daw ni Erap, dahil bagsak ang ekonomiya. Kaya nga, hindi kami nakatoga. Uniporme lang. Nakakaiyak pa dahil ni hindi man lang ako binigyan ng appreciation dun sa pagle-letter-cutting ko sa kanila for almost two years. Ni pasalamat, wala! Litse! Pati ba naman thank you tinipad pa nila.
      At pangatlo. Naiyak ako dahil na-touch ako sa graduation song..
      Di bale na! Natapos na rin ang paghihirap at pagtitiis ko.
      Mabuti na lang, binigyan kami ng isang handaan ng tiya ko. Namin, kasi apat kaming nagsipagtapos noong taong iyon. Ang kapatid ko. Dalawang pinsan. At ako.
     Masaya at grandyoso ang selebrasyong iyon. May banner. Nakatanggap pa kami nggreeting cards. Nag-wish sa amin ang sponsor. Nag-blow kami ng cake. Then, nagkainan. Nag-inuman sila. May mini-disco pa, with matching mirror ball.
      Pero sa gitna ng kasiyahang iyon , nakaramdam ako ng emptiness. Feeling ko nasa buwan ako. Nag-iisa. Habang sila'y napapaindak sa galak, ako naman ay nakalugmok sa burak. Ewan ko ba! Masyado lang siguro akong madrama. Kung kelan natapos na ako sa isang yugto ng buhay, saka naman ako nagkaganon.
     Noong gabing iyon, inalala kong lahat ang mga pinagdaanan ko. Naalala kong naging labandero pala ako tuwing Sabado para lang magkaroon ng pang-isang linggong allowance. Natawa tuloy ako sa alaalang iyon.
     Di bale na..
     Kung hindi man ako natutong magsaya sa gitna ng depresyon at krisis o kalungkutan at problema, ang mahalaga, marunong naman akong magpasalamat at tumanaw ng utang na loob.
    Salamat sa mga tiyo at tiya ko..
    Sorry din sa mga sama ng loob na idinulot ko  sa inyo. Sorry po kung akala ninyo ay nagtanan na ako. Natakot kayo na baka makapag-asawa ako ng hindi pa oras. Ang totoo po ay nagpalipas lang ako ng sama ng loob sa bahay ng kaibigan kong babae.

KABANATA 13
     Salamat kay Auntie Vangie! Binigyan niya ako ng oportunidad na makapagtrabaho sa garment factory nila. Summer job, ika nga. Para daw, makaipon ako ng pangkolehiyo.
     Okey!
     Tuwang-tuwa ako sa galak. First time, e! Sino ba namang tanga ang aayaw sa pagkakataong iyon?! Ni hindi ko na kailangang mag-aplay.
     Work ako ng work. Enjoy na enjoy sa sahod. Wiling-wili sa mga gimik. Sa mga gamit na nabibili. At mga pagkaing natitikman. Hanggang sa matapos na ang 6 na linggo.
     What?! Enrolment na?!
      Kelangan ko na palang mag-enroll. Wala pa akong ipon.
      Nagkamli ako. Masyado akong nabulag ng mga materyal na bagay at kasahayan sa ibabaw ng mundo. Hindi ko na naisip ang utak ko. Nakaligtaaan ko ang mga bilin ni ina.
      Kailangan din palang kumain ng utak. Kailangang magdagdag ng accesories. Kailangan rin palang mag-download. Mag-charge at mag-load.
      Naisip ko ang guhit pahilis.
      Dapat na ba akong gumawa ng pahilis pakanan at pahilis pakaliwa? Dapat ko na bang ipag-cross ang dalawang guhit upang makabuo ng ekis? Dapat pa ba akong mag-aral? O, magtatrabaho na lang ako?
      Hindi! Ayoko!
      Mag-aaral at magtratrabaho ako. Oo! Sabay. Work sa umaga. Studies sa gabi. O vice versa.
      Kasama ko ang pinsan kong babae na gusto ring magtapos, ay hinanap namin ang kinaroroonan ng Polytechnic University of the Philippines sa Sta. Mesa. Nagkandaligaw-ligaw kami, pero sulit dahil natagpuan namin PUP. Subalit, late na pala kami. Sabi ng sikyu, tapos na raw ang entrance examination for 1st year students. Maaga raw iyon isinasagawa.
      Bigo.
      Ayoko na, sabi ko. Pero, sabi nila, matalino raw ako. Kaya may payo sila. Apply daw ako ng scholarship sa Central Collloges of the Philippines. Pero hindi sila tumulong financially. Sinabi lang nila na nagbibigay ng up to 100% scholarship fee. So, nag-inquire kami. Kasama ko kasi ang isang katrabaho at pinsan kong lalaki.
      Ora mismo, interview agad! Araguy! Advantage pala ang may honors noong high school. Sayang! Wala akong honors kahit 10th. Mabuti pa ang katrabaho ko, valedictorian pala. Kaya, may chance siyang ma-avail ang 100% scholarship, depending on the result of our exam.
        To make the story short, nag-exam kami. Then, naghintay ng result.
        Nakakaproud dahil pasado kami.
        Nakakabad trip kasi 30% lang ang nakuha naming tatlo. It means 70% pa ang babayaran kong matrikula. Wag na! Can't afford. Ang mahal pa naman ng daw sa school na iyon.
        Wag na, sabi namin. Magtrabaho na lang muna tayo, sabi ko pa. Wait na lang tayo sa PUP. Aagahan ko talaga ang punta doon next year.
        Desidido na sana akong mag-pass sa schooling, heto na si Auntie, may dalang broadsheet Kung saan ang founder at owner ng AMA ay naghahanap ng indigent students at magbibigay ng scholarships up to 100%.
        Una, naisip ko, gaya lang iyon sa CCP. May mga honors lang ang makakapag-aral ng 100% free. Pero naisip ko rin na ibabase nila sa indigency ng applicant. Nag-double- mind ako. Gusto ko, na parang ayaw ko. Nahihiya lang ako sa tiya ko. Gusto ko na lang muna sanang magtrabaho at mag-ipon para kahit walang scholarship ay makakapag-enroll ako.
        Gusto ko talaga sa UP Diliman. Greatest dream ko ang makapag-aral sa Unibersidad ng Pilipinas pero dahil suntok sa buwan, kahit saaan na lang.
        Ayun, kinunsidera ko ang alok ng aking tiyahin. Nag-exam ako, gayundin ang utol ko.
        Ang bilis ng results! Parang hindi tsenikan. Parang minadyik!
Alam ko at umasa ako na 50% 0r 70% man lang ay makukuha ko. But I was wrong. Thirty percent uli.
        Aha! May hokus-pokus. Front nyo lang iyon. Gusto nyo lang humakot at umengganyo ng enrollees. Wala talaga kayong balak magbigay ng full scholarship.
        Business is business, talaga!
        Sorry po, AMA, but I have to express my mind..
        Alam ko, hindi ko na-perfect ang exam. ngunit alam ko sa sarili ko na hindi lng 30% ang nakuha ko. unang-una, ginalingan ko ang pagsagot sa bawat katanungan. Fresh pa ang utak ko. Pangalawa at panghuli, I deserve it! Indigent ako. Alam nila iyon dahil isinaad ko iyon sa application form at isinagot sa interview. Dapat di nila binase sa honors or test result.
       Tinanggap ko na lang ang kabiguang iyon.
        Ewan ko ba?! Nagpa-enroll pa rin ako. Sa kagustuhan kong makapagtapos at manatiling matalim ang kukote, nag-down payment ako. Take note, inutang ko iyon sa kompanya. Vale, kumbaga.
        Buwisit na karunungang iyan! Napakamahal. Di bale, sulit naman pagdating ng panahon.
        First day of school. Excited akong pumasok. Nag-enjoy at natuto ako sa unang lecture. Feel na feel ko ang bagong yugto ng buhay ko.


( ABANGAN ANG MGA SUSUNOD NA KABANATA SA BUHAY NG MAY-AKDA...